Ang custody sa mga batang menor de edad ay nasa magulang pa rin kahit na nagtatrabaho ito sa ibang bansa at hindi kapiling ang mga anak.
Ito ang nilinaw ng Korte Suprema kaugnay ng kaso ng dating mag-asawang pinag-awayan ang kustodiya ng kanilang dalawang anak na minors.
Ito ay nasa sala ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez ng Supreme Court Second Division.
Nailathala ang kaso, na pinamagatang "SC: OFWs Do Not Lose Parental and Custody Rights over Their Children,” sa Supreme Court of the Philippines website nitong January 31, 2025.
Taong 2017 noong nagdesisyong maghiwalay ang mag-asawa matapos ang four-year marriage.
Nagkasundo silang magkaroon ng joint custody sa dalawang anak—na noon ay two at three years old ang mga edad—basta’t magbibigay ng financial support ang ama.
Noong naging OFW sa France ang ina, iniwan niya ang dalawang bata sa kanilang ama.
Natuklasan ng inang OFW na iniiwan ng dating mister ang kanilang mga anak sa ibang tao nang hindi man lang ipinapaalam sa inang OFW.
Kinuha ng ina ang dalawang anak at iniwan ito sa kanyang nanay o lola ng mga bata.
Gumawa ng notarized document ang inang OFW na nagsasabing ang kanilang lola ang magiging guardian ng mga bata habang nagtatrabaho siya abroad.
Nagsumite ng petisyong habeas corpus ang ama na gustong makuha ang custody sa dalawang bata.
Dagdag sa press release: “A habeas corpus petition in child custody cases is a legal action aimed at recovering a child who is believed to be unlawfully held by the other parent, a relative, or a guardian.”
Katuwiran ng ama, dahil “absent” ang ina, dapat ay nasa kanya ang kustodiya ng mga anak at hindi sa lola.
Read: How to open virtual Pag-IBIG account using loyalty card plus
SUPREME COURT DENIES FATHER'S PETITION
Ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) ang petisyon ng ama at ibinigay ang “exclusive parental authority and permanent custody” ng mga bata sa nanay.
Bakit sa inang nagtatrabaho sa ibang bansa ibinigay ang custody ng dalawang bata at hindi sa amang nasa Pilipinas?
“Under Article 220 of the Family Code, parental authority includes keeping the children in their company, supporting, educating, protecting them, and giving them love and affection,” ayon sa artikulo.
Dahil malayo ang ina, ipinagkaloob ng RTC sa lola ang pangangalaga sa mga bata. Binigyan naman ang ama ng visitation rights.
Ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang joint parental authority sa ama at sa ina, habang ang “sole custody” sa mga bata ay mananatili sa ina at ang “provisional custody” ay sa lola.
Kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng CA at sinabing hindi maaaring ituring na “absent” ang ina dahil siya ay isang OFW.
“Being an OFW does not strip a parent of their right to exercise parental authority or to have sole custody of their children,” ayon sa artikulo.
Binanggit din na ikukunsidera ang maraming factors para malaman kung ano ang makakabuti sa mga bata.
Tinukoy sa artikulo na kahit malayo ang ina, nasubaybayan niya ang paglaki ng mga bata, na ngayon ay edad 7 at 8.
“She monitored their activities and communicated with them through their home CCTV system. Additionally, she provided monthly financial support.
"Although this arrangement was not ideal, the children still received attention and care from both their mother and grandmother,” saad sa article.
Napag-alaman din ng Mataas na Hukuman na mas makakabuti na sa lola maiwan ang mga bata.
Natuklasang ang ama ay may mga bisyo, tulad ng pag-inom, paninigarilyo, at “history of violent behavior.”
Gaya ng naunang nabanggit, nananatili sa mga magulang ang parental authority kahit magkahiwalay sila.
Nakasaad kasi sa Family Code na kailangan ito para sa ikabubuti ng mga anak na minors.
Nabanggit sa press release na may visitation rights ang ama “but only under specific conditions.”
