Nangako ang Department of Foreign Affairs (DFA) na bibilisan ang pagpoproseso ng mga passport para mas mapaganda pa ang kasalukuyang appointment system nito.
Sa pahayag na inilabas ng ahensiya noong August 11, 2022, kabilang sa mga aayusin sa system ay kapag nagkakaroon ng pagkakamali ang applicant sa pagpi-fill up ng forms.
Hindi kasi pinapayagan sa kasalukuyang system ang on-site corrections kaya ang applicant ay kinakailangang mag-apply muli.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary for Consular Affairs Henry Bensurto Jr., "This is something that has immediately caught our attention, and I thought we have to address this quickly.
“I have already made instructions to start the process of simplifying this, allowing the system to make that correction on the spot based on the documents that are presented."
Sinabi ni Bersuto na target ng ahensiya na maayos ang system by October 2022.
Tinutugunan na rin ng DFA ang napaulat na pahirapang pag-secure ng passport processing slot via online habang inaasahan ang pagdami ng aplikasyon sa December.
Ani Bensurto, ikinukunsidera ang paglalagay ng karagdagang satellite application offices sakaling payagan ang request ng DFA na karagdagang pondo.
Plano ring magbukas ng consular offices sa mga probinsiya.
Sa kasalukuyan ay umaabot lang sa 1,000 passport applications at 1,400 authentication applications ang kayang i-accommodate ng main consular office ng DFA sa Aseana, Parañaque.
Kabilang dito ang 300 walk-in applicants para sa Passport Courtesy Lane, at 300 din sa Authentication Apostille services.