Pinapahiran ng dugo ang mga tindang isda ng vendors sa General Santos City Central Public Market para magmukhang sariwa.
Ito ang nadiskubre ng grupo ng market inspectors sa GenSan nitong Lunes, May 15, 2023.
Sinuspinde agad ng inspectors' team, sa pangunguna ni Mudin Puyat, ang mga nahulihan ng plastic-plastic na dugo ng baboy. Ipinasara rin ang kanilang mga tindahan, ulat ng Rappler.
Anim na fish stalls sa palengke ang naipasara at mananatiling sarado habang gumugulong ang imbestigasyon.
Bukod sa banta sa food safety at public health, malaking issue rin ang paggamit ng dugo ng baboy sa Muslim community at ilan pang religious groups ng lungsod na hindi kumakain ng baboy, lalo na ng dugo nito.
Tinawag nila ang “malpractice” bilang “injustice” at “blatant disrecpect” sa kanilang religious faith.
Read also:
- VIRAL:Batuhan ng bangus sa Tarlac market, dulot ng dalawang fish vendors na nagkainitan
- Dambuhalang blue marlin na nahuli sa Cagayan, 210 kilos ang bigat!
- Papa Jack reveals rags-to-riches story: "Nagtitinda ako sa palengke, nagtatanim ako sa bukid, nag-aalaga ako ng mga baboy."
THE DANGERS OF USING PIG’S BLOOD ON FISH SLICES
Pero ano naman ang panganib na dulot ng paglalagay ng dugo ng baboy sa karne ng isda?
Base sa ilang pag-aaral, hindi ito ligtas dahil sa posibleng taglay nitong mikrobyo na maghahatid ng panganib, lalo na kung hindi mahuhugasan nang mabuti ang karne ng isda, tulad ng tuna na minsan ay kinakaing sariwa.
Bukod dito, kailangan ding siguruhin na ang baboy na pinanggalingan ng dugo ay na-inspeksyon bago katayin at walang anumang sakit.
Mahalaga ring malaman na ito ay galing sa bansang ligtas sa “classic swine fever.”
PIG’S BLOOD: NON-HALAL INGREDIENT
Samantala, itinuturing na forbidden o taboo ang pagkain ng baboy, lalo na ang dugo nito, para sa mga kapatid na Muslim.
Mayroong parehong paniniwala ang Jews at ilang religious groups.
Kaya’t hindi nakapagtatakang umani ng batikos ang pagkakadiskubre sa mga tinderong nagpapahid ng dugo ng baboy sa mga hiniwang karne ng isda upang magmukha itong sariwa.
Base sa census noong 2015, halos sampung porsiyento o 51,705 ng kabuuang bilang na 594,446 ng naninirahan sa GenSan ay sumusunod sa paniniwalang Islam.
Pahayag ni Ustadz Alnor Baghdad Mohammad Tan, ang alim o pinuno ng Mohammad Mosque sa Gensan, sa Rappler, “It is a blatant disrespect and injustice towards us, Muslims, and other religious groups that prohibit eating pork, especially pig’s blood. It is haram.”
Dahil dito ay hinihiling nilang magkaroon ng karampatang parusa ang panlolokong ginagawa ng mga tindero.
Kasabay nito ay ang petisyon ng National Commission on Muslim Filipinos o NCMF na magkaroon ng dedicated na area para sa mga halal foods sa mga palengke sa Gensan.
Ayon sa provincial director ng NCMF na si Aida Seddic, naiprisinta na ang parehong panukala sa nakaraang administrasyon ng siyudad, subalit hindi ito naipagpatuloy dahil sa mga “budgetary constraints.”
Pero dahil sa kasalukuyang sitwasyon, patuloy nilang sususugan ito upang maipatupad ang pagbebenta lamang ng mga halal food sa isang banda ng palengke upang safe na makapamili ang kanilang mga kapwa Muslim.
Hindi lamang pagkonsumo ng baboy at dugo nito ang ipinagbabawal sa Muslim faith.
Mayroon din silang tiyak na guidelines sa pagkatay at paghahanda ng mga food ingredients upang maituring na halal.
Ang mga karne ng baka, tupa, at manok ay dapat na kinatay ng isang Muslim butcher gamit ang Sumbali method o ang agarang paglaslas ng lalamunan ng hayop.
Kasunod nito ay ang pag-aalay ng dasal habang umaagos ang dugo ng hayop.
Dismayado din ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) at umapela ang mga ito “to hold the offending vendors accountable.”
Ang mga miyembro ng INC ay naniniwalang marumi at hindi nararapat kainin ang dugo ng baboy.
Base sa kuwento ng ilang saksi, taong 2013 pa ginagawa ang pagpapahid o paglulubog ng mga isda sa dugo ng baboy.
PIG’S BLOOD IN FOREIGN DISHES
Samantala, ang dugo ng baboy ay popular culinary ingredient sailang kultura.
Katunayan, isa sa mga ipinagmamalaking putahe ng Pilipinas ay ang dinuguan na may sangkap ng karne at lamang loob ng baboy. Kulay itim din ang sarsa nito dahil sa inihahalong dugo ng baboy.
Bukod sa Pilipinas, may ibang bansa rin ang gumagamit ng dugo ng baboy bilang sangkap sa kanilang lutuin.
Nariyan ang blood sausage o Sundae ng Korea, ang blood stew ng Batak tribe sa Indonesia na tinatawag na Sangsang (saksang), ang pig’s bood cake ng China, at ang traditional Portuguese stew na Sarapatel.
Ayon sa Food & Nutrition magazine, edible o maaaring kainin ang dugo ng baboy basta ito ay “heat-treated.”
Bagamat walang tiyak na data tungkol sa ntritional content ng pig’s blood, mayroong ilang nagsasabing mainam ito para sa mga taong may anemia dahil sa “high bioavailability of its heme iron,” ayon sa website ng National Medicine Library ng U.S.