GORGY RULA
Bilang isang dog lover, sobrang natuwa ako sa pagmamahal ni Jona sa mga hayop.
Masaya niyang ikinuwento sa aming may nabili na siyang lupa sa Tanay, Rizal kung saan doon isi-shelter ng singer ang mga na-rescue niyang mga aso at pusa.
Tatlong ektarya ang lupa na medyo bulubundukin at binili ni Jona nung October 2020.
“Iba po talaga yung power ng words. Pag binitawan mo siya in the universe, yung mga wishes mo na gusto mong mangyari in the future, talagang maa-attract mo yung opportunity na yun.
“Yun! Nagkatotoo po siya,” masayang tsika ni Jona sa PEP Troika sa taping ng Sing Galing nung Miyerkules, March 9, 2022.
So far, mayroon na raw siyang mahigit 70 aso at pusa na inaalagaan, at tama raw sa property na binili niya.
Kuwento pa ni Jona, kare-rescue lang nila ng isang aso sa gitna ng island sa highway ng Commonwealth, Quezon City. Dinala raw nila ito sa veterinarian dahil may sakit at puro galis.
“Ang hirap mag-ignore, kasi ang dami mong nadadaanang kawawa ang situation nila,” pakli ni Jona.
Nag-hire na raw siya ng caretakers dahil hindi niya kayang alagaan lahat, lalo na’t abala siya sa trabaho.
“Kasi, nag-lockdown po tayo, di ba? So, nakakasama mo 24/7 ang lahat na mga rescued na aso’t pusa… mga nasa 70-plus sila.
“Kailangan na po talagang gumawa ng paraan na mailipat sila sa isang lugar, kasi maliit lang naman po yung house ko.
“Yung community po namin dun, siyempre, may mga kapitbahay po ako. Bago pa sila mag-complain, kailangan na po namin magawan ng paraan, bago po kami ipa-barangay o mapa-pulis.
“Kaya super thankful po talaga na ibinigay ni Lord sa amin yung lupa na yun for the animals,” masayang pahayag ni Jona.
Dagdag pa niya, “Kaya ngayong 2022, kailangan ko na talagang bumalik ng work para makapag-support sa advocacy na ito.
“Pero hopefully, sa future po magkaroon din kami ng chance na para maging foundation po talaga siya.
“Pero sa ngayon po, hindi ko po kasi alam kung paano po magpatakbo ng foundation. Siyempre, it requires mga documents.
“Ngayon po kasi, hindi ko maasikaso. Kasi, kababalik ko lang maging active sa work.”
Sina Jona at Ariel Rivera ang idinagdag na hurado o tinatawag Jukebosses ng Sing Galing na papasok na sa Year 2.
Sa darating na Sabado, March 12, ang grand finals ng Sing Galing na naging Araw ng Videoke na rin. Malalaman kung sino ang magiging Utimake BidaOKe mula sa limang finalists.
JERRY OLEA
Sa sobrang focus ni Jona sa pag-aalaga sa mga rescued na aso at pusa, wala na raw siyang time sa love life. Hindi naman daw siya naghahanap.
“Wala akong time makipag-mingle and socialize masyado po. Okay lang naman. I think for me, kung ano muna yung priorities.
“Hindi naman po ako parang atat masyado or in a rush makipagrelasyon. Pero I think the right person will come at the right time.
“Pero siyempre, dapat somehow open ka pa rin naman sa mga possibilities. Pero sa ngayon, kung ano po ang mas kailangang asikasuhin, yun po ang ginagawa ko.”
NOEL FERRER
Ow, extension daw ng kabutihan ng tao ang pagmamahal nito sa hayop. Kaya carry on, Jona, sa advocacy mong ito!
At excited din ang mga katulad mong KakamPink na marinig kang kumanta sa mga sorties soon.
Okay ang Sing Galing, ha, open season at bukas sa lahat ng kulay kahit sa politika. Sana, ganun dapat… radical love and peaceful co-existence!
