GORGY RULA
Tumaas lalo ang rating ng sitcom ni John Lloyd Cruz sa GMA-7 na Happy ToGetHer nung nakaraang Linggo, January 16, 2022.
Nakapagtala ito ng 14.2%, na mas mataas kumpara sa rating noong January 9 na 13.9%, ayon sa AGB NUTAM ratings.
Si Faith da Silva pa rin ang guest last Sunday. Napanood ko ang episode na iyon, at nakakatuwa silang panoorin dahil bagay silang dalawa. Madali kasing mag-adjust si Lloydie sa ka-partner niya, kaya may kilig din silang panoorin ni Faith.
Ang pinakamasaya siyempre ay si Faith dahil hindi raw nito akalaing makakatrabaho niya ang isa sa hinahangaang aktor.
Naikuwento ni Faith sa interview sa kanya ng 24 Oras na pumipila siya noon sa mga pelikula ni John Lloyd, at kasama pa niya ang kanyang lola na nakikipagsiksikan sa sinehan para makita lang ang magaling na aktor.
Naisip tuloy namin, bakit hindi na lang si Faith ang kuning partner ni John Lloyd sa Happy ToGetHer? Wala pa naman daw napagdesisyunan ang creative team ng naturang sitcom.
Pero hanggang doon lang muna ang guesting ni Faith. Sa darating na Linggo, January 23, ay si Khalil Ramos at ang Kapuso sexy actress Faye Lorenzo ang guests sa Happy ToGetHer.
Samantala, nung nakaraang Linggo ay naka-4% ang replay episode ng All-Out Sundays; 4.9% ang GMA Blockbusters; 4.8% ang Dear Uge; 4.3% ang Regal Studio Presents; at 6% naman ang Amazing Earth ni Dingdong Dantes.
Pagdating sa primetime, 10.8% ang Daig Kayo ng Lola Ko; 16.1% ang Kapuso Mo Jessica Soho; at 4.9% ang The Boobay and Tekla Show kung saan ay sinilebreyt nila ang 40th birthday ni Super Tekla.
JERRY OLEA
Kakabugin kaya eventually ng sitcom ni John Lloyd ang rating ng Kapuso Mo, Jessica Soho? Bumaba ang rating ng KMJS, ang nangungunang Sunday program ng Kapuso Network.
Of course, GMA-7 pa rin ang wagi sa ratings sa lahat ng timeslot. Walang laban ang TV5, A2Z, Net25, at iba pang TV channels.
As we have said time and again, ang kalaban ng GMA-7 sa ratings ay ang sarili nilang programa.
Iyong naitalang matataas na ratings ng First Yaya nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion, hindi man lang nalapitan ng mga sumunod na teleseryeng umokupa sa timeslot nito. Kahit may mga pa-epic pang pralala, ang mga numero pa rin ang tinitingnan natin.
Curious nga tayong subaybayan ang ratings ng Chinoyseryeng Mano Po Legacy kumpara sa pag-arangkada ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Abang-abang din tayo kung ano ang kahihinatnan ng Kapuso teleserye ni Bea Alonzo with Alden Richards.
NOEL FERRER
Sana, gumanda pa ang ratings nitong programa ni Lloydie para lalo pa silang ganahan na gandahan ito.
Nakakatuwa lang na ang cast members, pati na si Carmi Martin, ay matiyagang nagpo-promote nito, bagay na kailangan ngayon at magandang may stake at malasakit ang mga ito sa ginagawa nilang proyekto.
Go go go, Lloydie!
Waiting to have A-lister guests like Bea Alonzo o Marian Rivera o Jennylyn Mercado o Heart Evangelista, atbp. sa promising sitcom na ito! Game!!!
