GORGY RULA
Walang balak si Erik Santos na mag-file ng Certificate of Candidacy sa COMELEC, kaya walang halong pulitika itong pa-surprise niya sa mga taga-Malabon sa kanyang 39th birthday sa October 10, Linggo.
Ayaw lang ng singer na ikuwento pa kung ano ang ipamimigay niya, pero bilang pasasalamat ay walang selebrasyon, kundi pamamahagi ng tulong at konting ayuda sa mga taga-Malabon.
Bahagi pa rin ng kanyang birthday celebration, sumama si Erik sa kilalang chemist at philanthropist na si Pinky Tobiano kahapon, October 7. Nagluto si Pinky ng adobo para ipamigay sa jeepney drivers sa Quezon City.
Isa ito sa activities ni Chemist Pinky ng kanyang programang Grateful Tuesdays, ang kampanyang Support Pinoy Pork.
Ang kampanyang ito ay bilang suporta sa pagbababuyan at pagbili ng karneng baboy mula sa backyard pork farmers.
Hinihikayat nila ang consumers na bumili ng Pinoy pork sa palengke bilang tulong sa mga magbababoy na apektado rin sa pandemyang ito.
Bukod kay Erik ay kasama rin sa Support Pinoy Pork campaign sina Piolo Pascual, Sam Milby, Dra. Vicki Belo, at Moi Bien.
“Ang tatay ko, nag-aalaga rin ng baboy noon at ito ang tumulong sa aking pamilya. Kaya malapit sa puso ko ang mga masisipag na magsasaka at mga magbababoy,” pahayag ni Erik.
Kaya sumama na rin si Erik sa pagluto ng adobo gamit ang Pinoy pork at tumulong siya sa pagbigay nito sa jeepney drivers sa Katipunan Ave., Quezon City kahapon.
“Kawawa ang mga jeepney drivers, kasi talagang humina ang kita nila since nung nagka-pandemic.
“Ang saya nila kapag nabibigyan sila ng konting tulong ng Grateful Tuesdays,” pakli ni Chemist Pinky.
Sabi naman ni Sam Milby na all-out sa campaign na Support Pinoy Pork, “I support Pinoy pork farmers. Sa bawat kagat, kagat ng pag-asa.”
NOEL FERRER
Mukhang hindi naman talaga papasukin nina Erik Santos at Pinky Tobiano ang politika, pero maganda ang ginagawa nilang pagtulong sa kapwa.
Mas maganda pa ang kanilang ginagawa sa ibang pulitikong kinakasuhan ng pangungurakot.
Basta support tayo sa ganitong mga efforts ng mga pribadong individual na kusang tumutulong sa kapwa na walang ibang kapalit.
Sa huli’t huli, sino nga ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo na lang talaga!
JERRY OLEA
Sa usaping baboy, hindi si Erik Santos ang pumapasok agad sa aking diwa kundi ang gwaping na si Eric Fructuoso.
Nag-anyaya si Fructuoso sa opening ng bagong sangay ng Gwapigs Porkshop sa Oktubre 10, Linggo sa Batangas City.
Sugod, mga marupork at maruporkpork!!!
