GORGY RULA
Noong Agosto 11, Martes ng gabi, sumugod sa Wil Tower ang ilang jeepney drivers na umaasang makakakuha sila ng ayuda mula kay Willie Revillame.
Nilinaw ng host ng Wowowin: Tutok to Win na ang LTFRB ang nag-aayos ng pagbibigay ng ayuda mula sa limang milyong pisong (P5M) donasyon niya para sa jeepney drivers.
Pahayag ni Willie sa Wowowin nitong August 12, Miyerkules, “Maraming salamat sa LTFRB ho, at siyempre ho pinaunlakan niyo ang tanong namin.
“In fairness po sa ating gobyerno, ayaw nilang humawak ng pera.
“So, kami na ho, at ang aming lawyers po at ang LTFRB po ang nag-aayos po kung saan niyo po kukunin.
“Para sa inyo po ‘yan. Huwag kayong mag-aalala. Wala ho kayong makukuha dito [sa Wil Tower].
“May mga jeepney drivers na nagpunta rito sa Wil Tower kagabi, kahapon... huwag ho. Hindi niyo makikita rito ‘yan. Sa tamang mga tao po.”
Ang pera ay mula sa limang milyong pisong ipinangako ng TV host sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes, Agosto 7.
Nangako siyang magbibigay ng karagdagang limang milyong piso sa susunod na buwan.
Tinapos na rin ni Willie ang isyu nila ng Rappler writer na si Pia Ranada. Wala raw siyang sama ng loob.
“Trabaho nila yun, e. Okay na yun. Huwag niyo na siyang i-bash,” sabi ni Willie.
Inimbita pa niya si Pia kung gusto nitong mag-guest sa kanyang programa.
Nagpasalamat si Willie sa lahat na mga nagsulat at ipinagtanggol siya. Binanggit niya si Cristy Fermin, ang ilang reporters, pati ang isang blogger.
Samantala, nagbigay ng mensahe si Willie sa pamilya ng apat na Pinoy na pumanaw sa nangyaring malaking pagsabog sa Beirut, Lebanon, noong Agosto 4, Martes.
Bukas o sa Biyernes ay tatawagan daw niya ang pamilya ng apat na nasawi sa Beirut para ayusin ang ipagkakaloob niyang tig-100 thousand pesos.
Muli ay nagparating siya ng mensaheng huwag nang pansinin ang mga kanegahan. Kung babatuhin daw siya ng mga negatibong pahayag, pagmamahal ang ibabalik niya.
“Huwag na nating tarayan ang kahit isa. Mahirap na ang buhay, kung anu-ano pa ang ginagawa natin. Makinig na lang ho muna tayo, para sa atin naman ito.
“Tandaan niyo ho, kayo ang bida dito,” nakangiting pahayag ni Willie Revillame.
NOEL FERRER
Yung ginagawa ni Willie na pagbibigay ng tulong ay TULONG. Hindi niya obligasyon, kaya maipagkakapuring inisyatibo ito ng private individual.
Pero dapat nating patuloy na panagutin ang mga lider nating dapat nagbibigay ng ayuda sa atin.
Kung yung mga nawaldas na PhilHealth funds, o iyung ilang milyong worth na kaldero noong SEA Games ay puwedeng ma-transform bilang ayuda sa ating mga mahihirap...
Paano, Pilipinas nating mahal? Kaya pa ba?
JERRY OLEA
Nakaka-hijack ba o nakaka-high blood kung magdu-dwell pa tayo sa mga isyung negatron?
Matamis ang ngiti ni Willie nang tapusin niya ang isyu sa kanila ni Pia, at nakakatuwa kung mag-guest si Pia sa Wowowin para mapatunayang wala nang gusot sa kanilang pagitan.
Tanyag si Willie sa kanyang generosity bago pa lumaganap ang pandemya, kaya mula noon hanggang ngayon ay lodi siya ng madla.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
