JERRY OLEA
"Muli po, ang pagpapasalamat ng Dos por Dos sa umampon, kumupkop po sa amin dito sa pangasiwaan ng DZRH..."
Madamdaming pahayag iyan ni Gerry Baja sa pagtatapos ng unang hagupit ng radio program nila ni Anthony Taberna na Dos por Dos sa DZRH nitong Agosto 31, Lunes, mula 5:00-6:30 p.m.
Pagpapatuloy ni Gerry, "Pero bagamat kami po ay naliligayahan, mga kapamilya, kapuso, kapatid, kabarkada, e, ramdam din namin ang lungkot lalo na sa libu-libong mga kapamilya natin—mga dating empleyado ng ABS-CBN—na simula din po sa araw na ito, ay matitigil na rin ang kanilang trabaho.
"Ang Dos por Dos, simula sa araw na ito, nagkaroon ng bagong tahanan.
"Pero marami po tayong mga kapamilya sa ABS-CBN ang simula sa araw na ito ay mawawalan ng tahanan.
"Ang amin pong panalangin para sa ating mga kapamilya, combachero, na sana’y malagpasan nila itong pagsubok na ito..."

Lunes hanggang Biyernes ang paghataw at pagbanat ng tandem nina Gerry at Ka Tunying sa DZRH.
Sa kanilang pag-uumpisa sa bagong tahanan ay merong pa-cake, pa-tinapay, at pa-dinner para sa mga bago nilang katrabaho.
Bongga ang commercial load ng kanilang programa kaya medyo bitin ang kanilang talastasan at balitaktakan.
Umabot sa 3,700 ang audience nila sa Facebook live streaming.

GORGY RULA
Tuwang-tuwa nga kaming mga taga-DZRH sa pagsisimula ng kanilang programa.
Ramdam na ramdam ang paghambalos ng Dos por Dos kung saan may pasabog agad silang balita tungkol sa isang taga-Fire Department na nagpa-despedida party noong Agosto 21 sa Batangas City.
Napag-alamang hindi man lang na-practice ang safety protocols dahil nagkakasiyahan sila nang walang suot na face mask, walang face shield, at walang physical distancing.
Natutuwa ang sikat na tandem dahil pati ang ilang taga-ibang istasyon ay nagpaparating ng mensahe sa kanilang nagku-congratulate sa kanilang pagbabalik sa ere.
Dagdag na tuwa sa kanila na nagsunuran daw ang supporters sa pakikinig sa kanila, at sinabing tama ang desisyon nilang paglipat sa kauna-unahang radyo sa Pilipinas.
Ang latest na umuugong ay meron pa raw isang malaking radio-TV personality ang posibleng sumunod sa kanila sa DZRH.
Pero haka-haka pa lang ito at wala pang kumpirmasyon mula sa magkabilang kampo, na kahit ang karamihang taga-DZRH ay wala pang alam tungkol dito.
Hindi malayong DZRH ang piliin nitong radio-TV personality dahil marami siyang kaibigan sa local radio station na nag-umpisa noong 1939.
Abangan na lang natin!
NOEL FERRER
Bravo, Anthony at Gerry!
Nandoon ang suporta ng marami sa kanilang lipat-bahay.
Kanina, narinig din natin ang madamdaming pagpapaalam ni Ted Failon with DJ ChaCha na magti-TV5 naman.
Susuportahan natin itong bagong buhay ng mga kapatid natin sa industry na hindi deserve ang kanilang sinapit sa shutdown ng ABS -CBN.
Tuloy ang buhay. Tuloy ang tulungan. Dahil sa huli’t huli, mukhang tayu-tayo lang ang gagawa niyan.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
