GORGY RULA
Ngayong Sabado ng hapon na mapapanood ang documentary na Miss U: A Journey to the Promised Land na dinirek ni Dingdong Dantes.
Maganda ang pagkatahi ng kuwento, at nailabas ni Dingdong ang matagal nang saloobin ni Marian Rivera pagdating sa ina nitong naging OFW noon at tiniis na magtrabaho sa ibang bansa para sa anak.
Sabi ni Marian, ngayon lang daw siya naging open na pag-usapan ito, at mabuti nagpaunlak din ng interview ang ina niyang si Amalia Rivera, dahil mahiyain daw talaga ito sa harap ng camera.
Ani Marian, “Ito kasi ang kuwento, ang pagbibigay-pugay at pagpapahalaga at sakripisyo ng isang nanay.
"Kasi alam naman natin na sa isang pamilya, hindi maari na walang OFW na kasama o kapamilya. Lahat sila makaka-relate dito."
"At sabi ko nga for the first time, ilang taon na akong nag-showbiz, never akong very open about this.
“This time, naging open ako na i-share kung ano ang puwede kong i-share sa mga tao na natutunan nila at na-realize nila na lalo nilang mahalin ang mga magulang nila.”
Maganda ang pagkadirek ni Dingdong sa Mother’s Day special documentary na ito.
Sa susunod na Sabado, Mayo 14, 2022, ay magsisimula naman ang bagong sitcom nina Marian at Dingdong na Jose and Maria’s Bonggang Villa na mapapanood pagkatapos ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
Dito ay si Marian ang nagdidirek sa mga comedy scenes ni Dingdong.
Nabanggit ni Dingdong sa nakaraang presscon ng naturang sitcom na minsan ay sinisipa raw siya ni Marian kapag tingin nito hindi nakakatawa ang ginawa niya sa isang eksena.
“Thankful ako na may acting coach ako 'tapos inalalayan ako ni Marian. Siyempre, alam naman natin na hasang-hasa si Marian sa larangan na ito,” pakli ni Dingdong.
Ikinatuwa rin ito ng direktor nila na si John "Sweet" Lapus dahil hindi pinababayaan ni Marian ang asawa na naninibago at hindi pa talaga kumportable sa pagpapatawa.
“Talagang nakikita namin si Marian, dinidirek niya si Dong kasi iyon nga ang forte niya.
"Pag drama ang ginawa, nandiyan naman si Dong na mag-guide.
“Sabi nga ni Dong, thankful siya na may acting coach siya. Buti na lang na sitcom ito na ang ka-love team niya ang asawa niya, komedyanteng babae na napakahusay,” pahayag ni John Lapus.
JERRY OLEA
Bongga ang ratings ng Family Feud at Amazing Earth na parehong hino-host ni Dingdong, kaya asado at expectorant tayo na magre-rate din ang sitcom nila ni Marian.
Papantayan kaya o lalampasan ng DongYan sitcom ang ratings ng Agimat ng Agila (Season 2) na magpi-finale ngayong Sabado night?
Kahapon ay inere sa Family Feud ang espesyal na episode para sa Mother’s Day celebration nito.
Si Marian ang naglaro kasama ang mga kapatid at pinsan ni Dingdong.
Sa pagsisimula ng Jose and Maria’s Bonggang Villa, buong linggo nang mapapanood si Dingdong, mula Lunes hanggang Linggo.
“Tinitingnan ko talaga bawat trabaho, bawat opportunity bilang isang blessing talaga na kasi binigay sa iyo, pangalagaan mo,” pahayag ni Dingdong.
“Ang masasabi ko na napakasuwerte ko. Dun pa lang, bonus na yun dahil dumating ang pangarap ko na gumawa ng isang show with Marian, much more na bumuo ng isang bagong tahanan together with the whole cast.
“Kasi very personal po sa akin at sa amin ito, kaya para sa akin kahit na anong mangyari, sure kami na nag-e-enjoy kami.
“Sure kami na kahit papano, nakakapagpasaya kami ng tao. Pero higit sa lahat, sure kami na marami kaming natututunan within the set. So everything else is a bonus.”
NOEL FERRER
Ang ganda ng episode ng Family Feud na Mother’s Day celebration ng game show. Kita natin ang integration ng pamilya ni Dingdong dito sa episode na ito. At sabi nga ng isang boss na kausap ko, ang pretty lang talaga ni Marian in Pink! Winner!!!
