GORGY RULA
Hindi itinanggi ni Ruru Madrid na talagang may pressure sa kanila ang matinding pagtatapat ng malaking teleserye ng Kapamilya Channel sa Lolong, ang pinagbibidahan niyang primetime series sa GMA-7.
Ngayong Biyernes, August 11, ay nagwakas na ang FPJ's Ang Probinsyano pagkatapos ng halos pitong taon sa ere.
Bagong challenge na naman ang haharapin ng Lolong sa darating na Lunes, August 15, dahil sa pagsisimula ng bagong katapat nitong programa, ang Darna.
Naglabas ng bagong trailer ang action-adventure series ng GMA-7.
Simula sa Lunes ay nasa pangalawang yugto na ang Lolong at may mga bagong karakter na papasok. Kabilang dito sina Alma Concepcion, Thea Tolentino, Lucho Ayala, Vin Abrenica, at Rafael Rosell.
Sabi ni Ruru, pinapaganda ang lahat na teleserye kaya ang mga manonood ang makikinabang nito.
“Kung ano man po yung dadating na kalaban, okay lang. Lahat po tayo ay nagbibigay ng kasiyahan para po sa lahat na manonood,” sabi ni Ruru sa nakaraang mediacon ng Lolong.
“For sure, sa lahat po ng bumubuo nitong Lolong, hindi naman po sinasabi namin na hindi kami nakakaramdam ng pressure sa mga papasok na makakalaban namin. Dahil po siguro alam po namin na ginawa po namin ito para po sa mga tao, not just for us, para po sa kanila.”

Nasa South Korea pa rin si Ruru para sa taping ng Running Man Philippines at nalulungkot siya dahil hindi siya personal nakakapag-promote ng Lolong.
Kaya naman thankful siya sa lahat ng co-actors niya dahil sila ang aligaga sa pagpu-promote sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sobrang na-miss na raw ni Ruru ang Pilipinas, at uwing-uwi na siya para makatulong sa promo ng Lolong.
Mabuti at naibsan naman ang pangungulila niya nang sinorpresa siya ng girlfriend na si Bianca Umali sa South Korea. Wala raw siyang kaalam-alam na darating ito kaya sobrang tuwa ng Kapuso actor.
Ang sweet nga nila sa mga ipinost nila sa kanilang Instagram account.
=“Sobrang happy," sambit ni Ruru.
"Kasi siyempre, nung time kasi after Lolong, hindi rin ako masyadong nakapag-stay nang matagal sa bahay namin, sa buong pamilya ko.
“Hindi ko masyadong na-enjoy yung mga panahong nandun pa ako sa Manila. Ngayong nandito na ako sa Korea, nagti-taping kami sa Running Man, medyo nahu-homesick ako sa Pilipinas.
“Sinorpresa niya ako. Hindi ko talaga inaasahan na talagang pagod na pagod na ako. Gusto ko nang umuwi kasi nahu-homesick na ako.
"Pagbaba ko dun sa lobby, nandun na siya. Parang nawala yung pagod.
"So ngayon, parang ini-enjoy ko na lang ang panahon na nandito pa ako sa Korea. But of course, nakakalungkot pa din, kasi wala ako diyan to promote Lolong.
“Thankful ako to Shaira, Arra, dahil sila po ang nagpupunta sa iba’t ibang lugar para mag-promote ng Lolong.”
JERRY OLEA
Sa taping ng Lolong ay hindi naiwasang tuksuhin sina Ruru at Arra San Agustin dahil sa kanilang past noong panahon ng pandemya.
Sa pagkakaalam ng PEP Troika ay naging sila noon, pero sabi ni Ruru, nanligaw siya pero wala raw nangyari. Kaya hindi maiwasang nagkakaroon ng ilangan sa kanilang dalawa sa mga unang araw nila sa taping ng Lolong.
Sabi ni Ruru, “Nung time po ng Encantadia, I tried na ligawan siya pero wala naman pong nangyari dun. Hindi po nasundan.
“After po ng Encantadia, parang six years po kami hindi nagkikita. Hindi po kami nagkatrabaho.
“At first, may mga ilangan, pero sabi namin, ayaw namin masayang po yung project because of that ilangan. Mas nangibabaw po ang pagiging magkaibigan po namin dito. Not just me and Arra, but also sa lahat po ng cast na bumubuo ng Lolong.
“Naging isang grupo po kami. Yung ilangan po wala na po talaga. Inaasar po kami sa set, pero para pagaanin lang po dun sa set.”
Hirit ni Arra, “At first po, may konting ilangan, awkward. Pinag-usapan na po namin yun, e. Naging reverent po kami sa isa’t isa.
“Kasi po para sa akin, kinakailangan ko rin po maging reverent kasi nakaapekto po yun sa gagawin ko pong pag-arte.
“Halos lahat, siya po ang kaeksena ko po rito. So, yun, e, magkaibigan naman po kami ni Ruru, madali lang po maintindihan.
"E, may sari-sariling buhay naman po kami. So, mas madali po.
"E, nandiyan po yung mga pang-aasar nila. Nakakatulong naman to loosen up.”
Na-realize daw nila agad na mas mabuting magkaibigan silang dalawa.
Pagngiti ni Ruru, “Yung mga panahon na nangyari yung mga ligaw-ligawan na yun dati, parang na-realize namin na ever since naman nung nagsimula pa lang, parang napagdesisyunan namin na better kaming magkaibigan kesa sa yung kung ano mang something na mabubuo pa.
“Kahit na nangyari ‘tong Lolong, mas lumalim ‘tong friendship naming dalawa. Hindi lang sa kung ano man yung nangyari sa past.”
NOEL FERRER
Excited akong bumalik si Ruru sa Maynila para personal na magkuwento ng mga projects niya.
Iba lang. Kasi, hindi tulad nung dati na puwedeng mag-tape ang Lolong ng mga pasabog at panggulat na pantapat sa finale ng FPJ’s Ang Probinsyano at pilot ng Mars Ravelo’s Darna. Kasado na ang episodes nila at tapos na ang lock-in taping, kaya sinisipagan na lang nila ang Lolong sightings.
Pagbalik ni Ruru, maraming kuwento iyan tungkol sa South Korea, at sa pagtatagpo nila ni Bianca Umali.
Ang love story nina Ruru at Bianca ay panteleserye rin talaga! At isa akong masugid na tagasubaybay.
