NOEL FERRER
Replay pala ang It’s Showtime ngayong Enero 6, Huwebes, dahil may mga nag-positive sa kanila.
Kagabi, Enero 5, puro relievers ang nasa TV Patrol dahil, ang sabi, na-expose ang main anchors sa make-up artist na nag-COVID positive kaya naka-quarantine/isolate silang lahat.
Sa isang musical-variety show, na-pack up daw ang taping dahil 40 percent ng staff at mga artista ay nag-positive.
May lead star ng pelikula ang napalitan dahil nag-positive, at uulitin ang mga na-shoot nang action scenes.
May nai-post nga ngayon lang, “If you don’t have friends who have Covid, then you really have no or very few ones.”
Nakakaalarma ang dami ng mga nag-positive. Sana lang, kayanin nating labanan ito dahil we are supposedly stronger than the virus lalo kung sama-sama.
JERRY OLEA
Ngayong Huwebes ng 1:41 p.m., ay nasabihan tayong mahigit 17K ang naitalang karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kung hindi masasawata ang bilis ng hawahan, malamang na umabot sa 40K+ ang madagdag na kaso pagsapit ng akinse.
Ini-announce ng isang premyadong direktor sa Facebook na “P O S I T I V E” siya at nagpasalamat siya sa lahat ng nagdarasal para sa kanya.
Nabalitaan din nating nag-positive ang sikat na aktor na bida sa isa sa 47th MMFF official entries, at pagaling na ito.
Maging ang isang modelo na nagwagi sa isang international competition ay nagpapagaling na sa isang lungsod sa Northern Luzon.
Ayon sa FB page ng Department of Health, “Ngayong 4 PM, Enero 6, 2022, ang Department of Health ay nakapagtala ng 17,220 na karagdagang kaso ng COVID-19.
Samantala ay mayroon namang naitalang 616 na gumaling at 81 na pumanaw.
“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 2.0% (56,561) ang aktibong kaso, 96.3% (2,780,613) na ang gumaling, at 1.79% (51,743) ang namatay.
“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 4, 2022 habang mayroong 11 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 11 labs na ito ay humigit kumulang 2.8% sa lahat ng samples na naitest at 4.5% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask, mag-physical distancing, at maghugas ng kamay. Sa oras na makaramdam ng sintomas, agad na mag-isolate at magpatest.
“Tandaan ang right test at the right time. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19…”
GORGY RULA
Nawindang ang isang komedyanteng dapat ay guest sa isang daily show. Pagdating sa studio at nagpa-antigen test sa clinic, positive ang resulta. Hindi na natuloy ang guesting niya, at apektado na rin ang ibang naka-schedule na taping.
Meron pang isang young actress na nag-positive din kaya kailangan na ring mag-quarantine, hiwalay sa kanyang pamilya na abala rin sa mga naka-schedule na taping.
Nakakapraning na ang sunud-sunod na nakakarating na balitang naka-cancel ang taping dahil sa dami ng mga nag-positive. Kaya balik-work from home na ang ibang programa.
Maraming leksyon sa buhay ang natutunan natin sa pangyayaring ito.
Ang dami-daming gamot at kung anu-anong supplements ang sina-suggest na iti-take para mapalakas lang ang immune system, pero ang pinakamahalaga sa lahat, pagdarasal at pananalig sa Diyos na malagpasan natin ito.
Sabi nga ng bida ng bagong afternoon drama ng GMA-7 na Little Princess, si Jo Berry, “Huwag niyo pong kalimutan ang mga bagay na kung hindi natin maintindihan ang rason, meron pa ring rason yun bakit natin nararanasan.
”May mga bagay na nahihirapan tayo, and feeling natin hindi natin kayang harapin. Pero tandaan niyo lang po na binibigay sa atin yung mga mabibigat na yun dahil kaya nating harapin.”
Si Jo Berry ay nawalan ng tatlong mahal sa buhay dahil sa COVID-19.
Hanggang sa ngayon, dala-dala pa rin daw niya ang bigat na nawalan ng mahal sa buhay, pero kailangan niyang magpakatatag.
“Mahirap po. Sabi ko nga sa mga previous interviews, hindi na ako magiging completely okay like I was before, pero fighting naman po.
“Sabi ko nga, ang iniisip ko na lang lagi pag nalulungkot ako, kailangan marami akong magandang ikuwento sa kanila pag it’s my time na to go home sa heaven.
”Ginagawa ko na lang po ang every day na kapaki-pakinabang. Hindi po siya madali, pero kailangan naming gawin,” saad ng Kapuso Little Princess Jo Berry.
