GORGY RULA
Parang naka-quarantine si Paolo Contis sa bahay niya nang tinawagan ko siya noong Sabado ng gabi, September 4.
Hindi na raw siya lumalabas dahil pinaghahandaan niya ang kanyang antigen test next week bago siya i-quarantine para sa second cycle ng taping ng I Left My Heart in Sorsogon.
Kinumusta ko muna siya, nakipagtsikahan kung napanood na niya ang Season 5 ng Money Heist, na isa rin sa sinusubaybayan niya.
Isa raw ito sa nirereserba niyang panoorin kapag nagsimula na ang hotel quarantine niya next week.
Ganun kasi ang proseso: ia-antigen test muna at kapag negative ang resulta, magsisimula na ang 10-day quarantine sa hotel. Pagkatapos ay RT-PCR test at saka sila isasalang sa lock-in taping.
Doon na raw siya sa hotel magbi-binge watching ng mga paborito niyang series sa Netflix.
Deadma na lang daw muna siya sa mga balitang nakakarating at tuluy-tuloy na bashing sa kanya.
Meron pa ngang nagpapa-hashtag ng #boycottAFarawayLand, pero nasa top 10 trending uli sa Netflix ang A Faraway Land nila ni Yen Santos.
Kahit ang Instagram account niya ay lalo pang nadagdagan ang followers.
May ilan pa kaming napag-usapan, pero ipinakiusap niyang huwag na lang isulat.
Susundin daw niya ang payo sa kanyang palamigin na lang muna ang isyung kinasasangkutan, at saka na siya magbibigay ng pahayag.
Tinatanggap na lang daw niya ang mga pang-aalipusta at ang mga panghuhusga sa kanya. Wala naman daw siyang magagawa.
Pero sa tingin ko naman, isyu at problema nilang dalawa ito ni LJ Reyes.
Kung meron man siyang gustong sabihin, kay LJ niya ito sasabihin. Kung sakali, doon na siya magpapaliwanag at humingi ng tawad pati sa kanilang anak.
Kung kailan ito, tanging sila lang ni LJ ang nakakaalam, at kung handa na ba sila pareho.
Tahimik lang si Paolo habang sinasabi ko ito sa kanya. Sabi naman niya, hinihintay lang daw niya ang payo sa kanya ng GMA-7.
“Trabaho na lang muna tayo. If ever, kung may plano ako, o kung magsasalita man ako, malalaman niyo rin naman yun,” text niya sa akin.
Sa saglit na pag-uusap namin ni Paolo, ramdam kong nandiyan pa rin ang pagmamahal niya kay LJ.
Tinanong ko rin siya kung nami-miss ba niya si Summer, ang anak nila ni LJ na kasalukuyang nasa New York.
“Nami-miss ko siyempre! Nami-miss ko lahat na kids ko,” kaagad niyang sagot sa akin.
May dalawang anak ding babae si Paolo sa estranged wife niyang si Lian Paz.
JERRY OLEA
Agosto 19 pumutok ang isyung hiwalay na sina LJ at Paolo, kaalinsabay ng Netflix screening ng pelikulang A Faraway Land nina Paolo at Yen.
Hinintay natin kung magbibigay ba sina Paolo at LJ ng official statement via GMA Artist Center, kung saan pareho silang contract artist.
Lumipad si LJ pa-Amerika kasama ang dalawang anak na sina Aki at Summer.
Nasa New York na si LJ nang magpainterbyu kay Tito Boy Abunda para sa vlog nitong The Boy Abunda Talk Channel sa YouTube. Na-publish ang vlog noong Setyembre 1, at mahigit 4.3M views na ang hinamig nito.
Si Paolo, may TV series at may mga nakalinyang pelikula. Si LJ, iniwan na ba ang pag-aartista?
May meme na kesyo iboboykot ang Conti’s bakeshop & restaurant alang-alang kay LJ.

Juice colored! Wala pong kinalaman ang Conti’s kay Paolo! Ayaw ni Beauty Contis ng ganyan!
Namataan si Paolo na may kasamang Mystery Girl sa Manaoag, Pangasinan.
Batid natin kung sino ito, pero hayaan muna natin na manatili itong misteryo… sa lumbay man o sa ligaya, sa dilim man o sa liwanag.
NOEL FERRER
Hindi madali ang kalagayan ni Paolo.
For me, marami siyang kailangang resolbahin sa kanyang sarili. Hindi puwedeng magpatuloy ang pattern na dinaranas niya sa kanyang buhay.
Hindi na siya bumabata. Lumalaki na rin ang mga anak niya.
I hope he comes out of it a really better person.
Magaling pa naman siyang artista. Pero iba ang pagganap at iba ang tunay na buhay.
Sana, umayos at maayos niya ito. Sana talaga!
