JERRY OLEA
Tatlong dilag ang lubhang pumukaw sa ating pansin noong nakaraang taon — sina AJ Raval, Sanya Lopez, at Gigi de Lana.
Nagreyna si AJ sa streaming platform na Vivamax. Lalong umingay ang pangalan niya nang maugnay kay Aljur Abrenica, ang estranged husband ni Kylie Padilla.
Pinag-usapan ang pelikulang Hugas ni AJ katambal si Sean de Guzman, na nag-streaming noong Enero. P149 ang monthly subscription sa Vivamax.
Nagbida si Sanya sa First Yaya, ang #1 TV program ng 2021. Ngayong 2022 ay bida pa rin si Sanya sa First Lady, ang ikalawang aklat ng nasabing Kapuso primetime series.
Ratsada pa rin sa ratings ang adventures ni Melody (karakter ni Sanya), at kabog muli ang magiting na si Cardo Dalisay (Coco Martin) ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Singing Sensation sa YouTube at Facebook si Gigi de Lana.
Hindi niya inilaglag ang Gigi Vibes — kasama sa hirap at ginahawa, mula sa pagpupunyagi hanggang sa pagtatagumpay.

Sakalam ang self-titled debut album ni Gigi na ini-release ng ABS-CBN Star Music noong Enero. Debut single at breakout anthem ang kantang "Sakalam."
Nakapaloob din sa album ang "Nasayo Ako" na official soundtrack ng Kapamilya series na Viral Scandal, maging ang remake niya ng "Bakit Nga Ba Mahal Kita" na theme song ng iQiyi series nila ni Gerald Anderson na Hello Heart.
Inaasahang magpapayanig ang kanyang unang on-ground concert event na Gigi De Lana and The Gigi Vibes: Domination sa Marso 5, Sabado, sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.
Domination is ABS-CBN Events’ first live concert with audiences to be present at the venue since the COVID-19 pandemic began in 2020. Joining ABS-CBN Events is Resorts World Manila as co-producer.
May live streaming ang Domination sa KTX para sa fans ni Gigi sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mumur ba o mamah ang tiket sa “Domination”? Depende…
Ang halaga ng tiket sa live concert sa Newport Performing Arts Theater ay P8,000 (platinum), P7,000 (SVIP), P6,000 (VIP), P5,000 (gold), P3,500 (silver), at P1,500 (bronze).
Para sa online viewers na manonood sa KTX, ang halaga ng tiket ay P695 (SVIP), P495 (VIP), at P195 (regular).
Bago magpayanig si Gigi sa live concert scene, hinaplos niya ang puso ng netizens sa three-episode series nila ni Raphael Balaccua na My Crush Is A Cactus Killer. In-upload iyon nitong Pebrero 28, Lunes, sa YouTube channel ng Jollibee Studios.
Kuwento iyon ng plantitong si Mikey (karakter ni Raphael) at plantitang si Mandy (karakter ni Gigi) na kapwa may pinagdadaanan sa panahon ng pandemya. Swak na swak ang matitinik na cactus sa mga hinampo ng kani-kanyang puso. It’s an affair to remember, na joyful ang pagkadirek ni Sigrid Andrea Bernardo.
Ang Episode 1 (“Planting the Seeds”) ay 5 minutes and 9 seconds. Ang Episode 2 (“Friendship Grows”) ay 6 minutes and 13 seconds. At ang Episode 3 (“Love Blooms”) ay 5 minutes and 44 seconds.

GORGY RULA
Ilang gabi ko nang napapanood ang First Lady, iba talaga ang dating ni Sanya Lopez na kinagigiliwan ng karamihan.
Sabi nga nila, nababagay ngayong election season ang naturang drama series. Nasa kuwento ang pagsisimula ng kampanya sa eleksyon.
At sa totoo lang, hindi naiiwasang mahaluan ng pulitika lalo na’t kapansin-pansin ang shades of pink sa ilang suot ng ilang karakter.
Ewan ko lang kung di sinadyang kulay pink na panyo ang ipinantakip ni President Glenn Acosta (Gabby Concepcion) sa mata ni First Lady Melody (Sanya Lopez) nang sinorpresa niya ito ng sariling lugar sa palasyo para sa kanyang First Lady Helping Center.
Samantala, noon pa man ay naging fan na ako ni Gigi de Lana, at nasi-save ko pa minsan ang ilang TikTok posts niya. Ang galing niya at lalo siyang gumanda.
Wala lang akong balita sa ginawa nilang mini-series ni Gerald Anderson. Nasilip ko rin ang ilang eksena at hindi ko gaanong naramdaman ang chemistry sa kanilang dalawa.
Si AJ Raval naman, mas okay siguro kung patatahimikin muna siya ng Viva sa social media.
Ang dami pang magaganda at sexy newcomers na gustong pasikatin ng Viva, at tahimik lang sila. Isa na rito si Angeli Khang na ang fresh ng dating at ang ganda niya sa mga pelikulang ginawa niya sa Vivamax.
NOEL FERRER
Iba’t iba ang genre of excellence nina AJ, Sanya, at Gigi.
Si AJ ay pa-sexy. Si Sanya ay pa-romcom na puwede ring sexy. Tapos, si Gigi ay sa music na puwede rin palang mag-romcom.
Maganda at puwede rin silang tumawid ng genres. Sana lang, may magawa silang magtatatak.
Sana, makilala pa sila… hindi lang sa pagiging sikat kundi sa pagiging magaling sa kani-kanyang field, at mabait din.
All the best dito sa breakout females because we know, the future is female. Naks!
