JERRY OLEA
Kapamilya si Rayver Cruz nang magkamabutihan sila ng Kapusong si Janine Gutierrez noong 2017.
Nag-over da bakod si Rayver noong Setyembre 2018 at nagkasama sila ni Janine sa bakuran ng GMA Network.
And then, lumipat si Janine sa ABS-CBN nitong Enero 2021.
Sa vlog ni Janine na “Truth or Dare with Mamita” na in-upload noong Abril 30 sa kanyang eponymous YouTube channel, napag-usapan si Rayver.
Biniro ni Pilita Corrales ang apo na ang nasa bucket list niya ay magpakasal na ang dalaga.
“Not yet! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” tawang-tawang bulalas ni Janine.
“One day but not soon.”
Si Rayver pa rin ba?
“Well, we’ll see! Ha! Ha! Ha! Ha!” sabi ni Janine.
Kumaway si Pilita sa harap ng kamera, “Hi, Rayver! How are you!”
Sa may katapusan ng vlog, sinabihan pa ni Pilita si Janine, “I’m just waiting for you to tell me, ‘I’m getting married!’”
Sa virtual thanksgiving party ni pelikulang Dito at Doon noong Mayo 13, Huwebes, inurirat siyempre si Janine kaugnay kay Rayver at sa pagpapakasal.
Ganoon pa rin ang sagot ni Janine, na hindi niya top priority sa ngayon ang marriage at marami pa siyang gustong ma-achieve.
Pagdidiin ni Janine, alam iyon ni Rayver, at napapag-usapan nila.
Nakangiting sabi ni Janine, “He knows, and he agrees... Or naki-agree na lang siya?!
“But he knows and he’s always been so supportive of everything na I have plans, o iyong mga desisyon ko. So, wala naman pong problema.”
Nasaktan ba si Rayver sa pag-ayaw niyang magpakasal sa ngayon?
“Hindi. Hindi naman ibig sabihin na ayaw ko now, ayaw ko forever.”
Excited si Janine sa unang teleserye niya sa ABS-CBN, ang Marry You, Marry Me kung saan love triangle sila nina Paulo Avelino at Jake Ejercito.
Noong isang araw ay pinost ni Leo Dominguez (manager ni Janine) sa Facebook ang picture ni Janine sa lock-in taping kasama ang co-stars na sina Cherry Pie Picache, Vina Morales, at Sunshine Dizon.

(From left) Cherry Pie Picache, Janine Gutierrez, Vina Morales, and Sunshine Dizon
May natapos pang pelikula si Janine with Paulo, ang Ngayon Kaya.
Gusto rin ni Janine na gumawa pa ng pelikula sa TBA Studios, ang nagprodyus ng Dito at Doon (na streaming hanggang Mayo 31 sa iWant TFC at iba pang platforms).
Marami ang umaasam na magkaroon ng sequel ang nasabing movie nila ni JC Santos.
Malabong bumalik agad sa ABS-CBN si Rayver para sundan muli si Janine.
Panay-panay na ang plugging ng GMA sa afternoon teledrama na Nagbabagang Luha kung saan gaganap si Rayver bilang mapagmahal na si Alex—na inibig nang sabay ang mag-ateng sina Maita (Glaiza de Castro) at Cielo (Claire Castro).
Nakakapag-init ang teaser kung saan may pa-abs si Rayver. Yummylicious!
GORGY RULA
Sunud-sunod na ang plug ng Nagbabagang Luha sa GMA-7. Nakapagbangko na sila ng maraming episodes, at ngayon ay pinaghahandaan naman ni Rayver ang susunod na season ng The Clash.
Balik-tambalan sina Rayver at Julie Anne San Jose sa hosting.
Ang nakakatuwa, napapansin na noon pa sa The Clash na may chemistry sina Rayver at Julie Anne. Sana, magsama rin sila sa drama series.
Na-enjoy ni Julie Anne ang balik-acting niya sa Heartful Café, at open siya sa susunod na project na aarte siya uli sa isang drama series.
Sana, subukan ang tandem nila ni Rayver na umaarte, bukod sa naghu-host sa The Clash.
Congratulations pala kay Julie Anne San Jose na isa sa napili sa Top 20 Most Beautiful Faces ng PH Choice Awards!
NOEL FERRER
Oo, huwag munang pakasal sina Rayver at Janine. Marami pa silang puwedeng gawin sa kanilang career bilang mga artista.
Masayang hintayin ang kahihinatnan ng unang teleserye ni Janine sa ABS-CBN. Sana, mag-hit ito para makita ang solid following nito, mapa-TV man o pelikula.
As for Rayver, dancer pa rin ang kanyang core competency. Sana, makilala at maparangalan siya sa pagganap at pagho-host kung sakali man.
All the best!