GORGY RULA
Patuloy nang bumababa ang mga naitalang bagong kaso ng COVID-19.
Ang sabi nga raw, hindi na magiging regular ang pagbibigay ng ulat ng DOH dahil nasa Alert Level 1 na tayo, at halos normal na ang nangyayari sa labas.
Bukas, March 8, 2022 ay 100 percent na ang capacity ng ballroom ng Novotel Manila na pagdadausan ng grand launch ng bagong all-girl P-Pop group na Calista.
Ang Calista ay binuo ng Tyronne Escalante Artist Management (TEAM) at ng Merlion Events Production, Inc. nung March 2021, kung saan nagpa-audition sila ng 60 girls na nagpakitang-gilas ng kanilang talent sa pagkanta at pagsayaw.
Nag-cut down sila sa 40, hanggang 20, at naging 8. Pero napagdesisyunang anim na ang piliing miyembro ng grupo: sina Alluring Olive, Sweet Laiza, Edgy Anne, Sporty Denise, Chic Elle, at Fiery Dain.
Magkakasama sila sa isang bahay para sa mas mabusising training.
Dumaan sila sa matinding pagsasanay sa pagsayaw kina Nesh Janiola at Carlos Serrano III. Ang vocal strength nila ay sa ilalim nang pagtuturo nina Arnie Mendaros at Marnie Jereza. Bukod pa riyan, may body conditioning kay Coach Ringo, at personality development at public relations class mula kay Wilburr Hernandez.
Patuloy pa rin ang kanilang pag-aaral online kahit magkasama na sila sa isang bahay. Ngayon ay nahasa na at handang-handa nang ipakilala sa publiko ang grupong Calista.
Ilu-launch na rin ang kanilang first single na "Race Car" na napapakinggan na sa radio at digital streaming platforms.
Kasabay nito ang launching ng kanilang music video na kinunan sa Asian Aerospace airplane hangar sa Pasay, sa I’M Hotel’s rooftop bar Antidote at Clark International Speedway.
Ayon sa taga-TEAM, umabot ng mahigit P8M ang nagastos sa naturang music video.
Nakatakda na rin ang kanilang concert na pinamagatang Vax to Normal sa April 26 na gaganapin sa Araneta Coliseum, at mapapanood sa TV5.
Inaasahang patuloy na ang pagbaba ng COVID cases dito sa atin para ramdam na talaga natin ang pagbabalik sa dating normal kapag mapapanood na nating nagpi-perform nang live ang grupong Calista sa Araneta Coliseum.
JERRY OLEA
Nabalitaan naming may prusisyon na ang ilang bayan sa Abril 15, Biyernes Santo. May mga bayan ding naghahanda sa kanilang fiesta sa tag-araw.
Patuloy ang pagpapaalala ng Department of Health, “Protektado tayo kung lahat bakunado!
“Magpabakuna na ngayong Bayanihan Bakunahan simula March 10-12, 2022! Kompletuhin ang kinakailangang shots (primary series + booster shot) para sa mas pinalakas na proteksyon!”
Ikaapat na National Vaccination Days na ito, at nasa Facebook page ng DOH ang mga dapat malaman tungkol dito.
Sa grand media launch ng Calista bukas, required sa mga imbitadong ipakita ang kanilang vaccination card.
Sa ilang face-to-face event sa showbiz na nadaluhan namin recently, meron pa rin swabbing. Better safe than sorry, 'ika nga. Of course, andiyan pa rin ang facial mask.
NOEL FERRER
Sana magmarka ang grupo sa showbiz. Alam naman ninyo ngayon, parang dumarami ang mga talents, pero limitado ang work at job opportunities.
Kaya dapat maging napakagaling ng grupong Calista na ito, or sink or swim sila sa industriya natin. All the best!
