NOEL FERRER
Trending ang "Sharon Cuneta Dr. FosterPh" sa Twitter nitong Abril 27, Martes.
Ikinatuwa ito ng mga Sharonians at ng Megastar mismo.
Ang sabi ni Sharon sa kanyang recent post: “OMG! Thank you so much! Would absolutely love to play her!!!”
Tinag pa ni Shawie ang ABS-CBN Head of Entertainment na si Lauren Dyogi, ang management team niya na kasama sina Nancy at Angel Yang, at ang ABS-CBN.

Marami ang sumang ayon dito, pati na ang manager ni Lovi Poe na si Leo Dominguez, at sinabing bagay nga ito kay Mega.

In all fairness, malamang hindi alam ni Sharon na ikinakasa na ang shoot ng Pinoy remake ng Doctor Foster soon sa kabila ng hirap ng lock-in shoot.
I bet hindi rin niya alam na in-offer ito sa “kapatid” niyang si Judy Ann Santos, na nag-iingat din sa bagong taping protocols.
Oh well, I wonder kung paano ito sasagutin ng ABS-CBN.
In the meantime, we would like to greet Sharon and Juday, Happy Wedding Anniversary sa kani-kanyang partner ngayong Abril 28, Miyerkules!
Anu’t anupaman, family first ang priority nila. Mahal natin sila at ang mga pamilya nila.
JERRY OLEA
Sharonian ako, kaya excited ako sa mga project niya.
Looking forward ako sa tambalan nila ni Marco Gumabao sa pelikulang Revirginized.
Naiintindihan ko kung love ni Mega na magbida sa Pinoy remake ng Doctor Foster. Hindi pa siya nakakapagteleserye sa ABS-CBN.
Pero sa edad ni Sharon na 55, malayo iyon sa edad ni Dr. Gemma Foster na 37 sa BBC series.
Naalala ko tuloy ang 40-anyos na si Margo Channing (ginampanan ni Bette Davis) sa Hollywood film na All About Eve (1950).
Sa isang eksena, pinarunggitan si Margo ng kritikong si Addison DeWitt (George Sanders), “Dear Margo, you were an unforgettable Peter Pan. You must play it again sometime.”
Sa pelikulang The Roman Spring of Mrs. Stone (1961), itinigil ng stage actress na si Karen Stone (karakter ni Vivian Leigh) ang pagganap sa pastoral comedy ni William Shakespeare na As You Like It. Natanto kasi ni Karen na masyado na siyang matanda para gumanap na Rosalind.
Sa 2003 remake ng The Roman Spring Of Mrs. Stone, itinigil ni Karen (Helen Mirren) ang pagganap bilang bidang babae sa tragedy na Romeo and Juliet.
Pwede namang ibang TV series na lang ang gawin ni Ate Shawie, if ever.
In all honesty, mas bagay sa 36-anyos na si KC Concepcion ang magbida sa Pinoy remake ng Doctor Foster kesa sa kanya.
GORGY RULA
Sana ipaliwanag ni Shawie kung bakit interesado siya sa project na ito. Gusto lang ba niyang sumali sa isyung ito o nakaka-relate siya sa kuwento?
Baka mas marami siyang paghuhugutan kung sakaling siya ang gaganap na Pinoy version ni Dr. Gemma Foster.
Pero sa tingin ko, dala na rin siguro ito ng pagkahilig ng Megastar sa mga K-drama. Kaya type niyang maging bahagi sa mala-The World of A Married Couple na kuwento.
