GORGY RULA
Nangako si Gladys Reyes sa namayapa niyang ama na si Sonyer Reyes, na bibigyan niya ito ng magandang burol hanggang sa libing nito.
Naka-text ko si Gladys ngayong Oktubre 28, Huwebes ng umaga, habang papunta siya sa Bulacan para sa taping ng Pepito Manaloto, Ang Unang Kuwento.
Ngayong gabi, October 28, ang huling lamay ng kanyang ama, kaya nakiusap siya sa produksiyon na i-pack up siya nang maaga.
Nakaburol ang ama ni Gladys sa Paket Santiago Funeral Homes sa Marcos Highway, Antipolo City.
Tuluy-tuloy ang dating mga nakiramay at mga bulaklak mula sa Executive Minister nila, mga kasamahan sa Iglesia ni Cristo, at mga malalapit na kaibigan sa showbiz at pulitika.
“Sabi ko sa Papa ko, bigyan ko siya ng grand exit,” text sa akin ni Gladys.
Magagawa niya ito sa tulong ng mga kasamahan nila sa Iglesia ni Cristo at ilan pang kamag-anak at kaibigan.
“Na-check ko ang memorial plan niya, hindi ko type. Pag pinalitan ko raw yung coffin, magdadagdag pa ako ng 200 thousand pesos.
“Alam mo, Kuya Gorg, bigla naman tinext ako ng kamag-anak namin. Taga-Pampanga siya, may funeral parlor.
“In-offer nila ang kabaong galing sa U.S. Nag-unboxing daw sila, ipinadala sa Viber ko ang picture ng coffin, ang ganda! Worth 650K pala yun, regalo na raw nila kay Papa. Di ba? God is good!
“Hindi ko na kailangang gumastos ng malaki, kasi dumadating na mga blessings,” dagdag niyang text sa akin.
Meron daw siyang nabiling lupa na paglilibingan pero malayo raw ito. Nagandahan daw siya sa Garden of Gethsemane sa Antipolo nung nakapag-taping siya roon, kaya nag-decide silang doon na ililibing ang kanyang ama.
Mabuti at tinulungan daw siya ni Mayor Andrea Ynares ng Antipolo na ayusin ang paglibingan, at ilan pang kailangan. Kaya nagpapasalamat siya sa Diyos na dumating ang mga taong nagpaabot ng tulong para gumaan ang bigat ng kanilang pagdadalamhati.
“Alam mo, magaan lahat, kasi dami tumulong. Kumasangkapan ang Diyos ng mga taong tutulong para maging madali lahat,” text pa sa akin ni Gladys Reyes.
NOEL FERRER
Mapalad daw yung mga kumakalinga at nag-aalaga sa mga magulang. Lubos tayong dumaramay dito sa PEP.ph sa pamilya ni Gladys sa pagyao ng kanyang ama.
Sa gitna ng limitasyon ng pandemya, napakahirap bunuin ang pagdadalamhating ganito na limitado ang kilos ng mga tao.
Tama si Gladys, maraming anghel sa lupa sa panahon ng pangangailangan. Mabait naman si Gladys kaya patuloy siyang gagabayan ng kanyang ama na mahal na mahal niya.
Magsilbi nawa itong magandang halimbawa sa ating mga anak na may mga magulang na buhay pa.
JERRY OLEA
Ipinasa-Diyos ni Gladys ang mga huling sandali ng kanyang ama bago ito nalagutan ng hininga.
Facebook post ni Gladys nang pumanaw ang kanyang ama, “Magkikita tayo uli sa bayang banal, Pa.
“Sa mga nagtatanong po, negative sya sa covid. Multiple organ failure (heart, lungs and kidney).”
Dahil walang COVID-19 ang kanyang ama, naiburol ang mga labi nito, at mapagkakalooban ng “grand exit.”
Nakikiramay po kami sa mga naulila…
