JERRY OLEA
Isinangguni ko sa ilang Marites, Maricon, at Marisol ang vibrations na kumandirit, kumalampag o kumaripas sa aking kamalayan.
Ibinahagi ni Tito Boy Abunda ang kanyang expertise bilang mentor sa ikatlong batch ng Breakout Room: Master Class Series noong Nobyembre 16 at 23.
Ano ang ipinahihiwatig nito? Malamang sa alamang, magbalik-Kapuso si Tito Boy.
Bagong taon, bagong teledrama… mag-uumpisa ang Chinoyseryeng Mano Po Legacy: The Family Fortune ni Barbie Forteza sa Enero 3, Lunes ng 9:35 p.m., pagkatapos ng The World Between Us sa GMA Telebabad.
Magiging fortunate ba ang ratings at commercial load nito? Barbie Forteza ang bida. Kailangan pa bang ipa-feng shui iyan?
Nagtambal muli sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz sa One True Pair The Movie ng Jollibee Studios. What about Sharon Cuneta and Gabby Concepcion?
Kapamilya si Sharon ng FPJ’s Ang Probinsyano. Kapuso si Gabby ng First Lady. Antabayanan na lang natin kung magtutuos sila sa primetime.
Loving-loving ang isang showbiz power couple. Pinapatunayan ba nilang may forever in this world, earth, or universe? Panahon at tadhana ang tanging makapagsasabi.
'Sanrekwang lihim ang nalimliman ng pandemya. Ang mga sanggol na iniluwal ng mga maririlag na aktres, pasasaan ba’t makikilala rin natin.
Lilipad na ang bagong Darna (Jane de Leon). Kailan naman natin masisilayan ang mahiwagang mundo ng bagong Pedro Penduko (Matteo Guidicelli)? Malabo pa iyan sa Taon ng Tigre. Baka sa taon ng Kuneho o Dragon.
Tinagurian ng beterano’t kapita-pitagang manunulat na si Mario Bautista ang Vivamax bilang "Tahanan ng mga Makasalanang Pelikula."
Sa 2022, lalong mamamayagpag ang mga mapangahas na proyekto. Aariba ang mga mahalimuyak na bulaklak, pati mga ibong mandaragit.
Buena mano ng Vivamax sa Enero 7 ang Siklo, kung saan nagpa-“silindro” si Christine Bermas sa astig na si Vince Rillon.
Nagkalat na sa internet ang pirated copies ng Spider-Man: No Way Home. Dadagsa pa ba ang Pinoy moviegoers sa local cinemas sa opening nito sa Enero 8? Ibang karanasan pa rin na panoorin ito sa big screen.
As we write this, ang worldwide gross nito ay lampas na sa $1B. Ito ang highest-grossing movie ng 2021. Sa recent blockbusters, ito lang ang lumampas sa $1B-mark, kinabog ang Chinese films na The Battle at Lake Changjin ($903M) at Hi, Mom ($822M).
Ang iba pang pelikula na umarangkada sa worldwide market this year ay No Time To Die ($774M), F9: The Fast Saga ($726M), Detective Chinatown 3 ($686M), Venom: Let There Be Carnage ($501M), Godzilla vs Kong ($468M), Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings ($432M), Eternals ($401M), Dune ($394M), at Black Widow ($380M).
Spider-Man is Spider-Man is Spider-Man!!!
GORGY RULA
Parang nararamdaman naming mas magiging magulo at madugo ang 2022. Mag-eeleksyon kasi at mukhang marami pang mababago.
Kahit sa showbiz ay may mga nakikita kaming sigalot na aabot sa demandahan.
May narinig kaming may namumuong gulo sa pagitan ng isang aktor at ng kanyang kapatid dahil sa isang babae. Sana maayos nila ito bago lumaki at maeskandalo ang pamilya.
Pagdating sa ating movie industry, mukhang mga malalaking Hollywood films lang ang magbubuhay ng mga sinehan natin.
Pero nakakatuwa ang ibang movie producers dahil hindi sila pinanghihinaan ng loob. Tuloy pa rin sila sa paggawa ng pelikula, kahit sa TV rights na lang sila nakakabawi-bawi.
Hindi raw sila umaasang kikita ang mga pelikula nila ngayong nasa pandemya dahil iilan pa lang ang mga sinehang nagbukas.
Kaya kapit lang sa paniniwalang makakaahon pa ang ating industriya at meron pa ring local film na kikita. Tuloy pa rin ang laban.
NOEL FERRER
Tama kayo, tuloy ang buhay kahit alam mong may banggaan, may kaguluhan at mga hamon na haharapin.
Sa huli’t huli, walang ibang aasahan kundi ang suportahan nating lahat.
At kikilos, mananalangin, at aasa tayo — dahil sabi nga ng National Artist for Music Ryan Cayabyab:
DAHIL TAYONG MGA PILIPINO NANANALIG SA DIYOS
TAYONG MGA PILIPINO TUMITINDIG KAHIT KAPOS
TAYONG MGA PILIPINO SUMUSUGOD, LUMULUSOB HINDI TAYO PATATAOB
TAYONG MGA PILIPINO NAGMAMAHALAN TAYO, NAGMAMALASAKIT TAYO, SA KAPWA PILIPINO
