Isang mag-ama mula sa San Pablo City, Laguna ang nabago ang buhay matapos mapanalunan ang February 27, 2023 MegaLotto 6/45 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang winning combination para sa nasabing draw ay 25-4-11-35-15-09, at may premyong PHP11,631,365.60.
Last March 14 ay pumunta sa tanggapan ng PCSO sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City ang mag-amang bagong milyonaryo para kunin ang kanilang napanalunan.

Ayon sa panayam sa anak, "Yun pong mga numbers na itinaya ng Daddy ko ay mga dates po ng mga birthdays po namin, at age ko po which is 35.”
Pagbabahagi naman ng ama, dalawang tiket ang tinayaan niya para sa winning combination.
"Meron akong pinuntahan sa may plaza, tumaya ako ng 1:00 p.m. ‘Tapos pagbalik ko sa sasakyan ko bandang 3:00 p.m., tumaya ulit ako ng parehong number.
“Pag-uwi ko sa bahay, ibinigay ko sa kanya [anak na lalaki]. Sabi ko, tig-isa tayo. Kapag tumama, hati tayo."
Read also: Sari-sari store owner sa Northern Samar, wagi ng PHP63.1M Super Lotto jackpot
Dagdag pa niya, malaki rin ang paniniwala niya sa isinasaad ng kanyang horoscope forecast ngayong taon.
"Sabi sa horoscope ko, ang 2023 daw ay year of abundance para sa lahat nang ipinanganak ng 1959 at malaki ang chance na yumaman ngayong taon.
“Kaya taya lang po ako nang taya sa lotto."
Nang tanungin kung ano ang plano ng mag-ama sa kanilang napanalunan, mabilis na sagot ng anak, "Wala muna po at this time. Savings muna po.
“Ide-deposit muna po namin sa bangko kasi paalis po sina Daddy this April. Pupunta po sila ni Mommy sa mga kapatid ko po sa Canada.
“Siguro pagbalik nila next year, dun na po namin iisipin kung ano po ang gagawin sa pera. But basically, it is for our family's future."
Labis naman ang pasasalamat ng mag-ama sa PCSO.
Pinatunayan din nila na legit ang lotto sa Pilipinas.

Ayon sa ama, "Salamat po sa PCSO. Sa loob ng mahigit 30 years kong pagtaya ay ginawa ninyo akong milyonaryo.
“At saka naniniwala na ako ngayon na totoo pala na may nananalo ng jackpot, dati kasi may agam-agam ako.
“Pero heto na ako ngayon, hawak ko na ang tseke na nagpapatunay na nanalo ako.
“Salamat sa ating Panginoon."
Mensahe naman ng anak sa publiko, "Ako rin, mananaya rin po ako ng lotto, siguro mga more than five years na.
“Pero sa totoo lang, ako ay dudang-duda lalo na kapag lumalaki na ang jackpot. Iniisip ko po na kukunin lang ito ng mga pulitiko.
“Sorry for being frank, but the connotation is always like that kasi wala naman po akong kakilala na nanalo ng jackpot until such time na kami pala ni Daddy ay mismong mabibiyayaan ng Diyos na manalo."
Panawagan niya sa mga tao, “Maniwala kayo sa lotto.
“Wala po itong daya at hindi po tayo niloloko ng PCSO, kasi talagang may nananalo po ng jackpot at ang dalawa dun ay kami po ng Daddy ko."

Ang 30 percent ng PCSO revenues ay napupunta sa charitable programs ng ahensiya, gaya ng Medical Access Program, Calamity Fund, at Patient Vehicle Donation Program.
Read also: PHP1K inflation ayuda, ibibigay sa 9.3M pinakamahihirap na pamilyang Pilipino
Alinsunod naman sa Republic Act 1169, ang winning lotto ticket ay may one year validity mula sa mismong araw ng draw.
Ang mga premyo na hindi na-claim ay magiging forfeited at gagawing bahagi ng PCSO Charity Fund, na gagamitin para sa mga mahihirap, at mga indibidwal at institusyon na nangangailangan ng financial and medical assistance.
Ang MegaLotto 6/45 game ay binobola nang live tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes; 9:00 p.m. sa PTV-4.
