GORGY RULA
Isa si Sharon Cuneta sa mga dumalo sa celebrity premiere ng pelikulang Mindanao nitong December 9, Lunes, sa Podium, Mandaluyong City.
Magkatabi sila ng bida ng pelikula na si Judy Ann Santos na nanood.
Tawang-tawa si Juday dahil pagkatapos ng screening, nakatambak na ang tissue sa may upuan ng Megastar.
Iyak lang nang iyak si Sharon habang pinapanood ang pelikula.
Bulalas ni Sharon nang hiningan namin ng reaksiyon tungkol sa pelikula, “Mag-a-apply na ako kay Direk Brillante.
"Sana kunin naman niya ako, kahit mag-audition pa ako.”
Pagpasok ni Direk Brillante sa loob ng sinehan, ipinakilala ni Juday si Sharon sa direktor. Parang may ibinulong ang Megastar kay Direk Brillante.
Narinig ko lang na sinabi ni Sharon na willing siyang mag-audition at kahit daw bagsak-presyo.
Tuwang-tuwa naman si Juday sa magandang feedback sa pelikula niya.
Lalo raw siyang kinabahan nang nakita niyang nanood ang mga kasamahan sa industriya at maganda ang kanilang reaksiyon.
“Mas kinabahan ako tonight, kasi ang daming mga batikang artistang nanood. Mga sa teatro, mga director.
"Ang dami naming support na nakuha tonight from the different parts of the industry, from theater to film, lahat.
“Nakaka-overwhelm, nakakataba ng puso. Sapat na sa akin ito.
"Parang konti na lang, maha-heart attack na ako!” natatawa niyang pahayag.
“Sana ma-appreciate nila yung ginawang istorya ni Direk Brillante on how he properly and perfectly told the story sa mga ipinaglalaban ng mga kapatid nating Muslim, kung paano ang mga pinagdadaanan nila.
“It’s not just for the Mindanao team, e, it’s for the Philippines.
“Sana ma-appreciate.
"Kung hindi man, masaya pa rin ako dahil nakangiti ang puso ko, araw-araw, gabi-gabi, na alam ko nakagawa ako ng isang pelikulang napakamakabuluhan. At sapat na ako dun.
“Nakita ko naman na halos isang kilong tissue ni Ate Sharon, okay na.
"Wala na akong hahanapin pa," dagdag niyang pahayag.
NOEL FERRER
As I have always said, Mindanao showcased Juday at her best!
Kaya I appreciate Sharon’s openness to do these brave projects at this stage of her life and her career. Sana nga, mangyari ito!
Somehow, darating talaga sa iyo ang pagnanais gumawa hindi lang yung kikita ka ng limpak-limpak na salapi, kundi “legacy” na yung ambag mo sa pagpapaangat sa kamalayan at kahusayan ng sining na kinakatawan mo!
Suportahan natin sina Shawie at Juday sa adhikain nilang ito... lampas sa sariling kapakanan!
JERRY OLEA
Mahabang proseso ang pinagdaanan bago nagkatrabaho sina Juday at Direk Brillante sa pelikulang Mindanao.
Sinabihan ni Direk Brillante si Juday, “Sana pag nagkatrabaho tayo ay wala kang ibang gagawin. Iyong dalawang linggo o 15 days na nakatutok ka lang sa project.”
Ginawa iyon ni Juday.
Presto! Naging best actress siya sa 41st Cairo International Film Festival (CIFF) sa Egypt.
“Maganda sa kanya, nakikinig siya.
"Madali siyang turuan, kasi hindi na siya kailangang idirek,” lahad ni Direk Brillante bago ang press preview ng Mindanao.
“Sobrang galing niya. Kailangan lang, i-guide siya.
"Kasi, ang maganda sa kanya, parang si Ate Guy rin, ‘no? Umaarte, nasa puso.
“Nasa puso. Mas niraramdam nila iyong character nila, kaysa doon sa performance, ‘no?”
Si Ate Guy o Nora Aunor ang unang Pinay na nag-best actress sa CIFF para sa The Flor Contemplacion Story (1995) na idinirek ni Joel Lamangan.
Kasama sina Juday at Nora (Thy Womb) sa mga aktres na nagwagi ng best actress award sa international filmfests para sa pelikulang idinirek ni Brillante.
Ang iba pa ay sina Jaclyn Jose (Ma’ Rosa), Cherry Pie Picache (Foster Child at Kaleldo), Anita Linda (Lola), Rustica Carpio (Lola), at Gina Pareño (Serbis).
After Mindanao, magpo-focus muna si Direk Brillante sa pelikulang Resbak na tatampukan nina Vince Rillon, Albie Casiño, at Nash Aguas.
“Isa itong maliit na project na tungkol sa mga kabataan, tungkol sa rap,” sabi ni Direk Brillante.
After this ay haharapin ni Direk Brillante ang pelikulang Bangsa Moro, na tampok sina Piolo Pascual, Rocco Nacino, Baron Geisler, Laurice Guillen, Marvin Agustin, at Cesar Montano.
Si Vilma Santos, ididirek din ba niya?
Napangiti si Direk Brillante, “Si Ate Vi, nag-text, dapat andito nga siya. Kaso, may session daw ngayon, Monday.
“Si Ate Guy, nasa Bicol naman ngayon.
"Si Ate Vi, merong session. Kasi, Monday ngayon.
"Pero kinongratyuleyt nila pareho si Judy Ann."
Nagkausap na sina Vilma at Direk Brillante sa pelikulang puwede nilang pagsamahan. Kaso, hectic ang schedule ni Ate Vi.
“Siyempre, iba na ang priorities ni Ate Vi, di ba?
"Politician na siya. Iyon ang priority niya,” saad ni Direk Brillante.
“Gusto niyang magkatrabaho kami. Ayaw lang niyang magtrabaho kami na half-hearted o hindi talaga nakabuhos ang concentration niya.”
May naisip na siyang film project para kay Ate Vi?
“Iba-iba. Kasi, nag-e-evolve na rin, e.”
Gusto ring idirek ni Direk Brillante si Sharon Cuneta.
“Lahat sila, mga icon. Ang laki ng nai-contribute nila sa industry.
"From Sharon, even the young actors now, sobrang interesting talaga na makatrabaho sila,” pahayag ng multi-awarded director.
“Kung meron nga lang sana akong project para sa kanilang lahat, e.
"Pero siyempre, katulad ni Judy Ann, it took some time, ‘no?
“Tito Alfie [Lorenzo] pa iyong usapan namin, noong buhay pa siya.
"Bata pa si Judy Ann noon, parang walang project na nababagay.
“So, ayan, dumating... Si Cherry Pie noon, magkakasunud-sunod.
"'Tapos, antagal bago dumating si Jaclyn. Pero noong dumating siya, best actress agad.
“Si Ate Guy, wala siya for a long time. Nang pumasok siya sa Thy Womb, puro best actress ang nakuha. Di ba?
"So, I think, it’s just a matter of timing.”
