GORGY RULA
Nabahala ang pamilya Gutierrez dahil may ilang nagsulat sa diyaryo na may prostate cancer diumano ang beteranong aktor na si Eddie Gutierrez.
Nilinaw ni Ruffa Gutierrez sa kanyang Twitter at Instagram account noong Sabado, August 14, na cleared na ang kanyang ama sa cancer.
Ani Ruffa, “The weeks leading up to my departure for the US was tough. I experienced a tornado of emotions which I kept exceptionally private.
“This much I can share: Dad had an operation and it was a success. He has been cleared of prostate cancer. Thank You, Lord!”
Nasaktan daw si Tita Annabelle Rama na may nasulat pang may prostate cancer si Tito Eddie, gayung nilinaw ni Ruffa sa Twitter na walang cancer. Meron kasing inilalagay pa sa title, pero ang laman ng balita ay wala naman.
Nakausap ko ngayong Linggo, August 15, ang publicist ng pamilya Gutierrez na si Jun Lalin, na nasa Amerika pa kasama ang magkapatid na Ruffa at Raymond Gutierrez.
Ani Jun, “Walang cancer si Tito Eddie. Iyon lang ang duda nila nung una, kaya pinatingnan nila agad. Pina-biopsy at lumabas, hindi cancer.”
“Negative siya!” sabi ni Ruffa na narinig ko sa background.
Sabi pa ni Jun, “Sa palagay mo ba, aalis si Ruffa kung hindi okay ang daddy niya?”
Thankful daw silang lahat na maganda ang resulta at hindi yung unang pinagdudahan nila.
Nagpapasalamat ang buong pamilya sa lahat na nag-alala at nagdasal para kay Tito Eddie.
At least, nakahinga na sila nang maluwag na okay na okay si Tito Eddie Gutierrez.
NOEL FERRER
Yun ang mahalaga. At least, okay na si Tito Eddie Gutierrez at panatag na ang kanyang pamilya.
Sa panahon ngayon, dobleng ingat talaga tayo na huwag magkasakit.
Kahit hindi COVID, ayaw nating ma-expose ang ating mga senior citizen sa kahit na anong virus, di ba?!
E, ngayon, kahit nga bakunado na, naoospital at namamatay pa rin. Kaya ingat na lang talaga!
JERRY OLEA
Sabi pa ni Ruffa nitong Sabado ng hapon sa Instagram at Twitter, “Sa mga nagdasal para kay Dad, maraming salamat. You know who you are.
“Sending LOVE to everyone who’s trying their best to heal from things they don’t discuss. Keep the faith, pray and stay strong.”
Pinasalamatan ni Ruffa ang lahat ng doktor at nars sa St. Luke’s Quezon City na nag-alaga sa kanyang ama.
“He is on the road to a full recovery thanks to your expertise and pag-aalaga,” sabi pa ni Ruffa.
Lahat tayo ay may pinagdaraanan sa panahon ng pandemya. Manalig tayo sa Panginoon na malalagpasan natin ito!
