GORGY RULA
Natuloy nang ipalabas ang "Listen to My Heart" episode ng Magpakailanman noong Sabado, Nobyembre 26, 2022, sa GMA-7.
Tampok sa naturang episode ang buhay ng singer at anak ni Freddie Aguilar na si Maegan Aguilar, na ginampanan ni Sanya Lopez.
Isa ito sa mga kuwentong ilalahad sa 20th anniversary ng drama anthology na hinu-host ni Mel Tiangco.
Naka-11.8% ang Magpakailanman (#MPK), at 2.7% naman ang first episode sa three-part special ng Maalaala Mo Kaya (MMK), na magtatapos na sa Disyembre 10.
Sa darating na Sabado, December 3, ipalalabas ang second part ng kuwento ni Maegan Aguilar na pinamagatan namang "Love Me For What I Am."

Pinaghandaan ng mga taga-#MPK ang mga susunod pa nilang episodes na talagang pang-20th anniversary, sabi nga nila.
Isusunod nila sa "Maegan Aguilar Story" ang horror episode na pinamagatang "Haunted Soul tampok si Bea Alonzo." Ito raw ang piniling kuwento ni Bea dahil hindi pa raw niya nasubukang mag-horror sa TV.
Tiniyak ng #MPK mas marami pa silang mga interesting na kuwento ng Kapuso stars na pumayag isadula sa naturang drama anthology.
Isa sa pumayag na gawin ng #MPK ang kanyang kuwento ay si Kokoy de Santos.
Sabi ni Kokoy nang nakatsikahan ko siya sa EDDYS Awards nung Linggo, November 27, hindi naman masyadong madrama ang kuwento niya pero marami raw sa mga kabataan ang makaka-relate sa mga pinagdaanan niya bago maabot ang maganda niyang showbiz career.
Makikipagtulungan daw siya sa writer na maisulat nang maayos ang kuwento niya.
Ewan ko lang kung ibabahagi niya ang karanasan sa dating girlfriend na na-trauma raw siya.
“Oo, traumatic yun!” susog naman ng kaibigan at Gameboys co-star niyang si Elijah Canlas.
Tinanong ko rin si Kokoy kung sino ang gusto niyang gumanap bilang siya sa Magpakailanman.
“Gusto ko na rin sana ako na. Alam ko na e,” pakli ng magaling na Kapuso actor.
“Pero maghahanap siguro kami ng bagay na young na ako. Importante rin yung part nung bata ako e,” dagdag niyang pahayag.
Sabi nga ng head writer ng Magpakailanman na si Senedy Que, interesting talaga ang kuwento ni Kokoy de Santos. Kaya abangan natin iyan.
JERRY OLEA
Ikinatuwa syempre ng Gameboys fans na sabay dumating at nag-present ng award ang EliKoy/CaiReel tandem sa 5th EDDYS noong Sunday night sa MET.
Kasama ng EliKoy sa red carpet si Angeli Sanoy na kabilang sa cast ng Pinoy BL series na Gameboys. Nakapagpa-picture ako sa kanila, kung saan kasama rin si Direk Perci Intalan ng The IdeaFirst Company.

Kokoy de Santos, Angeli Sanoy, and Elijah Canlas
May kani-kanyang career na sina Elijah at Kokoy.
Streaming sa Vivamax ang pelikulang Livescream ni Elijah, at may movie-serye siyang Suntok Sa Buwan sa TV5.
Iyong pelikulang About Us But Not About Us nina Elijah at Romnick Sarmenta ay Best Critics’ Picks Film awardee sa Tallinn Black Nights Film Festival (POFF) sa Estonia.
Si Kokoy ay nasa Bubble Gang at Running Man Philippines ng GMA-7. Meron na rin siyang pelikula para sa Vivamax.
Siyanga pala, narito ang ratings ng iba pang primetime shows nung nakaraang Sabado, November 26:
Ang 24 Oras Weekend ay naka-12.2% kontra sa 1.7% ng TV Patrol Weekend.
Ang Pepito Manaloto ay 12.3%, samantalang 3.7% ang Everybody Sing ni Vice Ganda.
Ang Running Man Philippines ay 13.1%, ang Daddy’s Gurl ay 5.9%, at 2.9% ang I Witness.
NOEL FERRER
Parang pababa na talaga ang viewership ng TV sa atin. Lalo pa’t pa-December na at ang dami nang ganap, and TV viewing seems to be the least priority na ng mga tao.
Ang attitude ay mapapanood naman nila ito online — at their most convenient time.
Kaya naman pati advertisers, mukhang hindi tumutodo sa ad placements kaya kahit nagre-rate ang mga shows na Start Up PH o Maria Clara at Ibarra ay malaki pa rin ang expectations sa pagbebenta ng ads dahil sa tumataas na production cost.
Hindi na nga lang siguro TV ang sumasagot sa needs at interes ng mga tao ngayon. Ang dami rin kasing platforms na available sa kanila — Netflix, HBO Go, Amazon Prime, Disney Plus, at Vivamax, to name a few — kaya pagandahan na lang.
At yung pupukaw at tutugon sa pangangailangan at interes ng mas maraming manonood, iyon ang dyuma-jackpot.
Hindi nga ba’t parang na-level din ang playing field kasi parang lahat na ay naging content creator? Pagandahan na lang ng content at pagalingan ng pagbebenta.
At any rate, narito ang ratings ng mga programa noong Nobyembre 27, Linggo"
Ang All-Out Sundays ay naka-5.4%, samantalang 2.6% ang ASAP Natin ‘To.
Ang GMA Blockbusters ay 3.2% kontra sa 3.3% ng FPJ Da King.
Ang The Wall Philippines ay 4.2%, sumunod ang Regal Studio Presents na naka-4.4%.
Pagdating sa primetime, 13.7% ang 24 Oras, at 1.7% ang TV Patrol.
Naka-11.5% ang Daig Kayo ng Lola Ko, at 4% naman ang Everybody Sing.
Ang Running Man naman ay 13.3%, at kataka-takang 13.9% lang ang Kapuso Mo Jessica Soho. Ang The Boobay and Tekla Show ay 4.6%.
