JERRY OLEA
Tinagurian si Coco Martin bilang Primetime King at Hari ng Telebisyon sa pamamayagpag ng teleserye niyang FPJ’s Ang Probinsyano.
Sa pagsasara ng kanyang “kaharian” nitong Mayo 5, Martes ng 7:52 P.M., saan pupulutin si Cardo Dalisay?
Isinusulong ni Senador Bong Go ang programang “Balik Probinsya” para ma-decongest ang Metro Manila.
Si Senador Bong Go rin kaya ang susi o tulay para “Ibalik Ang Probinsyano” sa ere?
Kung si Coco ang hari ng Kapamilya Network, ang reyna ay si Vice Ganda na araw-araw napapanood sa telebisyon.
Kay Coco ang gabi, kay Vice ang tanghali.
Nagtapos na ang Gandang Gabi, Vice.
May kapalit naman agad ito, ang singing game show na Everybody, Sing!.
Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic, naudlot ang pagpapalabas ng bagong Sunday night show ni Vice.
Ang Mayo 5 ng gabi para sa mga masusugid na Kapamilya... Everybody, Cry!
Patok na patok ang novelty song ni Vice Ganda na "Corona Ba Bye Na," na nag-premiere sa Pantawid Ng Pag-ibig concert noong Marso 22.
Sa eponymous YouTube channel pa lang ni Vice, 4M views na ang music video nito.
Iyong “Ba Bye Na” ay nagpahiwatig ba ng pagsasara ng ABS-CBN?
Tweets ni Vice pagka-shutdown ng kanyang mother studio:
“Lord God I believe in you and your power. Alam ko pong nakikita nyo ang lahat. Kayo na po ang bahala sa amin at sa kanila."
“Di lang ang network at ang mga empleyado ang kawawa kundi ang buong bansa at lahat ng Pilipinong napagkaitan ng kailangang kailangang serbisyo sa oras na ito ng pandemya.
"ANG LUPIT!”
Noong Nobyembre 2019, nag-claim si Pastor Apollo Quiboloy na ipinatigil niya ang lindol sa Mindanao.
Naging synonymous tuloy ang Quiboloy sa “Stop.”
Pahayag ni Vice Ganda sa It’s Showtime noong Nobyembre 5, “Naku, kabahan si Cardo!
"Ang pinakakalaban ni Cardo, ang feeling ko, si Quiboloy. Yung nagpahinto ng lindol.
"Si Quiboloy lang ang magpapahinto ng Ang Probinsyano, abangan niyo ‘yan.
“So, ano, Quiboloy, hinahamon kita, ipahinto mo nga ang Probinsyano. Napahinto mo pala ang lindol, e.
"Napakayabang niyo pala!"
Hinamon din ni Vice si Pastor Quiboloy na ipatigil ang traffic sa EDSA.
Nobyembre 7 sumagot si Pastor Quiboloy, “Bakit naman dumating tayo diyan, parang lindol lang yung pina-stop ko, e. Dumating pa yung challenge na ipa-stop ko daw ‘yung Probinsyano o kaya ‘yung sa EDSA.
“Kailan mo ba gustong mapa-stop ang Ang Probinsyano? Ikaw, magpili ka, kelan mo ba gustong mai-stop?
"Isang buwan? Dalawang buwan? Tatlong buwan? Apat na buwan? Ikaw, pili ka.
“Baka sa apat na buwan, hindi lang yung Probinsyano ang mai-stop, baka pati yung network mo, stop na ‘yan.”
Nobyembre 5 hinamon ni Vice Ganda si Pastor Quiboloy.
Pagkalipas ng anim na buwan, Mayo 5, nagsara ang ABS-CBN.
Bilib na kaya si Vice Ganda sa "power" ni Pastor Quiboloy?
NOEL FERRER
Maling-mali! Kahit saan mo tingnan, may mali talaga!
Ngayong Mayo 6, Miyerkules, laman tayo ng headlines sa buong mundo—na ang gobyerno natin ay nagpasara ng pinakamalaking media establishment sa panahon ng pandemic.
Ngayong tahimik sa ere ang ABS-CBN, magandang isipin ng mga tao, kung nagawa ito sa isang malaking network with the pinakamaningning na mga bituin, paano pa kaya ang maliliit na mga tao?
Maganda ang post ni Karen Davila: “Ang kalaban natin ay ang virus, hindi ang ABS-CBN.”
Alam na natin kung saan at ano ang prayoridad ng ating mga leader!
GORGY RULA
May mga bagay talagang hindi natin maintindihan kung bakit nangyayari.
Tanging ang Diyos lang ang nakakaalam kung bakit nangyayari ito lahat.
Sa gitna ng pandemyang ito, nangingibabaw ang galit, pagkadismaya, sisi, nagtuturuan, kalungkutan.
Pansamantalang nag-shut off ang ABS-CBN dahil kailangan sigurong mamayani muna ang katahimikan.
Para sa akin, mas mabuti sigurong manahimik muna tayo at hayaang ang Maykapal ang kumilos sa kung ano ang nararapat.
Kaya lagi kong sinasabi sa mga kaibigan kong taga-ABS CBN, isa ako sa nakikidasal sa kanila na malagpasan nila ito, manaig ang tama para sa ikabubuti ng mas nakararami.
Patuloy lang sa pagdarasal na mamayani ang kapayapaan at pagmamahalan.
Yung wala muna tayong maririnig na mura o sisi dahil sa matinding galit.
Pairalin muna ang payapang puso.
