GORGY RULA
Magsisimula na sa December 26, Linggo, ang Happy ToGetHer ni John Lloyd Cruz kasama sina Miles Ocampo, Carmi Martin, Jayson Gainza, at Ashley Rivera.
Directed by Bobot Mortiz, ang bagong sitcom ay may timeslot na 7:40 p.m sa GMA-7.
Ginanap ang virtual mediacon ngayong Biyernes ng hapon, December 17, at isang oras lamang nagtagal ang pakikipagtsikahan ng premyadong aktor sa entertainment press.
Pinakiusapang tungkol lamang sa show ang pag-uusapan at wala munang mga personal na isyu.
Pero excited si Lloydie sa unang programa niya sa GMA-7 dahil maganda raw ang kinalabasan, lalo na't ang co-stars niya ay mga dating kasamahan sa ABS-CBN.
Masaya ring ibinahagi ng aktor na hindi lang itong Happy ToGetHer ang gagawin niya sa Kapuso network kundi posibleng meron pang ibang show.
Tinanong ko kasi si John Lloyd, pati sina Miles at Jayson, kung puwede ba silang makagawa ng iba pang programa sa GMA-7.
Ani John Lloyd, "Lahat naman po posible. Wala naman pong imposible.
"Tama ho ang sinabi ni Miles, e. Kung saan ho may nagtitiwala at magbibigay ng opportunity, e, dun po yung susundan natin.
"Especially sa panahon ngayon, matumal po ang trabaho. Napakalaking bagay na meron tayong ginagawa at marami pang puwedeng gawin."
Sabay binanggit ni John Lloyd na may isa pang TV offer ang GMA-7 sa kanya.
Aniya, "And alam ko, maraming maio-offer sina Sir Joey at si Ma’am Annette.
"In fact, di ba, Sir Joey, very soon meron tayong pitching, ‘no? Meron tayong meeting, ‘no?"

Ang binanggit ni John Lloyd na GMA-7 bosses ay si Atty. Annette Gozon-Valdes, GMA Films President at programming consultant to the GMA chairman, at si Joey Abacan, First Vice President for Program Management.
Kinumpirma ni Joey na may ilalatag pang isang show kay John Lloyd.
Sabi ni Joey, "Oo nga. Excited na rin ako dun. Malalaman niyo na rin 'yan soon. Basta Lloydie, alam mo na."
Kahit sina Miles at Jayson ay bukas sa posibilidad na makagawa ng ibang programa sa GMA-7 bukod sa Happy ToGetHer.
Siniguro nilang maayos silang nakapagpaalam sa big bosses ng Kapamilya network, at nagpapasalamat na pinayagan daw sila.
Sabi ni Miles, "Kung saan po may nagtitiwala sa akin, and sobrang thankful ako na may mga taong naniniwala po sa kaya kong gawin at kung ano ang puwede kong ma-offer.
"Sa ngayon po, wala po akong masasabi kundi sobrang thankful po ako kina Sir Joey na tinanggap nila ako."
Sinundan ko ng tanong kung sakaling may i-offer sa kanyang drama series, puwede ba niyang tanggapin ito?
"Opo naman po. Yes po," pakli ni Miles.
"Nandito na po ako sa stage ng buhay ko na siguro, nakita niyo na rin ako lumaki.
"Ngayon po, puwede na po ako gumawa ng kahit ano na kung saan merong role na may story na babagay for me. Go po ako dun."

Sa parte ni Jayson, ipinaliwanag niyang may basbas ng Star Magic ang paggawa niya ng sitcom sa GMA-7.
Ang Star Magic ang talent management arm ng ABS-CBN na kinabibilangan niya.
"Ako naman po, okay naman po sa akin. Nagpaalam naman po ako sa Star Magic," saad ni Jayson.
Walang exclusive network contract si Jayson kaya maituturing siyang freelancer.
Dagdag niya, "And maraming salamat po, Sir Joey, na tinanggap niyo ako dito sa Kapuso.
"Kaya ang tawag po sa akin ay Katrabaho. Puwede ako sa Kapuso, sa Kapatid, at Kapamilya… Katrabaho.
"Kung mabibigyan po ako ng chance po, ang mabigyan po ako ng teleseries dito sa GMA, malugod ko pong tatanggapin para ma-share ko rin po ang talent ko."
Biro pa ni Jayson, "Kasi, nasa cabinet lang. Dapat i-share.”

JERRY OLEA
Nag-announce noon si Willie Revillame na ipagpo-produce niya ng sitcom para sa GMA-7 si John Lloyd, at gusto pa niyang i-partner sa aktor ay si Andrea Torres.
E, si Andrea ay ex ni Derek Ramsay, na mister ng ex ni John Lloyd na si Ellen Adarna.
Hindi ito natuloy.
Kaya ang GMA-7 na mismo ang nakipag-co-produce ng sitcom with John Lloyd.
Tinanong ng PEP Troika si John Lloyd at ang direktor ng sitcom na si Bobot Mortiz kung ano ang nangyari, pero sinalo ni Mr. Joey Abacan ang pagpapaliwanag.
Ayon kay Joey: "Gusto naming makita si John Lloyd sa amin, so we have to produce it.
"Nakausap ko si Willie, sabi ko, 'Wil, kami na lang. I know that you’re going to be helping us because, you know, natuwa kami dahil si John Lloyd is finally coming here.'"
Naging maganda raw ang partnership ng GMA-7 kina John Lloyd at Direk Bobot.
Paliwanag pa ni Joey: "Nakausap naman namin sina Bobot and we made it clear, and, 'Sige, go. Let’s do something.'
"Willie is very busy with his show and that’s the reason why ang sabi namin, 'Halika, let’s try it out muna.'
"Nung nag-umpisa ito, it’s like a partnership talaga between Bobot, John Lloyd, Willie, and then GMA. Ang ending, we wanted to line produce it.
"So, with what I have seen so far, I think it was not a wrong decision."
Nakausap ko ang manager ni John Lloyd na si Rambo Nuñez sa presscon ng Beautederm noong Nobyembre 25, sa Novotel Hotel, Cubao, Quezon City.
Sinabi niyang mag-uumpisang umere ang Kapuso sitcom ni Lloydie bago mag-New Year.
Siyanga pala, naka-5.7M views na ang One True Pair The Movie nina John Lloyd at Bea Alonzo mula nang i-publish noong Nobyembre 30 sa YouTube channel ng Jollibee Studios.
NOEL FERRER
Medyo breakthrough ding mag-launch ng bagong programa before mag-end ng taon. Usually kasi, paubos na ang advertising budget.
Pero I’m sure, napaghandaan na ito ng GMA Network!
Looking forward din naman tayo sa bagong content na magbabalik kay JLC sa TV.
Sana magtagal ito at magbukas pa ng ibang opportunities para makita ulit si JLC in his element sa pag-arte!
