GORGY RULA
Gusto lang daw i-congratulate ni Senator-elect Jinggoy Estrada ang kapatid niyang si Senator-elect JV Ejercito kaya nilapitan niya ito pagkatapos silang iproklama sa PICC nung Miyerkules, Mayo 18, 2022.
"Ako lumapit, itinaas ko kamay niya. I-congratulate ko lang naman siya," pakli ni Jinggoy nang nakausap siya ng PEP Troika nung Miyerkules ng gabi.
Hindi naman daw sila nagkausap. Tinanong ko siya uli kung okay na ba sila ni JV.
"Siguro," matipid niyang sagot.
Tinanong ko na rin si Jinggoy kung imbitado ba si JV sa kanyang victory party.
"Sa group, na-invite ko," sagot ni Jinggoy.
Inimbita raw niya ang mga kasamahan niyang mga bagong halal na senador, at kabilang siyempre si JV.
Welcome daw ang kanyang kapatid sakaling dumalo ito sa kanyang pa-thank you party. Sinasabi naman ng ilang mga taong malapit kay Jinggoy na tila open na ito sa posibilidad na magkaayos na sila ni JV.
Pareho naman nilang sinasabing walang problema kung magkasama silang magtrabaho sa Senado. Pareho sila ng hangaring magsilbi sa taumbayan.
Bahagi ng speech ni Jinggoy, "Ang taos-pusong pasasalamat ko po sa lahat ng nagbigay ng suporta at tiwala para maipagpatuloy ko ang aking nasimulang adbokasiya! Matagal ko na pong gustong aksyunan ang inyong mga hinaing!
"Simula pa lamang po ito ng muli nating pagsulong ng mga batas para sa ikagagaan ng pamumuhay ng ating mga kababayan. Salamat po sa pagkakataong ito, ako po si Senator-elect Jinggoy Estrada, muling kikilos para sa Pilipino!"
JERRY OLEA
Sa nakaraang interviews kay JV, sinasabi nitong malabong magkaayos sila ni JV dahil malalim daw ang nangyari nung panahon ng kampanya.
READ: Relasyon ng magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada "kasinlamig pa rin ng North Pole"
Ikinuwento ni JV sa kanyang radio program sa DZRH na hindi siya naisama sa partido ng UniTeam at sa iba pang political party, kaya nahirapan siyang mangampanyang mag-isa.
"Kaibigan ko si Bonget, e," tukoy ni JV kay Ferdinand Marcos Jr.
"Yun nga ang tawagan namin, e. Alam ko, gusto niya talaga ako makasama. Pero may nangyari lang, e, nagkabalyahan," sabi ni JV.
"Nabalya ako nang konti, na-box out, pero ‘yan ang nagsilbing inspirasyon ko na talagang nagpursige ako lalo.
"Talagang lahat, pinuntahan ko, walang pahinga.
"Ang non-exclusion ko run ang nagsilbing driving force para talaga magpursige. Natatanggal ako sa lahat e, pero okay lang."
NOEL FERRER
Sana nga ay ok talaga sila… hindi lang sa pansarili nila, pero para sa bayan.
Tayo, kayo… ok na ba, mga kapatid?
