GORGY RULA
Napagdesisyunan ng A Team Productions ni Ogie Alcasid na ituloy na ang naudlot nilang concert ni Ian Veneracion, ang Kilabotitos.
Virtual concert na ito na pinamagatang Virtually Yours, Kilabotitos, na mapapanood sa KTX.Ph sa Marso 26, Biyernes.
Maingat ang production team ni Ogie rito na hindi maulit ang nangyari sa Freedom concert ng misis niyang si Regine Velasquez na na-postpone noong nakaraang Valentine’s Day.
Kuwento ni Ogie sa virtual mediacon ng Kilabotitos ngayong Biyernes ng tanghali, February 26, matinding stress ang inabot nila ni Regine nang nag-decide silang i-postpone ang Freedom concert dahil sa na-expose ang Asia's Songbird sa isang COVID positive.
Ani Ogie, “Hindi ko ma-describe yung stress level dito sa bahay, ‘no? It was up there in terms of stress level.
“But the good thing about it is that, dahil we follow the safety protocols, hindi nag-worsen ang situation. Ganun talaga ang takbo, ‘no?”
Kaya dito saVirtually Yours, Kilabotitos, iti-tape na nila ang buong concert sa Music Museum bago mag-March 26 para matiyak na maayos ang quality nito, at safe din ang lahat.
“We have to make sure this doesn’t happen to us. Kasi, hindi lang health implications, meron ding financial implications,” pakli ni Ogie.
“So, we’ve been briefed by our health officer. We had a meeting a few days ago. Sinabi niya sa amin kung ano ang dapat gawin.
“Those only to be swabbed… we will have specific swabbing centers which they have to follow.
“Ka-meeting din namin yung venue so that everybody is safe. We’re just making sure that we follow all these safety protocols,” dagdag niyang pahayag.
Mabuti na ring ma-tape ang buong concert dahil sakaling magkaproblema ang isa sa involved sa production, magagawan agad ng paraan at matitiyak ding maganda ang quality ng concert na mapapanood.
“Halimbawa, mag-live kami, 'tapos merong isang hindi pwede, ang hirap kaya nun.
"Better to do it days ahead so that everybody’s prepared health-wise and at the same time we deliver a quality show ang video and audio.
“Kasi siyempre, yun ang experience na gusto ng audience natin, maganda ang video nila, maganda ang audio nila,” sabi pa ni Ogie.
Sa mga interesadong bumili ng ticket ng Virtually yours, Kilabotitos, pwede nang bumili sa KTX.Ph.
Sa mga tito at tita na nahihirapang bumili online, pwede silang tumawag sa A Team para tulungan silang mag-purchase. Pwedeng tumawag sa mobile number 09271277356.
JERRY OLEA
Marso 20 at 21, 2020 sana gaganapin ang Kilabotitos concert nina Ogie at Ian sa New Frontier Theater, Araneta City, Quezon City.
Isa ito sa mga unang casualty ng community quarantine na nag-umpisa noong Marso 15, 2020.
Mabuti naman at matutuloy na ang Kilabotitos after one year... isang linggo bago mag-Biyernes Santo.
Sa Marso 28 kasi ay Palm Sunday na. Bakit kaya iyon ang napiling petsa ng Virtually Yours, Kilabotitos?
Mas okey sana kung Easter Sunday presentation iyon, di ba?
NOEL FERRER
Ay! Prelude to the Holy Week vacation pala yun?
Nakaplano ko nang panoorin sila noon, at guest pa nga sana si Odette Quesada sa concert nila. Sayang at na-COVID.
Aabangan ko pa rin sina Ogie at Ian kahit virtual concert ang Kilabotitos dahil siguradong nakakakalma ang musika nila habang aligaga tayo sa mga bakuna, na ewan kung nakapagpaturok na tayo by that time!
