JERRY OLEA
Magkakaiba ang roles ni Krista Miller sa tatlong pelikula niya para sa Director’s Cut by AQ.
READ: Krista Miller agrees to do frontal nudity in comeback film: "Lumalaban pa."
Ang una ay BL (boys’ love) movie na Bingwit kung saan bongga ang billing niya; ikalawa ang GL (girls’ love) movie na Upuan; at ikatlo ang maaksyong Amazona, na isusyut pa lang nila.
Alin ang mas na-enjoy niya, ang BL o GL? Sa pamintang lalaki o sa kapwa babae?
"Parehas, parehas!" bulalas ni Krista sa grand launch ng AQ Prime Stream noong Hunyo 4, 2022, Sabado, sa Conrad Hotel, Pasay City.
"Parehas na nasubok yung acting skills ko. Thankful ako sa mga opportunity na ibinibigay sa akin nina Atty. Aldwin Alegre at Atty. Honey Quiño.
"Talagang pinagtitiwalaan nila ako pagdating sa acting."
Kumustang katrabaho si Nika Madrid sa Upuan?
"Okay naman, professional. Sobrang saya din siyang kasama," sambit ni Krista.
Na-enjoy ba niya ang love scenes nila ni Nika?
"Oo! Ha! Ha! Ha! Ha!" mabilis na tugon ni Krista na sinundan ng pilyang halakhak.
"Kahit GL, okay lang. Okay naman. Professional naman siyang katrabaho. And siyempre, Nika Madrid, napaka-sexy niyan, di ba?"
Babaeng-babae ba talaga si Krista? Hindi ba siya kabilang sa mga gender-fluid o bisexual?
"Oo naman! Saka may anak na ako! Ha! Ha! Ha! Ha! Napapatingin pa rin naman ako sa mga girls, pero paghanga lang na nagagandahan.
"Pero straight tayo! Lalaki pa rin ang hanap natin! Ha! Ha! Ha! Ha!" pagdidiin ni Krista.
Meron ngang mga alter o babading-bading na natotomboy sa alindog niya, di ba?!
"True! Sana nga, e, magawa kong maging ganap na lalaki! Di ba, pag ang bading, nagawa nating lalaki… Ay! Panalo iyan!" sabi pa ni Krista.
Co-stars ni Krista sa erotic BL movie na Bingwit sina Drei Arias, Conan King, Rob Sy, at Boogie Canare.
Idinirek ito ni Neal "Buboy" Tan. Ang Upuan ay sinulat at idinirek ni Greg B. Colasito. Nasa cast din nito sina Andrew Gan at Rob Sy.
NOEL FERRER
Kakaiba ang content na handog ng AQ Prime at Director’s Cut by AQ kaya salamat sa pagbibigay ng trabaho sa ating mga artista at kasamahan sa industriya.
Ngayong Pride Month, magandang ma-engage ang mga katulad ni Krista sa mga usaping pang-gender sensitivity.
Ingat lang siguro sa mga statement na sana ay magawa niyang ganap na lalaki ang mga alter at at ina pa, na para bang isang achievement na maialis sila sa ganitong sitwasyon.
Hindi ako lubusang maalam sa dynamics nito kaya dapat may pag-iingat sa pag-address ng mga ganitong isyu. Baka lang kako may mga SOGIE advocates na may ibang pananaw kasi rito.
GORGY RULA
Ewan ko ba. Parang nakaramdam ako ng awa kay Krista habang pinapanood ko siyang sumasayaw sa nakaraang grand launch ng AQ Prime.
Awa, dahil sa naiisip ko ang hirap na pinagdaanan niya noong nakulong siya. Siguro noong panahon na yun, naiisip niyang baka hindi na niya malagpasan ang mabigat na pinagdaanan niya.
READ: Krista Miller relates how prison made her a better person
Pero nang nakita ko siya last Saturday, bumalik ang kanyang ganda at mabuti, binigyan siya ng magandang chance ng AQ Prime Entertainment.
Sana, maganda ang kalabasan nito para makabawi ang ng AQ Prime. Nakita ko rin doon sa grand launch si Sabrina M na isa sa co-stars ni Krista sa Amazons.
Pero pang-mother role na si Sabrina siyempre dahil may kalusugan na siya.
Good luck kina Krista, Sabrina, lalo na sa mga baguhang artistang bibigyan ng break ng AQ Prime at SBT Entertainment.
