JERRY OLEA
Mahigit $389M agad ang worldwide gross ng Jurassic World Dominion sa unang weekend pa lang nito. Ikawalo na agad ito sa pinakamalalakas na pelikula ng 2022 worldwide.
Ayon sa Box Office Mojo, ang Top 7 so far sa worldwide gross ay Doctor Strange in the Multiverse of Madness ($930M), The Batman ($770M), Top Gun: Maverick ($747M), Water Gate Bridge ($627M), Uncharted ($401M), Fantastic Beasts: The Secrets of Dumbledore ($400M), at Sonic the Hedgehog 2 ($398M).
Pila-pila ang mga manonood ng Jurassic World Dominion sa 3:05 p.m. IMAX screening noong Hunyo 11, 2022, Sabado, sa SM Mall of Asia kahit pa P670 ang tiket.
Marami-raming tsikiting sa audience. Maski na iyong mga Director’s Club sa MoA kung saan P490 ang tiket ay nagkakaubusan noong Sabado.
Ang mga bidang karakter sa pelikulang Jurassic Park (1993) na sina Dr. Alan Grant (Sam Neill), Dr. Ellie Satler (Laura Dern), at Dr. Ian Malcolm (Jeff Goldblum) ay narito sa Jurassic World Dominion.
Siyempre pa, kaabang-abang nang makasama na nila sa mga eksena ang mga pangunahing karakter ng Jurassic World trilogy na sina Owen Grady (Chris Pratt) at Claire Dearing (Bryce Dallas Howard).
Sa nobelang Jurassic Park (1990) ay nilapa ng velociraptor ang biotechnologist at geneticist na si Dr. Henry Wu. Sa pelikula ay nabuhay siya, pero maikli ang papel niya.
Sa ikalawa (The Lost World: Jurassic Park noong 1997) at ikatlong pelikula (Jurassic Park III noong 2001) ay waley ang karakter ni Dr. Henry Wu.
Itinampok muli si Dr. Henry Wu (B.D. Womg) sa Jurassic World trilogy, at may redemption ang karakter niya sa Jurassic World Dominion.
Sa unang Jurassic Park movie ay nandiyan na ang karakter ni Dr. Lewis Dodgson, ang CEO ng corrupt engineering corporation na BioSyn Genetics. Itong BioSyn ang karibal ng InGen ni Dr. John Hammond (Richard Attenborough).
Ang unang gumanap na Dr. Lewis Dodgson ay si Cameron Thor.
Noong 2016 ay nasentensiyahan si Cameron na makulong ng anim na taon dahil sa sexual assault sa isang 13-anyos na dalagita. Ang pumalit kay Cameron bilang Dr. Lewis Dodgson sa Jurassic World Dominion ay si Campbell Scott.
May poetic justice sa kinahinatnan ni Dr. Lewis Dodgson.
Nasa Jurassic World trilogy rin ang velociraptor na si Blue. Sa Jurassic World (2015) ay apat na velociraptor ang tine-train ni Owen Grady — sina Blue, Delta, Echo, at Charlie. Si Blue lamang ang naka-survive sa kanila.
Sa Jurassic World Dominion ay may anak na si Blue na ni-reproduce asexually. Immaculate conception, 'ika nga. Pinangalanan ni Maisie Lockwood (Isabella Sermon) ang baby raptor bilang Beta.
Si Maisie Lockwood ay ipinakilala sa pelikulang Jurassic World: Fallen Kingdom bilang apo ni Sir Benjamin Lockwood (James Cromwell), ang dating partner ni Dr. John Hammond sa pag-develop ng teknolohiya upang makapag-clone ng dinosaurs.
Si Maisie ay clone ni Charlotte Lockwood, ang daughter ni Sir Benjamin Lockwood. Sa pag-uumpisa ng istorya ng Jurassic World Dominion ay pinangangalagaan siya nina Owen at Claire sa isang liblib na cabin sa kabundukan ng Sierra Nevada.
Kabilang pa sa mga karakter na nagbalik sa Jurassic World Dominion sina Barry Sambene (Omar Sy), Franklin Webb (Justice Smith), at Dr. Zia Rodriguez (Daniella Pineda).
Si Barry ay animal trainer na co-worker ni Owen sa Jurassic World.
Si Franklin ay dating technician sa Jurassic World, samantalang si Dr. Zia ay isang paleo-veterinarian.
Sa Jurassic World Dominion ay dinosaur rights activist sina Franklin at Dr. Zia.
NOEL FERRER
Unti-unti na ring bumabalik ang ating mga kababayan sa sinehan para sa mga malalaking Hollywood films.
Kabilang sa mga pelikulang banyaga na aariba rin sa takilya ngayong buwan ay ang animated space adventure na Lightyear (Hunyo 15), Jujutsu Kaisen (Hunyo 22), Elvis (Hulyo 22), Minions: The Rise of Gru (Hunyo 29), Fireheart (Hunyo 29), at Everything Everywhere All At Once (Hunyo 29).

Coming soon ang Thor: Love and Thunder (Hulyo 6), Nope (Hulyo 20), League of Superpets (Hulyo 27), Bullet Train (Agosto 3), Beast (Agosto), Black Adam (October 19), at iba pa.

Sana, sana talaga, bumalik na rin ang moviegoers para sa mga pelikulang Pilipino.
GORGY RULA
Dahil sa kalakasan ng Hollywood films kagaya nitong Jurassic World Dominion, sinasabayan na rin ng promo ng mga pelikulang atin na sisimulan ng pelikulang Ngayon Kaya nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez na magsu-showing na sa June 22.

Sabi nga nila, sinasanay ng mga malalakas na pelikulang ito ang interes ng mga tao na pumasok sa mga sinehan.
Sana, tuluy-tuloy na ito pagkatapos ng showing ng Ngayon Kaya.
Sana, magsisimula na rin ng theatrical release ang Regal at Viva films.
Sabi nga ng ilang taga-showbiz, sana’y bigyang pansin na ng mga malaking film producers ang pagpapalabas ng mga pelikula nila sa mga sinehan at hindi na lang basta sa streaming.
Ang isa pang ipalalabas sa June 22 ay Korean action film na The Roundup na idi-distribute ng Glimmer Inc. at ni Grace Lee.
Bida rito si Don Lee ng 2021’s Marvel Hero Eternals at isa sa kinagiliwang karakter sa Train to Busan nung 2016.
