JERRY OLEA
Marubdob ang talumpati ni Direk Joselito “Jay” Altarejos nang tanggapin ang best editing trophy sa 45th Gawad Urian noong Nobyembre 17, Huwebes sa UP Film Center, UP Diliman, Quezon City.
Iyon ay para sa pelikula niyang Walang Kasarian Ang Digmang Bayan, kung saan magkatuwang sila ni Gerone Centeno sa pag-e-edit.
“Ang kuwento ng Walang Kasarian Ang Digmang Bayan ay pagsasama-sama ng danas ng mga Pilipino sa ilalim ng Duterte administration,” tukoy ni Direk Jay sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“At ito rin ay danas ng mga Pilipino hindi lamang sa panahon ni Duterte kundi magmula pa ng panahon ni [dating Pangulong Ferdinand] Marcos.
“Nakakalungkot na natapos ang eleksyon na hindi napag-usapan ang EJK! Pinag-usapan lang natin si Bongbong Marcos pero hindi natin pinag-usapan ang EJK.
Ang EJK o Extra-Judicial Killings ay ang aktibidad na iniugnay sa kampanya ni dating Pangulong Duterte laban sa drug lords at sa mga nagpapakalat ng ilegal na droga.
Marami ang kumondena sa EJK dahil sa walang habas na pagpatay ng mga nagpapatupad nito maski na sa mga indibiduwal na pinaghihinalaan pa lang.
“Ilan ang batang namatay? Sa huling bilang namin sa pelikula noong 2019, isang daan mahigit na bata ang pinatay. Isang daan!
“Sabi nga sa pelikula, ‘Kahit isang daan yun, mga bata yun!’
“Thirty thousand ang mga biktima ng EJK, hindi natin iyan pinag-usapan. Dahil pinag-usapan natin ang pagbabalik ni Marcos.
“At nabulag tayo sa ating mga bula. Kaya nakabalik ang isang Marcos.
“Ang sabi ko kanina sa mga kasama ko sa 2076 Kolektib… na kahit ano pa ang makuha natin, magsasalita tayo sapagka’t hindi natin alam kung babalik pa tayo dito sa entablado.
“Kailangang marinig nila na patuloy tayong lalaban sa pagbali ng kasaysayan. Patuloy nating ikuwento ang danas ng sambayanan.
“Ng sambayanang Pilipino na nagnanais ng tunay na pagkakaisa, pag-unlad, pagkakapantay-pantay, at demokrasyang nanggagaling sa sambayanan.”
Katabla ng Walang Kasarian Ang Digmang Bayan ang On The Job: The Missing 8 sa nasabing parangal.
Ikinakasa na ang promo ng bagong pelikula ni Direk Jay Altarejos, ang Finding Daddy Blake kung saan bida sina Carlos Dala, Tommy Alejandrino, at Jonathan Ivan Rivera.
Nasa cast din ng movie sina Dexter Doria, Gio Alvarez, Oliver Aquino, Joyce Peñas-Pilarsky, Marc Cubales, Tads Obach, Karen Toyoshima, Marc Anthony Baranda, at Aaron Domingo.
NOEL FERRER
Mahalaga ang pelikulang Walang Kasarian Ang Digmang Bayan ni Direk Jay Altarejos dahil ginawa niya iyan habang kami ay nasa Scriptwriting Class ni Sir Ricky Lee.
Talagang masusi at sinaliksik nang maayos. Ni-revise, kininis, at talagang ginawang obra maestra.
Marami pang kuwento si Direk Jay na gustong ilahad nang maganda.
Ang tatak niya, maliban kay Oliver Aquino at ngayo’y pati si Dexter Doria, matapang ang mga obra ni Direk Jay. Sana, hindi siya mapanghinawaan.
GORGY RULA
Bahagi ng opening remarks ni Gary Devilles, chair ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP), “Ang mga pelikulang pararangalan ay may malinaw na birtud at hangaring makaalpas sa mga suliraning malagkit ang kapit sa atin hanggang ngayon…
“Walumpo’t isang [81] pelikula lamang ang lumabas noong isang taon. Bagay na napakakaunti kung tutuusin sa tatlong daang pelikula kada taon bago ang pandemya.
“Sa loob ng dalawang taon, saksi ang lahat sa pagkalagas ng mga kasamahang iginupo man ng Covid o ng ibang karamdaman.
“Taun-taon, sinasalanta tayo ng mga bagyo, at nariyan pa rin ang walang katapusang pagtugis sa mga mamahayag, ang pamamayani ng fake news at historical revisionism sa lahat ng uri ng media, at ang EJK.
“Kaya hindi nakapagtataka na sa gabing ito, halos lahat ng pelikula ay may ganitong paksa at pagbaling sa kinasasadlakan natin.
“Limang pelikula ang nagtatagisan sa pinakamahusay na pelikula ngayong gabi at halos lahat ay may ganitong paksa.
“Sa tatlumpo’t dalawang maikling pelikula at dokumentaryo, walo ditong maikling pelikula at tatlong dokumentaryo ang naglalaban, at ang may malinaw na naglalatag na reyalidad at naghahain ng kakaibang lente sa kalagayan natin.
“Sa lahat-lahat, labing-apat na pelikula lamang ang nakapasa sa panlasa ng Manunuri at para sa amin, ang labing-apat na ito ang nagpapaalala lagi sa atin na ang usapin ng estetika at kasiningan ay may kaugnayang dayalektikal sa pag-unawa natin sa bagay-bagay, pag-apuhap natin ng katotohanan, at sa birtud na maging malaya…”
Inaasahan na naming may magbibigay talaga ng hanash sa entablado lalo na’t may sarili ring opinyon ang Best Actor na si John Arcilla.
Halatang gigil na si Direk Jay Altarejos na sabihin ang kanyang saloobin sa mga nangyayari.
Nasabi naman niya nang maayos, kahit ramdam naming nagpupuyos ang kanyang damdamin.
Naalala tuloy naming umeksena ang namayapang direktor na si Lino Brocka sa 1980 Gawad Urian at iniwan niya sa podium ang Best Director na napanalunan mula sa pelikulang Jaguar (1979).
Naipapahayag ang saloobin ng ilang artists sa ganitong venue. Sana, maiparating ito sa mas nakararami.
Pahayag ni John Arcilla nang tanggapin ang tropeyo ng On The Job: The Missing 8 bilang Best Picture, “Patuloy po na lumilibot ang The Missing 8 ngayon, kung saan-saang nominasyon.
“At nagtaka po ako kung papaanong siya ang nag-represent sa Oscars sa mga taong ito. Ha-ha-ha-ha-ha!
“Sa gitna ng mga pangyayari na hindi natin inaasahan, pero yun po ay isang pagpapatunay na naniniwala pa rin tayong lahat na dapat pa rin nating isiwalat ang mga katotohanang nangyayari sa ating lipunan kahit may mga balakid at kahit may mga patuloy na mga puwersa ng pagpapalabo ng mga bagay-bagay.”
Abangan na lang natin ang kabuuan ng 45th Urian Awards next week sa UP TV (Channel 101 sa Cignal).
