GORGY RULA
Malaking break sa showbiz career ng character actor na si Nico Antonio na napasali siya sa isang malaking Korean series, ang Big Bet na ipalalabas sa Disney+.
Nag-shoot ang Big Bet sa Pilipinas ng halos anim na buwan kung sana kumuha sila ng Pinoy actors, at ang dami raw mga artistang nag-audition.
Bukod kay Nico, napasama rin sa cast sina Bembol Roco, Epy Quizon, Jeffrey Santos, Ronnie Lazaro, Kiko Matos, Art Acuña, Veronica Reyes, at Rose Van Ginkel.
Pero si Nico ang mapalad na nabigyan ng malaking role bilang si Mark Flores, isang pulis ng CIDG Operative na kasama ng bidang Korean actor na si Son Suk-ku (My Liberation Notes), na gumaganap ding pulis na nag-iimbestiga ng patayan sa casino dito sa Pilipinas.

Nico Antonio (center) with Son Kuk-ku (left) and Big Bet director Kang Yun-sung.
Nang nakatsikahan namin si Nico sa DZRH nung nakaraang Biyernes, December 9, 2022, tinanong namin kung ano sa palagay niya ang dahilan bakit sa kanya napunta ang malaking role sa Big Bet.
“Tingin ko po ano… kasi kaya ko magpatawa, and at the same time kaya ko rin maging seryoso. Kasi dun sa audition ko, ipinakita ko pareho, e, yung side ko na yun.
“Tapos nung nabasa ko po yung script, parang medyo… alam niyo yung tao na seryoso siya sa buhay, pero at the same time parang minsan hindi mo siya seseryosohin para matawa siya. Pero seryoso talaga siya,” sagot ni Nico.
Kahit nga ang co-star niya ritong si Veronica Reyes, na gumaganap bilang asawa niya sa Big Bet, ay sobrang masaya na napunta ang malaking role na ito kay Nico.
“Sobrang big role ni Nico dito. I think it’s a big break po for Nico.
"Actually, this is one of his biggest roles, kasi ang tagal niyang hinihintay ito, e, and at the same time Nico deserves it,” pakli ni Veronica nang nakapanayam namin siya sa press preview ng Pinoy Ghost Tales.
Ang Big Bet ay tinatampukan ng ilan sa pinakasikat na Korean actors gaya nina Choi Min Sik (Oldboy), Son Suk-ku (The Outlaws 2), Lee Dong-hwi (The Extreme Job), at Squid Game stars na sina Heo Sung-tae at Kim Joo-ryung.

Sobrang na-enjoy raw ni Nico ang project na ito dahil ibang experience para sa kanya bilang aktor na nakapagtrabaho siya sa isang Korean project.
Saad niya, “In terms of work ethics, pareho lang po tayo magtrabaho compared sa mga Korean staff and actors.
“Ang ipinagkaiba lang po siguro sa staff, mas mabilis lang sila nang konti. Kasi nung nag-shoot sila dito sa Pilipinas, ang time, sobrang limited. So, kailangan paspasan.
“There’s a certain time lang sila dito tapos lilipad na sila pabalik sa Korea.
“For the actors naman po, very professional po sila at saka yung treatment nila sa mga Korean actors nila, pareho lang po sa amin dito sa mga Filipino actors, wala naman pong ipinagkaiba.”
NOEL FERRER
Siyempre, pagdating sa talent fee, mas malaki itong sa Big Bet kesa sa mga nagawa niyang teleserye dito sa atin.
“Sabihin na lang po natin na three times ng TF ko dito sa Pilipinas,” sabi ni Nico.
Nakakatuwa na ang dami nang magagaling na Pinoy actors napapansin na sa ibang bansa kagaya nina Ruby Ruiz (Expats), Dolly de Leon (Triangle of Sadness), Soliman Cruz (To The North), Stefanie Arianne (Plan 75), at Chai Fonacier (Nocebo).
Komento ni Nico, “Maganda po yun sa amin sa acting community, kasi mas mabibigyan po ng mas maraming trabaho na tulad ko na hindi ganun kasikat, pero alam naman po personally na kayang makipagsabayan sa kanila.”
Sabi pa ni Nico, nangangarap na rin lang, mangarap na raw siya nang malaki. Sana mapansin daw siya sa The Big Bet dahil isa sa mga wish niya ay mapasama siya sa part two ng Squid Game.
Read: Netflix announces Squid Game renewed for second season
“Hopefully, this becomes a big hit, Big Bet. I hope and pray that I get noticed outside, at saka ang wish ko nga sana mapansin ako nung Squid Game director.
“Kasi legit po yun, e. Naging phenomenal po siyang series all over the world, especially U.S.
“I mean, kung mangangarap tayo, mangarap na tayo ng sobrang laki.
"Kasi, di ba ho, kunyari pag nag-hit ho, nakapasok ako sa Squid Game 2 tapos mapansin sa Hollywood…
"E, si Don Lee [Ma Dong-seok], yung dun sa Train to Busan na malaking mama, nakapasok sa Hollywood, naging partner po niya si Angelina Jolie sa Eternals, di ba?
"Baka po, di ba?”
JERRY OLEA
Nasa “Worth The Wait” section na ng Netflix ang reality competition series na Squid Game: The Challenge, pero hindi pa inihayag kung kailan ang streaming nito.
Noong Hunyo 2022 inihayag ang tungkol sa reality competition na iyon kasabay ang open casting call. Sampung episodes ang nasabing series na may 456 players, at ang cash prize ay US$4.56M. Ang challenges ay base sa seryeng Squid Game.
Naudlot ang paglabas ni Carlo Aquino sa Squid Game, at iyong role niya ay napunta kay Anupam Tripathi — ang Player 199 na si Ali Abdul, migrant worker mula sa Pakistan.
Read: Carlo Aquino almost joined Korean Netflix series Squid Game
Noong Hunyo 2022 rin na-greenlight ang second season ng Squid Game, kung saan magbabalik ang mga karakter nina Seong Gi-hun (Player 456, ginampanan ni Lee Jung-jae) at The Front Man (Hwang In-ho, ginampanan ni Lee Byung-hun).
Malamang na sa 2024 pa ito makukumpleto at maipapalabas.
Makasama kaya si Carlo Aquino sa second season ng Squid Game, o si Nico Antonio ang maikunsindera?
Mapapanood kayang muli ang mahiwagang Salesman (ginampanan ni Gong Yoo)?
Aba! Aba! Hope springs eternal. Malay natin, magka-third season ang Squid Game?!
Abang-abang, alibang-bang!
