JERRY OLEA
Viva ang undisputed movie producer ng 2021. Bukod-tanging ang Viva ang nagprodyus ng 'sanrekwang pelikula na nag-streaming last year sa Vivamax.
Sa dami ng kanilang pelikula, nagkasabay ang streaming ng Palitan at Dulo noong Disyembre 10. Nagsalpukan din ang Eva at Mang Jose noong Disyembre 24.
Mapangahas ang karamihan ng mga handog ng pabrika ng Viva, kaya tinagurian ng beteranong manunulat na si Mario Bautista ang Vivamax bilang "Tahanan ng mga Makasalanang Pelikula."
More and more ang bold offerings ng Vivamax ngayong 2022.
Haharurot sa Enero 7, Biyernes, ang Siklo kung saan nagpa-enka ng dibdib si Christine Bermas kay Vince Rillon.
Nasa cast din nito sina Ayanna Misola, Joko Diaz, Alma Moreno, Joonee Gamboa, Rob Guinto, at Andrew Muhlach. Director nito si Roman Perez Jr.

Magmamaangas sa Enero 14 ang isa pang obra ni Direk Roman Perez Jr., ang Hugas kung saan nasa cast din si Joko Diaz. Bida rito sina AJ Raval at Sean de Guzman, at co-stars sina Jay Manalo, Cara Gonzales, Deberly Bangcore, Stephanie Raz, at Bob Jbeili. Grupo ng bank robbers sina Jay, Sean, at AJ.
Trailer pa lang, nakakapanginig na ng laman! Hubaran at harutan to the max! Parehong palaban sa love scenes ang tambalan nina Jay at Cara pati nina AJ at Sean.

Nakaka-suspense, nakaka-thrill, nakakapag-init ang Reroute na magpapasiklab sa Enero 21. Intense ang aktingan nina John Arcilla at Sid Lucero, lalo pa’t andiyan ang mga palaban na sina Cindy Miranda at Nathalie Hart. Si Lawrence Fajardo ang director.

Enero 21 din ang premiere ng GL series nina Rhen Escaño at Rita Martinez, ang Lulu, sa direksiyon ni Sigrid Andrea Bernardo. Ibang-iba ang market ng Lulu kesa sa Reroute kaya OK lang na magpompyangan sila o magsalpukan sa parehong araw.

Kasado na sa Pebrero 4 ang sexy thriller na Kinsenas, Katapusan starring Joko Diaz (again!!!), Ayanna Misola, Jamilla Obispo, Angela Morena, at Janelle Tee. Si GB Sampedro ang director. Nasa cast din nito sina Jeric Raval, Jao Mapa, Kier Legaspi, Carlene Aguilar, Marissa Sanchez, Jojo Abellana, Madelaine Red, CJ Jaravata, at Raquel Monteza.
Sabi sa trailer ng Kinsenas, Katapusan, “Ang init… walang lugar… walang oras… walang araw… walang edad… At minsan… nakakatakot… nakakabahala… nakakaadik…
"Kahit ang isa ay pausbong pa lamang… at ang isa ay papalipas na…"

Sabik din tayong mapanood ang BL movie na Sisid, kung saan wagas ang landian nina Paolo Gumabao at Vince Rillon. Si Brillante Mendoza ang director.
Kuwento ni Vince, "Tinanong ko si Paolo kung, ‘Lalaki ka ba talaga?’ Sabi ko, 'Baka mamaya, ‘tol, nagpapaandar ka, biglang… nag-e-enjoy ka pala sa eksena natin, ha?!'
"Sinabi ko nga sa kanya, ‘Paano kung ganyan?! E, di, hahamunin kita ng suntukan pagkatapos ng trabaho natin!’ sabi kong ganun. 'Halika, suntukan tayo!'"
Nasa cast din ng Sisid sina Kylie Verzosa at Christine Bermas.

GORGY RULA
May narinig naman akong kuwentong nagugulat daw ang ilang artista na bahagi ng isang Vivamax movie nang napanood nila dahil hindi raw nila akalaing ganun kahalay ang pelikula.
May ibang nagsasabing nababastusan sila sa pelikulang nagawa nila. Pero kinakagat, e, at nalaman ngang marami talagang lalaking nanonood sa Vivamax.
Pero ewan ko lang kung totoong ngayong 2022 ay gagawa na raw ng wholesome movies na ipalalabas sa Vivamax.
Nakakuha na sila ng audience sa mga naipalabas nilang pelikula. Siguro, sa ngayon ay dapat na ring gumawa sila ng pelikulang gusto talaga nilang gawin, na maipagmamalaking gawa ng Viva Films.
NOEL FERRER
Isa sa mga gagawa ng wholesome na pelikula ay si Direk Joey Reyes na aabangan natin ang magiging output sa Vivamax.
May nagawa ring horror movie for Vivamax si Direk Brillante Mendoza, yung Bahay na Pula starring Julia Barretto, Marco Gumabao, and Xian Lim.
Alam ko na marami ring mga batang direktor ang merong nakalinyang projects sa Vivamax.
At tama ka, Tito Gorgy, sana dumating ang pagkakataong bukod sa streaming ay mapanood natin ang mga pelikulang ito sa big screen. Kung OK na ulit.
Sana, soon. Sana, ligtas tayo talaga!
