GORGY RULA
Pansamantala palang natigil ang taping ng spiels nina Michael V at Manilyn Reynes para sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento dahil nadamay sa granular lockdown ang location na pinagteypingan nila.
Kaya balik "work from home" daw sila, at kaya nag-aalinlangan na naman silang ibalik na ang Pepito Manaloto.
“I was in a meeting yesterday with the bosses of GMA regarding that.
“As soon as puwede na kami makaabante, aabante na kami. Pero sa ngayon, tinitimbang pa rin, e. Kung ano yung magandang move.
“Ang iniisip kasi namin... yung audience, kawawa, e. Nabibitin madalas,” pahayag ni Bitoy nang nakapanayam namin sa DZRH nitong nakaraang Biyernes, September 17.
“Gusto ko talaga bumalik dahil unang-una, fully vaccinated na ako, pati mga kasama ko. Hindi ko pa rin maisip kung papaano babalik, e,” sabi pa ng comedian/writer/director.
Maganda naman daw ang feedback sa prequel nitong Unang Kuwento, at hindi raw bumitaw ang followers ng Pepito Manaloto, kaya maaring tuluy-tuloy pa rin daw ito hangga’t wala pang desisyon sa sitcom nila ni Manilyn.
“Yung Unang Kuwento, there’s a chance na magtuluy-tuloy na, pero as I said, pinag-aaralan pa ng ano… yung mga boss ng GMA. That’s an option na ituluy-tuloy pa ang Unang Kuwento.
“Kung tutuusin, kahit ako parang naging fan na ako ng Unang Kuwento.
“Magagaling sila at ang sarap mag-reminisce ng nakaraan. Panahon ng '80s, panahon natin ‘yan, e.
“Kahit maliit na detalye, nandun, e. Kaya nakakatuwa talaga. Hindi ako magsisisi kung halimbawang ituluy-tuloy ito at ito muna yung magiging option.
“For me, it’s a great honor na magamit yung pangalan ni Pepito Manaloto sa ganung klaseng programa,” pagmamalaki ni Bitoy sa Unang Kuwento.
Sa ngayon ay ini-release muna ng komedyante ang Christmas single niyang "Another Christmas Eve."
Maganda ang feedback na nakukuha namin sa listeners namin nang ipinatugtog namin ito sa aming radio program.
Magkatuwang sila ng asawa niyang si Carol na sinulat ang kantang ito at nung nakaraang taon pa niya ito ginamit sa Pepito Manaloto.
Pero ngayon lang niya ito ini-release under Mic Test Entertainment, at nasa Spotify at iTunes na ito ngayon. Makikita rin sa YouTube channel niyang Michael V #BitoyStory ang buong music video nito na nagpapakita ng mga kabayanihan ng ating frontliners.
Gustung-gusto raw sana ni Bitoy na pawang mga Christmas songs na gawa niya ang nilalaman nito.
JERRY OLEA
Kering magtuluy-tuloy ang Unang Kuwento minus the spiels of Bitoy and Manilyn.
Higit sa kung ano pa man, priority ang kaligtasan. Panay-panay nasa line of 2 ang mga nadadagdag na bagong kaso ng Covid-19 araw-araw.
Umabot na sa 2,324,475 ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.
Kung mananatiling 20K+ ang dagdag na kaso everyday, malamang sa alamang na bago mag-Halloween ay lumampas na sa 3M-mark ang total number of cases.
Ayon sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), “Kasunod ng COVID-19 Alert Levels System ng Inter-Agency Task Force (IATF), ang Metro Manila ay kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 4 simula Setyembre 16 hanggang 30.
“Ang bagong quarantine scheme na granular lockdown ay naglalayong pigilan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 habang pinapayagang patakbuhin muli ang ekonomiya.
“Sa ilalim ng Alert Levels System, ang film at audiovisual production shoots ay pinapayagang mag-operate nang hindi lalagpas sa 50 katao sa kahit anong oras at napapailaim ito sa parehas na mga restrictions at protocols ng DTI-DOLE-DOH Joint Administrative Order (JAO) No. 2021-0001.
“Pinapaalalahanan din ang mga production activities na kinakailangan sundin ang mahigpit na pagpapatupad ng Minimum Public Health Standards at ang pag-iwas sa tatlong (3) Cs: 1.) Closed Spaces 2.) Crowded Places 3.) Close-Contact Settings…
“Hinihikayat ng Safe Filming Program ng FDCP ang lahat ng film at audiovisual productions na sumunod sa safety at health protocols ng gobyerno sa pandemya.
“Upang matulungan at magabayan ang production sa new normal, maaaring magrehistro sa Safe Filming Program.”
Paano na ang Pasko? Hayan at nabuhay na naman ang joke-joke-joke na ang Christmas ay ililipat sa Enero 8.
Kasi raw, pagdating ni Santa Claus ay ika-quarantine muna siya for 14 days, tapos, ipapa-swab pa.
NOEL FERRER
Kahit ako, nadadaanan ko ang Unang Kuwento. Nakakaaliw ito.
Pero our health is a priority. Kaya hindi mo rin masisisi kung tigil muna ang taping habang pinahuhupa ang mga transmission na napakataas pa rin ngayon.
Siyanga pala, is there such thing as Covid insurance for the people of production pala?
