JERRY OLEA
Lubos ang pag-aalala ni Vice Governor Imelda Papin para sa mga nasasakupan niya sa Camarines Sur.
“Naku, grabe! Ngayon, tinatamaan namin kami ng bagyong Ulysses!” sambit ni La Papin nang kumustahin namin sa kanya ang Bicol region.
Nakausap namin ang legendary singer nitong Nobyembre 10, Sabado ng gabi, sa INC Museum, Quezon City.
“Grabe! Bumalik lang ako, kumukuha ng ayuda.”
Sinu-sino ang tumutulong para sa mga nasalanta ng super-bagyong Rolly sa CamSur?
“Maraming kaibigan kaming tumutulong. Ang naano sa amin, affected masyado, iyong mga nandoon sa coastal areas. Iyong malapit sa dagat,” lahad ni Imelda.
Ano ang paghahanda nila sa pagdating ng bagong bagyo?
“We’re always prepared actually,” malumanay na tugon ni Imelda.
“Iyong mga ayuda ng province, of course, inaaprubahan agad namin iyan sa sangguniang panlalawigan.
“Para mai-release agad. The moment na ano... kasi, handa na kami niyan, naka-pack na kami niyan.
"'Tapos, the moment na na-hit kami ng typhoon, the day after or two, bigay na agad."
May fundraising drive si Imelda, pero iyong mga kaibigan lang niya ang nilalapitan niya.
Siya pa rin ba ang presidente ng Actors’ Guild (Kapisanan ng mga Aktor ng Pelikulang Pilipino)? O ipinaubaya na niya iyon sa VP na si Amay Bisaya?
“Ay! Hindi! Ako pa rin!” mabilis na tugon ni Imelda.
Paano ang mga maliliit na artistang lumalapit sa kanya para humingi ng tulong ngayong panahon ng pandemya? Lalo pa’t karamihan ay ilan buwan nang walang trabaho.
“E, siyempre, from the heart na lang,” saad ni Imelda.
“Pag lumalapit, siyempre hindi pupuwedeng hindi mo naman aabutan kahit papaano. Kasi, lahat naman, affected, e.
“Andaming walang kuryente. Walang pagkain. Andaming gano’n.
“And actually, ang Actors’ Guild, we’ve been giving support. Hindi naman nalalahat, ‘no? Pero andami na naming ni-release.
“Salamat na lang din, nakakuha ako ng ayuda mula sa DSWD. 'Tapos, nakakuha rin ako ng tulong kina Senator Bong Revilla at Senator Lito Lapid. Andami namang tumulong.”
Anong masasabi niya sa itinayong grupo na AKTOR (League of Filipino Actors) na pinamumunuan ni Dingdong Dantes, at hiwalay sa Actors’ Guild?
“OK lang. OK lang ‘yon. Wine-welcome naman namin lahat. Marami namang grupong gusto na ano, OK lang iyan.”
Walang problema o conflict?
“No. None at all. Kasi, mga miyembro rin ng Actors’ Guild sila, e.”
Isa si Imelda sa judges ng singing competition sa programang Tagisan ng Galing (TNG) Part 2, na palabas tuwing Sabado at Linggo, 12:00 noon at 9:00 p.m. sa Net 25.
Nag-mini concert si Imelda at ang kapwa judges doon na sina Vina Morales, Marco Sison, at Marcelito Pomoy sa media launch ng romantic series na Ang Daigdig Ko’y Ikaw.
GORGY RULA
As we write this, hinahagupit na ng bagyong Ulysses ang Catanduanes, at pati na rin ang CamSur.
Nang sandaling nakausap namin si Vice Governor Papin sa DZRH noong Martes ng gabi, November 10, natatakot daw siya sa paparating na bagyong Ulysses, kaya sinimulan na nilang ilikas ang mga nakatira sa coastal area.
Nagpapasalamat siya’t tuluy-tuloy pa rin ang pagdating ng tulong sa mga kababayan niya sa CamSur. Nakakatuwa na kahit sa gitna ng pandemya ay marami pa rin ang mga nagpapadala ng tulong.
Pero bakit sa Catanduanes, may mga nabibigyan pa rin ng mga nasisira nang bigas? Bakit hindi pa rin nawawala ang mga nagsasamantala?
Kota Kinabalu as in quota na tayo sa mga sakuna ngayong 2020, meron pa rin talagang gustong pagkakakitaan ito. Nakakalungkot.
NOEL FERRER
Paano yun, naka-Zoom ba si Imelda Papin sa pagdya-judge niya sa Tagisan Ng Galing sa Net 25 or sa studio pa rin?
Kasi, sa mga panahong binabayo na ang probinsyang sinasakupan mo, magandang makita kung ano ang priority ng isang public servant na tulad niya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
