GORGY RULA
Talagang umiiwas si Mayor Vico Sotto na dumalo sa ilang pagtitipon ng kanyang amang Vic Sotto kasama ang iba pa niyang mga kapatid.
Siya lang ang absent sa kanilang magkakapatid nang magpa-lunch si Bossing Vic sa kanyang tahanan noong Miyerkules ng tanghali, March 3.
Ang maybahay ni Vic na si Pauleen Luna ang nag-post ng litrato ng pamilya Sotto sa Instagram.
Makikita roon ang mga kapatid ni Vico na sina Oyo, Danica, Paulina, at kani-kanilang mga asawa.
“Si Vico naman, hindi mo maimbita yun dahil alam mo namang exposed siya sa public. So, hindi basta-basta pupunta yun.
“Saka marami siyang ginagawa, marami siyang inaasikaso,” pakli ni Bossing Vic nang nakapanayam namin sa DZRH noong Miyerkules ng gabi.
Huling namataang kasama ni Vic ang anak na si Vico nang magdiwang sila ng Pasko noong Disyembre 2020.
Pero naiintindihan daw ni Bossing Vic na prayoridad ni Vico ang mga Pasigueño.
Talagang ipinagmamalaki niya ang mga achievement ng kanyang anak, lalo nang kinilala itong isa sa labindalawang (12) anti-corruption champions sa buong mundo.
“Very proud ako sa kanya, and I’m sure tuwang-tuwa siya dahil yun ang isa sa pinakaimportanteng adbokasiya para kay Vico, e,” saad ng Eat Bulaga! host.
“Parang going against the current yun, e, dahil alam mo naman yung kultura ng…hindi naman Pilipino lang, ‘no? Sa maraming gobyerno, hindi lang corruption na hindi talaga maalis, ‘no?
“Yung adbokasiya niya, yung ideology niya na kaya kung kakayanin basta meron ka lang political will na maging transparent ang gobyerno.
“Lahat na billings ng gobyerno, merong freedom of information na walang may mag-under the table, e, kaya namang gawin kung talagang gugustuhin,” dagdag niyang pahayag.
Kaya ang hiling lang ni Bossing Vic para sa kanyang anak ay tuluy-tuloy na ito na magsisilbing magandang halimbawa siya sa public servants lalo na sa mga kabataan.
“Bilang siya ay nagsisilbing magandang ehemplo sa gobyerno, sana ay magtuluy-tuloy, and the early stage of his career sa public service ay maging gabay siya sa mga lider natin sa kinabukasan lalo na iyung mga kabataan."
JERRY OLEA
As of March 4, Thursday, 4:00 p.m. ay umabot na sa 584,667 ang naitalang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas. 37,226 sa mga ito ay aktibo.
Kaya marapat lang na patuloy tayong mag-ingat. Nakatutok si Mayor Vico Sotto sa vaccination sa kanyang constituents.
Ani Mayor Vico sa Facebook, “The best vaccine is the vaccine that is available. But we understand those with hesitations while more information comes in.
“Vaccination is on a purely voluntary basis and healthcare staff who decline 1 brand will still be the FIRST PRIORITY for the next brand that arrives.”
Kaya naiintindihan ni Bossing Vic kung bakit absent ang anak nila ni Coney Reyes sa kanyang pa-lunch kahapon.
Ipinagmamalaki rin ni Bossing Vic na nasa tamang landas ng pulitika ang ilan pa niyang kapamilya na nasa public service din.
“Ang ilang miyembro ng pamilya na nasa public service, siguro hindi naman, matatawaran yung ilang kamag-anak ko, like si Tito Sen na Senate President na nasa matinong landas ang tinatahak,” sabi pa ni Bossing.
“Yung kanyang anak na nasa Quezon City, yung aking isang pamangkin na nasa Parañaque, puro matitinong landas ang tinatahak, e.
“Yun na nga ang aking anak na si Vico, e, nasasabi ko nga, nasa tamang landas yung tatahakin.
"E, ako, bilang ama, bilang kamag-anak na nasa public service at nasa gobyerno, ako’y very proud sa kanila, at ako ay parating support all-out, 100 percent support sa kanila, sa lahat ng mga magandang gawin, sa adbokasiya, ako’y suportado ko sila.
“Kumbaga, malaking bagay yung moral support, e. Hindi man ako active sa pulitika, pero ako’y active bilang miyembro ng pamilya.”
Sabi ng iba, dapat presidente na ang susunod na tatakbuhin ni Mayor Vico.
“Wala siyang iniisip sa ngayon kundi yung trabaho niya bilang lider sa siyudad sa Pasig,” lahad ni Bossing.
“Kumbaga, nasa starting gate pa lang siya, e. One term as a councilor, tapos first term niya as a mayor. Marami pa siyang gustong gawin sa Pasig, magandang nangyayari ngayon, parang nagiging ehemplo siya, e.
“Nagiging good example siya for the other leaders natin lalo na yung mga kabataang… kumbaga, ipinapakita niya na maaring talamak yung corruption. Mismong ang ating presidente, talagang ‘yan ang sakit sa ulo. Talagang mahirap gamutin yung sakit na ‘to.
“Sabi nga nila, e, parang nasa kultura na natin, e, na hindi ka makakakuha ng lisensya o business permit, not unless may under the table ka kay ganito, kay ganyan, para mapabilis.
“Pero ipinapakita ni Vico na kapag meron kang political will, kaya mong linisin, maybe not a 100 percent pero more than 50 percent ang napatanggal mo sa kalokohan sa gobyerno, ay malaking bagay para sa ating mga Pilipino. “
NOEL FERRER
Kaya naman, ayun, 2020’s Person of the Year si Vico at isa sa mga The Outstanding Young Men ng taon, kasama pa ang karangalan bilang isa sa mga International Anti-Corruption Champions.
Sa panahon ngayon, kailangang protektahan ang mga katulad ni Vico dahil namumukod-tangi ang dala niya sa public service, lagpas sa politika at pansariling kapakanan.
Sana, lagi siyang mamayani at huwag sanang maging isang Evelio Javier na nagbuwis ng buhay dahil sa paggawa ng mabuti.
Sana all like Vico!
Get to know Pasig City Mayor Vico Sotto on his interview on PEP Exclusives:
