Kamusta ang budget mo sa pagpasok ng 2025?
May natitira pa ba? May naitabi ka ba mula sa iyong 13th month pay at Christmas bonus?
Para sa mga ordinaryong Pilipino, malaking hamon ang pag-iipon lalo pa't maraming gastusin.
Pero hindi pa huli ang lahat para makapagsimulang magtabi ngayong 2025 para sa emergency fund.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, 25.6% lamang sa Filipino household ang may ipon mula October-December 2024, ulat ng One Balita ng News5, January 1, 2025.
Mas mababa ito sa 29% noong third quarter ng 2024.
Ginawa ang recent BSP survey sa 5,000 Filipino households.
Read: How to spot and avoid investment scams
WHY IT IS DIFFICULT TO SAVE UP
Sa interview ng One Balita, tinukoy ni Vince Rapisusa ang tatlong factors kung bakit hirap ang karaniwang Pinoy na magkaroong ng savings.
Si Vince ang president ng Social Enterprise Development Partnerships, Inc. o SEDPI, isang organization na ang focus ay microfinance, social entrepreneurship, at financial literacy.
Ani Vince, ang unang dahilan ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pangalawa raw ay ang mas mabagal na pagtaas ng suweldo o wages ng Filipino workers.
“Idagdag mo pa diyan ang sunud-sunod na emergencies na dumarating sa ating mga Pilipino—mga kalamidad at mga pagkakasakit,” hayag ni Vince.
Sa obserbasyon daw ni Vince, likas naman talaga sa Pinoy ang pagiging masinop sa pera.
Sabi niya, “Sa paglilibot ko sa Pilipinas ay mayroon naman talagang nakasanayang mga pag-iipon ang bawat mga regions natin. At iyan ay likas naman sa atin.
“Kaso lang talaga, dumarami ang challenges at tumataas ang mga bilihin kaya nahihirapan.”
Read: Five things you should never do with your money
PRIORITIZE EMERGENCY SAVINGS
Paliwanag ni Vince, ang prayoridad na dapat pag-ipunan ay ang emergency fund.
May tip din siya para maging puspusan ang pagnanais na makaipon.
“Pag tayo ay nag-iipon, mas maganda na magkaroon tayo ng malinaw na purpose,” payo ni Vince.
“Eto sana yung pinanggigigilan mo kasi yung pinanggigigilan mo na iyan, gagawin mo siyang motivation and inspiration mo para makapag-ipon.
“Pagkatapos ay simulan mo ito nang unti-unti. Hindi maganda na bibiglain mo yung sarili mo, kasi kailangan mo munang sanayin para maging habit yung pag-iipon.”

HOW TO DEAL WITH YOUR DEBT
Hindi inirerekomenda ni Vince ang pangungutang.
Paliwanag niya, “I-practice ang delayed gratification. Dapat yung mga ginagastos natin ay kinita na natin.
“Kapag kasi umuutang tayo, hindi pa natin kinikita yung pera, ginagastos na natin iyan.
Paano naman kung nais mong mag-ipon, pero may utang na dapat bayaran?
Sabi ni Vince, “Ang rule talaga diyan ay dapat pagsabayin natin ang pagbabayad ng utang at pag-iipon.
“Maganda rin na kausapin natin ang mga pinagkakautangan natin na ibaba ang interes, o kaya pagaanin yung mga terms and conditions.”
Giit niya, “Ang pinakamahalaga, iwasan natin na gawin na ang pambayad ng utang ay utang din. Kasi mata-trap tayo sa cycle of debt kapag iyan ang ginawa natin.”
LOOK FOR SIDE HUSTLES
Hinihikayat ni Vince ang paghahanap ng side hustles para kumita nang extra.
Mungkahi niya, “Kung ikaw ay may trabaho o gusto mo ng extra income, puwede kang humingi ng overtime o kaya extra work sa iyong employer para magkaroon ka ng karagdagang kita.
“Kung hindi ka naman mabigyan ay puwede kang gumawa ng sideline na kalinya ng ginagawa mo, basta walang conflict of interest sa pinagtatrabahuhan mo.”
Payo naman niya sa mga unemployed, “Pupuwede tayong magsimula ng maliit na negosyo para magkaroon tayo ng karagdagang kita.”
KEY TO BE FINANCIALLY STABLE THIS 2025
Hangad man natin ang makapag-ipon, ipinaalala ni Vince ang biggest investment sa lahat: ang ating sarili.
Sabi niya, “You have to invest in yourself this 2025. Itaas ang iyong kaalaman o kakayahan.
“Dagdagan ang mga kakilala para mas magkaroon ng oportunidad sa negosyo at may chance ka na ma promote sa trabaho."
Higit sa lahat, “Pangalagaan mo rin ang iyong katawan. Investment iyan kasi paano mo naman ma-e-enjoy yung pinaghirapan mo, ano, kung ikaw ay nagkakasakit?”

Pahabol niya pa, “Magbigay sa kawanggawa bilang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap natin.
“Huwag kalimutan ang pagyaman ay napag-aaralan at napagtutulungan.”
