Kinansela ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng pampublikong pagdiriwang ng Chinese New Year mula January 31 hanggang February 1, 2022.
Inilabas ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kautusan noong January 25 sa pamamagitan ng kanyang nilagdaang Executive Order (EO) No. 11.
Pahayag ni Domagoso sa isinagawang online conference, “Nakikisuyo tayo sa ating mga kababayang Filipino-Chinese na wala tayong mga dragon dance, wala tayong mga paputok o firecracker.
“Ipinagbabawal din ang inuman o pagbebenta ng alak simula January 31 to February 1.”
Nanawagan rin siya sa mga opisyal ng 20 barangay sa Chinatown na mahigpit na ipatupad ang EO.
Nilinaw naman niya na ang mga pamilya ay maaaring magsagawa ng pribadong pagdiriwang bilang pagsalubong sa Chinese New Year at gawin ang tradisyon sa loob ng mga tahanan.
Aniya, “Ang wala lang yung mga activities sa public kasi alam natin isa sa tourist attraction ng Maynila is the celebration of the Chinese New Year.
“Kasi talagang dumadagsa yung ating mga kababayan kasi napakasaya talaga ng activities ng Chinese New Year.”
Ito na ang ikalawang magkasunod na taon na kinansela ang mga aktibidad sa pagsalubong sa Chinese New Year dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Domagoso na bagaman at bumababa sa ngayon ang mga kaso sa Maynila, hindi pa rin nawawala ang panganib na magkahawahan ang mga tao lalo na kung may pagtitipon.