GORGY RULA
Nakakatuwa itong tambalang Ken Chan at Rita Daniela dahil nakikita mo ang sobrang closeness nilang dalawa.
Sa nakaraang virtual mediacon ng The Clash Season 4 na magsisimula na bukas, October 2, sinabi ni Rita kay Ken na nami-miss na niya ito.
Iyon pala, katatapos lang ng tampuhan nilang dalawa.
Inamin nila na ngayong pandemya ay napapadalas ang away nila at tampuhan. Ayaw lang nila idetalye ang dahilan ng kanilang mga away, pero naaayos naman daw nila at pagkatapos nun, okay na sila.
Hindi raw ma-explain ni Ken bakit kung kailan nasa pandemya ay madalas ang away nilang dalawa ni Rita.
Sabi ng Kapuso actor, nasa fourth season pa lang ang The Clash, pero ang clash nila ni Rita ay pa-season five na.
Sabi naman ni Rita, "I think this year talaga…. kasi hindi naman talaga kami nag-aaway ni Ken, e.
"Sa amin nga, parang there’s something weird in our relationship. Kasi, parang hindi tayo nag-aaway. Hindi nagkatampuhan.
"But, I think ito talaga ang taon na ang dami naming away, tampuhan, lahat na."
Ang paliwanag ni Ken, parang pamilya na kasi talaga ang turingan nila ni Rita.
"Kahit marami kaming tampuhan ni Rita, alam mo yun…
"Naniniwala ako kaya mas maraming tampuhan, parang sa family, di ba, mas minamahal mo yung tao, di ba?
"Ganun siya kasi kaimportante sa akin, e. Mas deeper na yung relationship namin ni Rita, mas nakikita namin yung isa’t isa.
"So, dun yung mga factors kung bakit nagkakatampuhan kami, because mahal namin ang isa’t isa. Yun lang yun, e."
Sumali si Ai-Ai delas Alas sa usapan nang sinabi ni Rita na minsan ay ang The Clash judge ang sinisisi kung bakit nag-aaway sila.
"It’s Ms. Ai’s fault," sabi ni Rita.
"I know!" sang-ayon ni Ai-Ai.
"Si Rita minsan ang naglalambing, pero mas maraming lambing si Ken," dagdag na kuwento ni Ai-Ai.
Tila sanay na rin si Ken sa away-bati nila ni Rita.
"Sabi nga ni Rita kanina, 'Bakit kami hindi nag-aaway?' Iyon nga ang mas nakakatakot, e.
"Mas naintindihan ko. Mas open ang mind ko sa ganun. Pero sana naman, hindi lagi. Ewan ko ba."
Kaya ngayong napapadalas na ang pagkikita nilang dalawa dahil sa taping ng The Clash, inaasahang mag-aaway at mag-aaway na naman sila. Pero ang maganda lang dun ay naaayos nila at hindi lumalaki ang isyu.
JERRY OLEA
Okay lang kung ang peg nina Rita at Ken ngayong pandemya ay aso’t pusa, o kaya ay pusa at daga as the case may be.
Pagkatapos ng afternoon serye nilang Ang Dalawang Ikaw, hayan at nasa fourth season sila ng The Clash.
Meron pa silang natapos na movie last year, iyong Huling Ulan sa Tag-araw na kinunan ni Direk Louie Ignacio sa Pagsanjan, Laguna.
Ilalahok kaya iyon sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre? Para ngang magkapatid sina Rita at Ken, at patok sa fans ang kanilang pagpapakilig.
Bet kong i-remake nila ang pelikulang Jack & Jill… tipong Destiny & Ross?!
Sa tunay na buhay, huwag tayong hopia at asado na mag-iibigan sila.
NOEL FERRER
Sila ba? May pag-asa bang maging sila sa totoong buhay?
Ang mga fans ba nila ay umaasang sila ang magkakatuluyan katulad ng ninanais mangyari sa mga magka-love team?
O magaling lang silang umarte at magpakilig? Ano sa tingin ninyo?
