GORGY RULA
Nakasalubong namin si Direk Adolf Alix Jr. sa SuperSam restaurant sa Quezon City nung Martes, March 8, 2022.
Nabanggit niya sa aming sisimulan na ang bagong drama series sa GMA-7 na pinamagatang The Fake Life.
Ngayong araw, March 9, ang simula ng swab test nilang lahat. Kapag okay naman at walang nag-positive sa COVID-19, magsisimula na ang lock-in taping nila sa March 17 sa Pampanga.
Napag-alaman ng PEP Troika na ang pinakaaligaga sa paghahanda sa lock-in taping na ito ay si Ariel Rivera, na isa sa lead actors ng naturang project.
First time niya palang mag-lock-in taping nang matagal kaya nangangapa raw siya.
Ang dami raw niyang tanong para mapaghandaan ang trabahong ito na magpapalayo sa kanila ng misis na si Gelli de Belen nang mahigit isang buwan.
Mabuti at meron nang kapalit ang pag-alis ni Ariel sa Lunch Out Loud.
Magandang project pa ang napunta sa kanya sa pagbabalik niya sa teleserye sa Kapuso network.
Ilang aktor din ang kinonsidera sa role na ito bago napunta kay Ariel.
Thankful ang buong production, dahil pumuwede sa schedule ni Ariel, kaya napunta sa kanya ang naturang project.
Makakasama niya rito si Beauty Gonzalez na isa rin sa masuwerte dahil sa sunud-sunod na magagandang project na ibinigay sa kanya ng GMA-7.
Kabilang din sa cast sina Sid Lucero, Tetchie Agbayani, Will Ashley, at may special participation din dito sina Kristoffer Martin, Jake Vargas, at Bea Binene.
JERRY OLEA
Facebook post ni Direk Adolf, excited siyang makatrabaho muli sina Sid at Beauty.
Lead actor si Sid sa unang movie ni Direk Adolf na Donsol (2006) at marami silang pelikulang pinagsamahan kapagkuwan.
Sunud-sunod ang projects ni Direk Adolf with Beauty last year. Andiyan ang unang installment ng Stories from the Heart: Loving Ms. Bridgette kung saan katambal ni Beauty si Kelvin Miranda.
Bida si Beauty sa “Kumbento” episode ng horror trilogy ni Direk Adolf na Huwag Kang Lalabas, na official entry sa MMFF 2021.
Idinirek din ni Adolf sina Beauty at Kelvin sa pelikulang After All na kinunan noong Disyembre sa Bolinao, Pangasinan.
NOEL FERRER
Knowing Adolf, he always wants to tell different and edgy stories.
Pagkatapos mag-May-December love story, heto naman ang The Fake Life.
Sana, makakonek ito sa audience para masuportahan ito ng wider market kahit na, usually, story at hindi star-driven ang kanyang materyal.
All the best, Direk Adolf. Sana, tunay na success ang soap na ito… at hindi fake!
