GORGY RULA
Bukas, Abril 24, 2022, Linggo ng 3:05 p.m., huhusgahan na ang tambalang Sofia Pablo at Allen Ansay sa fantaseries na Raya Sirena ng GMA-7.
Itutuloy nila ang kuwento na unang napanood sa Regal Studio Presents noong nakaraang Setyembre 2021. Kaya kasali pa rin ang ibang karakter, pero marami ang nadagdag.
Isa na rito si Shirley Fuentes na gumaganap bilang Helga, ang mahaderang auntie ni Raya (Sofia Pablo).
Sa nakaraang mediacon ng Raya Sirena, hiningan namin ng reaksiyon si Shirley sa pagpanaw ng dati niyang ka-love team na si Romano Vasquez.
Nagulat daw siya sa biglaang pagpanaw ni Romano.
Saad ni Shirley. “Kasi nung nasa JC Premiere po, nakakapag-usap pa kami that time. And then, may ginawa kaming indie film, I think that was two years ago.
“Tapos, yung itong lately na nangyari yung pandemic, medyo wala na kaming communication.
"Pero siyempre, nagulat po talaga ako na nagawa niya something like that sa sarili niya.
"Kasi alam naman po nating matapang yung tao, e, na lahat naman na kaibigan namin knows na matapang naman siyang tao.
"So, medyo nakakabigla talaga na umabot sa ganun,” pahayag ni Shirley, na hindi sinabi kung ano ang nabalitaan niyang dahilan ng pagpanaw ni Romano.
Hindi raw siya nakapunta sa burol dahil huli na nang malaman niya ang nangyari kay Romano.
Read: Former That's Entertainment member Romano Vasquez dies at 51
Samantala, nagpapasalamat si Shirley sa GMA-7 at sa Regal dahil binigyan siya ng chance na makabalik sa TV.
Tuluy-tuloy pa rin naman daw ang pagkanta niya at hosting paminsan-minsan sa ilang events.
Nasa cast din ng Raya Sirena sina Juan Carlos Galano, Saviour Ramos, Elias Point, Reins Mika, Mosang, at Gerald Pesigan.
JERRY OLEA
Pumanaw si Romano Vasquez, 51, noong Enero 23, 2022, Linggo, sa kanilang bahay sa Cavite City.
Noong panahong iyon ay nakabakasyon ako sa Gen. Trias, Cavite. Sinadya ko ang burol ni Romano noong Enero 25 sa Imperial Crown Funeral Service (dating HERALD Funeral Service), Purok 6, Brgy. De Ocampo, Trece Martires City.
Nakapanayam ko roon ang asawa ni Romano na si Alma “Len-len” Panuelo Dila, at naiulat ko iyon dito sa PEP.ph.
Read: Romano Vasquez's wife shrugs off rumors surrounding actor-singer's death
Noong Enero 29 na-cremate ang mga labi ni Romano.
Nagka-tandem sina Romano at Shirley sa Friday group ng That’s Entertainment (1986-1996).
Sa pagkakatanda ko, sila ang magka-partner sa Regal movie na First Time… Like A Virgin! (1992) kung saan tampok din sina Jackie Forster, Sunshine Cruz, Karla Estrada, at Rene Requiestas.
Parehong makulay ang kani-kanyang love life nina Romano at Shirley.
NOEL FERRER
Mapapanood ang fantaseries na Raya Sirena bukas pagkatapos ng GMA Blockbusters sa GMA-7.
Kasunod ng Raya Sirena ang The Best Ka! (3:50 p.m.), at saka susunod ang Regal Studio Presents (4:35 p.m.) at Amazing Earth (5:20 p.m.).
Bale dalawa nang collab ng Regal at GMA ang palabas tuwing Sunday afternoon sa Kapuso Network — itong Raya Sirena at Regal Studio Presents.
Maaalala na itong "Raya Sirena" ang ikalawang episode ng Regal Studio Presents noong nakaraang Setyembre 2021.
Ang pilot episode ng Regal Studio Presents ay yung "That Thin Line Between" na bida sina Sanya Lopez at Ken Chan.
Sa ngayon ay napapanood si Sanya sa Kapuso primetime series na First Lady katambal si Gabby Concepcion.
Si Ken naman ang leading man ni Bianca Umali sa primetime series ding Mano Po Legacy: Her Big Boss, na collab din ng Siyete at Regal.
Tampok din sina Sofia at Allen sa panghapong Kapuso drama series na Prima Donnas (Season 2), na malapit nang magtapos.
