GORGY RULA
Walang masabi si Senator Bong Revilla sa magandang samahan nila sa Agimat ng Agila, kaya inaasahan niyang magkaka-book three pa sila.
Pinag-uusapan daw iyon nung huling taping nila, pero wala pang napapa-finalize. Pag-uusapan pa raw nila ito sa mga boss ng GMA-7. Natutuwa lang daw sila dahil ang smooth ng taping, walang aberya, at ang saya lang daw sa set.
Okay raw si Senator Bong na magka-book three, pero ang isa sa binabalak niya at pahapyaw na napag-uusapan sa mga taga-GMA-7 ay ang posibleng paggawa ng isang drama series na hango sa isa sa box-office hit movies niya.
Ito kaya ang sinasabi niyang gustong buhayin ang character na si Alyas Pogi? Haharapin niya ito pagkatapos ng eleksyon dahil abala siya sa pagtulong sa pangangampanya ng Agimat Partylist kung saan ang first nominee ay ang panganay niyang anak na si Bryan Revilla.
Abala siya sa mga motorcade sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dahil pangako niya ito sa panganay na tutulungan sa pangangampanya.
"Halos wala na nga akong boses. Nasunog na rin balat ko sa kaiikot," napapangiting pakli ni Senator Bong.
Ang papalit sa timeslot ng Agimat ng Agila ay ang sitcom ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera na Jose and Maria: Bonggang Villa.
Sa Mayo 14, 2022 na ito magsisimula pagkatapos ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento na malapit na ring matapos.
JERRY OLEA
"May dumadating, merong umaalis. Pero sa bandang huli, mangyayari pa rin ang dapat mangyari."
Sabi iyan ni Nanay Berta (Elizabeth Oropesa) sa teaser para sa finale ng Season 2 ng Agimat ng Agila. Kaya anuman ang mangyari sa Agimat partylist, tuloy ang ikot at ikot ng mundo para sa ating lahat.
Hindi lang ang mag-amang Bryan at Senator Bong Revilla ang magkapamilya na nagtutulungan sa panahon ng kampanya.
Si Alfred Vargas ay kasa-kasama sa pangangampanya ang nakababatang kapatid na si PM Vargas, na tumatakbong congressman sa ikalimang distrito sa Quezon City.
Kaya nang merong magpadala ng death threat para kay PM, dawit doon siyempre si Alfred.
Si Aiko Melendez na kandidato sa pagka-konsehal doon din sa District 5 ng Quezon City ay sinamahan ng panganay na si Andre Yllana sa pagha-house-to-house.
Sa 52 PBA partylist kung saan nominee si Rambo Nuñez, sinasamahan siya ng fiancée na si Maja Salvador sa campaign basta ba wala itong trabaho.
Kabilang pa sa mga sumuporta kay Rambo sina JC Tiuseco, Onyok Velasco, Marco Alcaraz, Adrian Alandy, Derick Hubalde, Jericho Cruz, at CJ Perez.
NOEL FERRER
Grabe raw ang vote buying sa distrito nina Alfred at PM Vargas. Ang style daw ay kukunin ang mga tao bilang watcher at at may retainer na raw sila for three months.
Grabe, parang binili na ang boto nila. Pinuhunanan na. Tantiya ng source ng PEP Troika, humigit-kumulang P750M daw ang budget ng kalaban ng Vargas brothers sa halalan.
Sana, ma-surmount nina PM at Alfred ito. Good luck sa kanila at sana, kapag nasa posisyon na sila, ipagtanggol na nila lalo na ang sektor na pinanggalinggan nila—lalo na ang pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN.
