GORGY RULA
Nag-emote sa Facebook ang production staff ng isang TV program.
Sumusunod sila sa ipinapatupad na safety protocols and guidelines, pero kailangan pa rin silang i-check at bantayan ng safety officer.
Meron kasing ibang production teams na pasaway. Naturingang nasa lock-in shooting, pero nagbabaklas-baklas at lumilipat ng malayong location.
Ang iba nga raw miyembro ng production crew, kahit nakakaramdam na ng lagnat ay pinagsasabihang huwag daw aminin sa health declaration.
Naulinigan natin na may ganito ring kaganapan sa shooting ng ilang pelikula, at merong mga nagkaka-COVID.
Nakarating sa authorities ang paglabag sa safety and health protocols kaya nagkakahigpitan.
Napag-alamang pati ang pagtsi-check ng temperature ng bawat tao sa set, pag-spray ng alcohol, at ang ipina-practice na social distancing ay kailangang i-video para i-present ito sa magtsi-check na authorities.
Dagdag na trabaho iyon pero kailangang gawin.
Kahit sumusunod ka, at walang nilalabag na batas, kailangan mo pa ring higpitan at i-check.
Wala silang magagawa, kailangan nilang pagdaanan ang ganitong pahirap.
Sumasakit na raw ang ulo ng bossing na may hawak ng mga programang ito dahil siya siyempre ang napuputukan ng mga big bosses.
Mapanganib lalo ang paligid gawa ng mabilis na paglobo ng COVID-19 cases.
Nitong Marso 14, Linggo, ay 4,899 ang naitalang bagong kaso ng coronavirus sa bansa.
Umabot na sa 621,498 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID-19.
NOEL FERRER
Umabot na talaga sa nakakagambala at mataas na stress levels uli sa ating mga Pilipino ang mga nangyayari ngayon.
Sa Quezon City, kung nasaan ang major studios at production houses, sarado na muna ulit ang gyms, spas, at internet cafes from March 15 to 31 dahil sa serious outbreak.
Bakit naman kaya sa kabila ng sinasabing effective na roll-out ng bakuna, e, nagkaroon ng surge ng mga kaso?
Hindi ba natin nabalanse nang maayos ang pagbubukas ng ekonomiya sa pagma-manage ng COVID?
Nakakaawa na ang mga taong sinasabing pasaway ang pinagtutuunan pa rin ng sisi.
Kung may choice sila na manatili lang sa mga pamamahay tulad ng mga nakakaluwag sa buhay ay sino ba ang ayaw na mag-WFH (work from home) lang o manatiling Team Bahay muna, basta ba may sapat na ayuda at pagkukunan ng basic needs?
E, kaso mo, wala.
Hindi rin sila priority sa bakuna. Paano na lang?
Kung aabot sa six to eight thousand a day ang bagong COVID cases sa atin, sa tingin ninyo, matitigil muna kaya ang mga taping at shooting? Hayyyyy, isang taon na ang lockdown, mukhang balik pa rin tayo sa nauna nating sitwasyon. Nakakalungkot talaga!
JERRY OLEA
Nakakalungkot, nakakapanlumo, nakakatakot, nakaka-pressure.
Nabalitaan nga nating lumaklak ng viscous liquid ang isang lalaking baguhang staff sa lock-in taping ng isang TV drama series.
Ang sapantaha ay dahil daw ito sa demands ng produksiyon sa kanya in this time of the pandemic.
Hindi namin batid kung gaano kapanganib ang pag-inom ng nasabing viscous liquid, o kung depende ba iyon sa brand o dosage.
Mabuti at naagapan ang baguhang staff.
Nakita ito ng isang kasamahan na nakahandusay sa kuwarto at bumubula ang bibig, kaya naisugod agad sa ospital.
Talaga ngang tumataas ang stress levels sa workplace ngayong pandemic.
Siguradong may domino effect din sa production ang nangyari sa baguhang staff.
Abangan natin kung sinu-sino ang mapuputukan sa usaping ito.
