JERRY OLEA
Noong sinusyuting ng isang seksing aktres ang kanyang launching film, inurirat siya ng isang beteranong showbiz scribe kung virgin pa siya.
Natawa ang seksing aktres at nakangiting sumagot, “Hindi na po.”
Maluwalhating nailuwal ang unang pelikulang pinagbidahan ng seksing aktres, at kasunod niyon ay lumutang ang intriga na yung ipinapasyal niyang sanggol ay galing sa kanyang sinapupunan.
Todo tanggi ang seksing aktres, bagamat isang aktor ang umamin sa mga kaibigang nagbunga ang pag-iibigan nila ng seksing aktres bago sila naghiwalay. Inamin din naman ng aktres sa publiko ang itinagong anak noong binatilyo na ito.
Ang kasaysayang ito ay tila nauulit sa isang baguhang aktres.
Bago lumaganap ang pandemya, namataan ang baguhang aktres na may kasamang apat na taong gulang na bata sa pamamasyal sa isang mall sa lalawigan.
Matunog ang tsika na iyong tsikiting ay anak ng baguhang aktres sa ex-boyfriend na non-showbiz.
Sa ngayon ay kasintahan ng baguhang aktres ang isang makisig na aktor.
NOEL FERRER
Yes, Marites… history repeats itself.
Kung totoo ang chika, may point of bonding and conversation ang baguhang aktres at ang kanyang boyfriend ngayon… at yun ay Parenting 101.
Ang tanong: ano kaya ang masasabi ng tatay ng baguhang aktres?
Sa tamang pagkakataon, magkakaalaman tayo sa Lihim ng Guadalupe.
GORGY RULA
Mahirap ilihim ang ganitong tsismis.
Kung totoong may bagets na si baguhang aktres, lalabas at lalabas ang katotohanan pagdating ng tamang panahon.
Kagaya nitong kontrobersiyal na aktres, noon pa man ay hindi na siya tinatantanan ng isyung may anak na. Kilalang pulitiko raw ang ama.
Hanggang ngayon ay nakalutang pa rin ang tsismis na yun.
Napag-alamang in-adopt ang bata ng pamilya nila. Mistulang “kapatid” ni kontrobersiyal na aktres ang sariling anak.
Nang bininyagan daw ang bagets, isa si kilalang pulitiko sa mga kinuhang ninong.
Noong panahon na yun ay sinusuyo ni pulitiko si kontrobersyal na aktres. Sinasabi raw ni pulitiko na siya na ang kilalaning ama ng bata. Pero sa pagkakaalam namin, hindi umubra si kilalang pulitiko kay kontrobersyal na aktres.
Ending, ibang girlilet na malapit kay aktres nabaling ang pagtingin ni kilalang pulitiko.
