GORGY RULA
Kagaya ng ibang COVID-19 survivors, nakaranas din ng diskriminasyon ang komedyanteng si Donita Nose mula sa kanyang mga kapitbahay pagkatapos niyang lumabas ng hospital.
“Hindi mo talaga maiwasang ma-discriminate pag COVID patient ka. May iba talagang mga tao na hindi malawak ang pang-unawa sa sakit na ‘to.
“Ang sakit na to, hindi siya nakakadiri. Talagang eto… pandemya ‘to, e. Lahat, puwedeng tamaan.
"Artista ka, pulitiko, lahat, mayaman, mahirap, talagang tatamaan,” pakli ni Donita Nose nang nakapanayam namin sa DZRH noong Biyernes, August 14 ng gabi.
Mula nang ipinasok siya sa St. Luke’s Medical Center Global City, kung saan sinundo pa siya ng ambulansiya sa kanyang bahay, alam ni Donita na pinag-uusapan na siya.
Naglabasan daw kasi ang mga kapitbahay sa tinitirhan nila sa Makati na parang shooting lang.
“Hindi man sila magsalita, mararamdaman mo sa kanila na... ‘Ay! Ano ba ‘yan?!’ May ganun,” dagdag niyang pahayag.
Pag-uwi ni Donita pagkatapos ma-discharge sa hospital, ramdam niyang tila nandidiri sa kanya ang ilang kapitbahay.
Sabi niya, “May ibang kapitbahay na nagtatanong, ‘Ay! Nandiyan na ba siya?’
"Siyempre, lumabas na ako. Kaya nga ako lumabas, kasi magaling na ako, di ba?
“Tapos, nagtatanong sila, ‘Nandiyan na ba? Paano ‘yan? Baka delikado?’
“Diyos ko, Lord! Lahat ng tao, puwedeng gumaling. Pag gumaling ka, ibig sabihin, wala ka nang sakit.
"Kaya pinalabas na ako, kasi tingin ng doktor, okay na ako. Hindi ako pauuwiin ng doktor kung hindi pa ako magaling o delikado pa ako.”
Kaya ang mensahe ni Donita sa mga kapitbahay niya: “Ulitin ko po sa inyong lahat. Pinalabas po ako ng doktor, pinagaling po nila ako. Nakumpleto ko po ang dapat i-quarantine. Sobra-sobra pa.
“Wala na po akong ubo, walang sipon, walang lagnat, hindi nagtatae, hindi masakit ang ulo ko, hindi nawala ang pang-amoy ko ngayon. Kumpleto po ako umuwi ngayon.
"So, ibig sabihin po, magaling na po ako. So, please lamang po, huwag niyo po ako pandirihan, at hindi na po ako delikado. Okay?
“Ang delikado po, yung lumalabas kayo na wala po kayong mask, walang face shield, at nakikipag-usap nang malapitan sa tao. Iyon po ang delikado.
"Pero sa akin po, hindi na po talaga."
JERRY OLEA
Hindi maialis ang takot o paranoia ng neighbors ni Donita Nose dahil parami nang parami ang nahahawaan.
Kaya naunawaan natin kung bakit itinago ng isang kilalang aktor ang pagkakaroon ng COVID-19, at minabuting nakakulong lang siya sa kanyang tahanan.
Napabalitang may mga bakuna na kontra COVID-19. Magpapaturok ba si Donita ng vaccine kung sakali?
“'Yang vaccine na ‘yan, alam ko, importante ‘yan,” sabi niya. "Pero sa akin kasi, mas magpapa-inject po ako ng hormones ngayon. Mas importante po sa akin ‘yan.
“Para mas magmukha po akong babae. Hormones po ang kailangan ko!”
NOEL FERRER
Tulad ng lagi mong ipinaalala sa amin, Tito Gorgy, palakasin ang immune system para anuman ang mangyari, iyan ang pinakamabisang panlaban sa COVID-19.
Kaugnay nito, malaking bagay yung pagiging positibo ni Donita Nose kaya siya gumaling. Hindi niya inisip na matetegi siya.
Sabi niya, “Never ko naman talaga siyang tinanggap at hindi ko talaga ipinasok sa utak ko na katapusan ko na ‘to.
“Alam ko sa sarili ko na gagaling ako, e. Yung tipong kahit mataas ang lagnat ko, lagnat lang ‘yan, mawawala rin ‘yan.
“Kaya sabi ko sa sarili ko, hindi ako mag-oxygen, kasi alam ko na kaya ko ‘to. Kasi, kapag mag-oxygen ka na, feeling ko, susunod na dun yung tubo. So, sabi ko... 'Ay! Kaya ko ‘to.'”
Tingin ni Donita, kaya siya tinamaan nang husto ay dahil nag-diet siya. Kaya dapat daw, huwag munang mag-diet-diet.
“Hangga’t maaari, huwag na lang muna. Kasi, kailangan ng katawan natin ng pagkain para lumakas tayo.
“Kaya feeling ko talaga, dumikit sa akin nang bongga.”
At katulad ng mga nalampasan ang COVID, looking forward tayo sa pagdo-donate niya ng plasma para makadugtong pa rin ng buhay sa mga taong nangangailangan.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
