Isang puno ng Bay-ang na matatagpuan sa So. Maglunod, Brgy. Quezon, San Carlos, Negros Occidental, ang pinaniniwalaang nasa 100 taon na.
Ang Bay-ang ay isang forest tree na lumalaki hanggang 25 metro. Ang tablang nakukuha mula rito ay maaaring gawing furniture at wood panels.


Noong March 21, 2022 ay sinuri ang nasabing puno ng Bay-ang ng mga kinatawan ng City Environment Management Office (CEMO) Forestry Division, City Tourism Office, Bantay Bukid Brigade at ng mga opisyal ng Brgy. Quezon.

Nagkapit-kamay ang 19 na katao sa palibot ng puno para masukat ang laki nito.
Ayon kay Ramil E. Tanuco, administration aide ng CEMO-Forestry Division, batay sa video footage na kuha ng drone, tinatayang ang puno ay may taas na 50 feet.
Ipoproseso ng local government unit sa tulong ng Brgy. Quezon council ang mga kinakailangang requirements para opisyal na ideklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang puno ng Bay-ang ay bahagi na ng Heritage Tree Program ng ahensiya.
Sa ilalim ng Heritage Tree Program ng DENR, para mapabilang ang isang puno sa programa, dapat na ito ay malusog at may dayametro na isang metro pataas.
Dapat ding ma-establish ang aesthetic, historical, cultural, social and educational significance ng puno.
Ang nominasyon nito para sa Heritage Tree Program ay kailangang i-endorso ng isang grupo o indibidwal na siya ring magiging “adopter” ng puno.
Kapag ang isang puno ay kasama na sa Heritage Tree Program ng DENR, hindi na ito puwedeng galawin ng kahit sino.
Kung may puputuling sanga o anumang bahagi ng puno ay kailangan munang may pahintulot ng DENR.

Isa si Moreto G. Sagario, CEMO job order employee at residente ng Brgy. Quezon, sa nagpapatunay na posibleng mahigit 100 taon na ang puno ng Bay-ang.
Pagbabahagi niya, malaki na ang nasabing puno nang makita niya ito noong 1964.
Grade one pa lang umano siya noon. Ngayon ay 66 years old na siya, at natutuwa siyang naroon pa rin at malusog ang puno ng Bay-ang.
Pinatotohanan naman ni Roberto G. Ymbang, 62, ang sinabi ni Moreto.
Four years old naman siya nang unang makita ang puno ng Bay-ang. Naikuwento rin umano sa kanya ng ama na naroon na ang puno nang dumating sa Pilipinas ang mga Hapon noong World War II.
Umapela naman sina Moreto at Roberto sa kanilang mga kabarangay na magtanim ng mga puno at protektahan ang kanilang mga kagubatan.
Kasabay ng isinagawang assessment sa puno ng Bay-ang, 30 seedlings ng iba’t ibang forest trees ang itinanim malapit dito bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Day of Forests.