Pangamba at sama ng loob ang naranasan ng ilang kliyenteng nakaranas ng pangha-harass mula sa online lenders ng mga online lending apps (OLA) na kanilang inutangan.
Ang online lending ay ang non-traditional na pangungutang na ginagawa ngayon via online.
Online nangyayari ang pangungutang na may patong na interes.
Sa recent report ni Mark Salazar sa 24 Oras, tinalakay niya ang dalawang kliyente ng online lending apps na nakaranas ng pangha-harass mula sa online lenders.
Dahil hindi nakabayad agad, ang isa ay pinadalhan ng korona ng patay, habang ang isa naman ay isang kabaong na ang ipinadala.
Kinumpirma pa ng isang kliyente na may pagbabantang ginawa sa kanya ang online lender.
Read: Bunga ng puno tumawid sa iyong bakuran, puwede mo ba pitasin?
KORONA NG PATAY at banta sa nangutang
Ayon sa isang female client, humiram siya ng PHP5,000 mula sa online lender, subalit PHP2,400 na lang ang nakuha niya sa dami ng kaltas.
Pumalya ang female client sa unang beses ng deadline ng pagbayad niya ng utang.
Inalok daw siya ng lender ng one week extension, pero may PHP2,000 fee. Hindi pumayag ang client.
May pagbabanta raw ang lender. Sabi raw nito sa nangutang, “Sige ha, ganyan… ang tigas ng mukha mo. Sige, hintayin mo ipapadala ko sa yo.”
Dumating daw ang korona ng patay sa lugar ng female client na hindi na nagpakilala.
Sabi ng client, “Talagang hindi ko na alam ang gagawin ko. Sobrang pinahiya ako sa amin. Hindi ko alam na ganyan ang mangyayari sa buhay ko.
“Napahiya po talaga ako. Parang kinikilabutan, hindi ko alam ang gagawin ko, umiiyak na lang ako.
“Pinagsisigawan pa kami through cellphone… 'kung gusto mo, isunod ko ataul mo,' sabi sa akin…”
Bukod sa iskandalo ay kinabahan ang client sa banta sa kanyang seguridad lalo pa at alam na kung saan siya nakatira.
Iniulat din ang sinapit ng isa pang client na ataul ang ipinadala sa kanyang address nang hindi makabayad agad.
Hindi na humarap ang client sa GMA interview, subalit tulad ang unang client, ang kuwento ay pareho: mabilisang pag-utang na may mataas na interes at maiksing panahon para magbayad.
Ang mga kumakagat daw sa ganitong online lending apps ay ang mga gipit.
Kaugnay nito, nagpayo ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na dapat lumutang ang mas marami pang biktima na nakaranas ng pangha-harass mula sa online lenders.
Sabi ni Police Lieutenant Michelle Sabino, spokesperson ng PNP-ACG: "Nagke-case build up tayo, tapos nagpa-file tayo sa court ng warrant.
“Kapag na issue ni court ang warrant, gumagawa tayo ng raid.”
Sinabi rin ni Sabino na kung mas maraming lulutang na biktima ay mas mapalalakas ang kaso.
ATTY DIOKNO ON ONLINE LENDING
Samantala, tinalakay ni Attorney Chel Diokno, isang educator at human rights advocate, ang isyung ito sa isang TikTok post.
Isang netizen ang humingi ng payo sa abogado dahil ang netizen ay nangutang via online lending app. Pero hindi pa ito nakakabayad nang buo.
Nakakatanggap daw ito ng threats mula sa online lender, tulad ng “may masama daw sila gagawin and popost daw nila info ko” kapag hindi nakabayad. Tatawagan din daw ang kanyang contacts.
“Puwedeng ireklamo ang mga abusadong OLA,” bungad ni Atty. Diokno.
Ang pagkuha raw ng iyong contacts at kung tine-text at tinatawagan ang mga ito ukol sa detalye ng iyong utang ay paglabag sa Data Privacy Act.
Maaari raw itong idulog at ireklamo sa National Privacy Commission:
Phone: (+632) 8234 2228
Email: complaints@privacy.gov.ph
Website: https://www.privacy.gov.ph/
Kung ang ginawa naman ng online lender ay nagkalat ng paninira sa social media, maaari raw itong ireklamo ng Cyber Libel.
Kung ito naman ay nagte-text o nagbabantang pananakit sa iyo at sa iyong pamilya, ito raw ay Grave Threats.
Maaari itong idulog sa PNP-ACG. Narito ang mga sumusunod na contact infos:
Phone: (+632) 998 598 8116; (+632) 8414-1560
Email: acg@pnp.gov.ph
E-Complaint: https;//acg.pnp.gov.ph/eComplaint
Website: http://acg.pnp.gov.ph.main/
Facebook: https/www.facebook.com/anticybercrimegroup
Puwede ring makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Divison:
Email: ccd@nbi.gov.ph
Website: https://www.nbi.gov.ph
Bukod sa possible criminal case, puwede rin itong ireklamo sa Securities and Exchange Commission (SEC) na siyang namamahala sa lisensiya ng mga OLA na ito.
“Ang ganyang gawain ay itinuturing na unfair debt collection practices,” ani Atty Diokno pagtukoy sa pangha-harass.
Kapag paulit-ulit daw na ginagawa ang ganitong gawain ay puwedeng tanggalan ng lisensiya ang nag-o-operate ng OLA.
Narito naman ang contact info ng SEC:
Phone: (+632) 8818-6047
Email: cgfd_md@sec.gov.ph/
Website: https://www.sec.gov.ph
Pagtatapos ni Atty Diokno: “Kung umutang, obligasyon naman talagang bayaran ito pero ang paraan ng paniningil dapat hindi rin abusado.”