GORGY RULA
Kasama si Glaiza de Castro sa naki-celebrate sa kaarawan ng best friend niyang si Angelica Panganiban noong nakaraang linggo.
Nag-34th birthday si Angelica noong November 4, 2020.
Iyon pa ang panahong pinuputakti ng bashers si Angelica dahil sa kanyang tweet na, “Ano ng plano? Tulog na lang? Kilos kilos naman para sa sinumpaan sa bayan at mga Pilipino,” habang nananalanta ang Super Typhoon Rolly noong November 1.
Nandoon lang daw si Glaiza para mag-celebrate sa kaarawan ni Angelica, pero pagdating sa pag-react sa mga bashing sa Kapamilya actress, hindi siya yung tipong susulsulan pa o dadagdagan ang galit.
Pero nakikita niyang naapektuhan si Angelica sa mga pambabatikos dahil hindi naman totoo ang mga ibinibintang dito.
At kahit napapanahon ang tweet nito, umabot sa personalan ang pambabatikos ng mga DDS o Diehard Duterte Supporters.
Ang sabi ni Glaiza, "Meron kasi ang iba na sobra na, ang foul na. Ilang beses na siyang nasasaktan na hindi ko rin maintindihan kung bakit niya naranasan iyan.
“May mga times na hindi ko kayang mag-comfort. Hindi rin kasi ako affectionate.
“Ang paraan ko kapag nalulungkot siya, 'Tara, paraglide tayo,' iniiba ko na lang,” saad ni Glaiza nang nakatsikahan namin sa radio program namin sa DZRH noong Biyernes, November 6.
Kaya minsan ay pinapayuhan na lang niya si Angge, ang palayaw ni Angelica, na magpahinga muna sa mga ipinu-post sa social media.
“Nakakalungkot po, kasi… alam mo kung anong klaseng tao siya. Hindi mo rin kasi mako-control kung ano ang sasabihin ng ibang tao.
“So, ang sabi ko kay Angge, ‘Tigil-tigilan mo muna iyong social media. Anuhin mo muna, labas ka muna diyan.’
"Hindi mo kasi madi-defend sa kanila ang sarili mo nang buung-buo, e.
"Saka sabihin nila, freedom of speech. E, opinyon nila iyon, e. Very subjective naman ang mga opinions, e.
"Lahat, may sariling katotohanan, e, anong depensa mo dun?" dagdag na pahayag ni Glaiza.
JERRY OLEA
Nag-umpisa ang streaming ng animated movie na Hayop Ka! (The Nimfa Dimaano Story) noong Oktubre 29, Huwebes, sa Netflix.
Bale birthday presentation ito ni Angelica, na siyang nagboses kay Nimfa.
Sa mga nangyari, puwedeng sabihan niya ang mga nang-aano sa kanya ng, “Hayop ka!”
Bawat aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon.
Matapos magpasaring kay Rody noong kasagsagan ni Rolly, handa na dapat si Angelica sa mga hagupit at hambalos ng haters.
Hayun, nahalukay ang mga walang hanggang isyu sa kanya. Mabuti na lang, andiyan ang mga kaibigan niyang katulad ni Glaiza na karamay sa mga ganitong pagkakataon.
NOEL FERRER
Si birthday girl Angelica Panganiban ay may online show na Ask Angelica, at naging star-studded ang kanyang celebration with the presence and wishes of the Kapamilya top bosses.
That is a testament to Angelica’s loyalty at husay sa pakikisama.
May common wish ang mga nagmamahal kay Angge—ang makahanap na siya ng lalaking deserving ng kanyang loyal at malalim na pagmamahal.
Pasasaan ba’t darating din iyon.
Nakakatuwa lang si Glaiza at nandoon siya at nakasuporta kay Angge.
At productive din si Glaiza kahit pandemic, ha. Alam ko na may natapos iyang magandang pelikula habang naka-lockdown.
And both Angge and Glaiza are also doing their share in helping their fellow actors na itaguyod ang grupo nilang AKTOR, kaya kapit-bisig lagi!!!
