GORGY RULA
Star-studded ang first Asia’s Golden Icons Awards na ginanap sa Okada Manila nung nakaraang Martes, June 28.
Ang laki ng pasasalamat ng presidente nitong si Dr. Ronnel Ybanez dahil sa pagdalo ng mga kilalang celebrities na ginawaran ng naturang parangal.

Naging emotional si Teresa Loyzaga dahil ngayon lang daw nabigyang halaga ang trabaho niya at pinarangalan siyang Most Admired Actress of the Philippine Cinema.

Pero ang pinagkaguluhan sa naturang parangal ay ang mag-asawang Sen. Robin Padilla at Mariel Rodriguez.

Ginawarang Asia’s Most Iconic Showbiz Personality of the Year si Robin, at ang asawang si Mariel ay Asia’s Most Empowered Actress and Vlogger of the Year.
Kahit ang isa sa mga awardees na si Gladys Reyes ay sobrang natuwa kay Sen. Robin na napakabait daw sa kanya.

Text ni Gladys sa PEP Troika, “Nagkita-kita kami nila Sen. Robin at Mariel sa backstage, parang nahihiya pa si Robin na tinawag kong Senator.
“Napaka-humble and gentleman, kahit tapos na sila ni Mariel, pag-akyat ko sa stage, inalalayan niya pa ako.
“Si Mariel naman, napaka-charming. Parang ang saya kung magkakasama kami sa sitcom.”
Magkakasama kasi sila sa Net 25 na kung saan merong Moments si Gladys at may isa pang show na ang mag-asawang Robin at Mariel ang hosts.
Si Gladys ay pinarangalang Asia’s Iconic Actress and Inspiring TV Host. Kaya nagpapasalamat siya sa lahat na bumubuo nito.
Ilan pa sa mga dumalo para tanggapin ang kanilang award ay sina Ana Jalandoni na Most Empowered Celebrity of the Year, Ahron Villena na Most Inspiring Actor and Businessman of the Year, at Ara Mina na Asia’s Most Exceptional Actress of the Decade.
JERRY OLEA
Andaming tanong na naiwan sa aking diwa matapos kong panoorin sa Netflix ang sampung episodes ng ikatlong season ng seryeng The Umbrella Academy.
Pero mas maraming tanong ang nag-singkil at nag-tinikling sa aking kukote kaugnay sa Asia’s Golden Icons Awards 2022 na iyan.
Kailangan ba talaga na may Asia sa title? Bakit buong continent ng Asia ang sinakop? Bakit hindi na lang ginawang South East Asia’s Golden Icons Awards?
Bakit ginintuan? Di ba, mas bonggacious kung Diamond or Platinum?
At any rate, buti at nakapasok sa Okada Manila si Atak Arana na ginawaran bilang Outstanding Comedian of the Year.

Hindi pa tapos ang isyu ni Atak sa Okada. Sa pagkakaalam ng PEP Troika ay ayaw niyang pumasok sa main entrance ng naturang resort-hotel.
Totoo ba na sinundo raw ng guards si Atak sa may parking ng Okada at dinala sa main ballroom? Hindi raw nakipag-ugnayan sa kahit na sinong bellboy ng Okada Manila sa nasabing awards ceremony, huh?!
NOEL FERRER
With all due respect sa mga awardees na pawang mga kaibigan natin sa industriya, ang parangal tulad ng Golden Icons Awards ay nakasalalay sa reputasyon at kredibilidad ng mga nagpapatakbo nito.
Ang dami nang nagsulputang award-giving bodies. Parang nagiging raket ito sa ilan.
Ang mahalaga ay malinawan ang purpose at pamantayan nito.
Kasi, kahit tayo puwedeng magtayo ng Troika Awards—pero bakit at para kanino? Laging dapat maging malinaw ang sagot sa dalawang katanungang ito.
