Binigyan ng Apple ang ilan sa mga engineers nito ng malaking stock bonuses na nagkakahalaga mula US$50,000 (PHP2,527,932.22) hanggang US$180,000 (PHP9,100,555.99).
Ayon sa ulat ng Bloomberg noong December 29, 2021 (Philippine time), ang bonus na ipinagkaloob ng Apple ay para mapigilan ang mga empleyado nito na lumipat sa mga kalabang kumpanya—partikular sa Meta (dating Facebook).

Kabilang sa mga nakatanggap ng malaking bonus ang mga empleyadong nagtatrabaho sa silicon design, hardware and select software, and operations group.
Ang shares ay epektibo sa loob ng apat na taon bilang insentibo para hindi umalis ang empleyado sa Apple.
Ipinagkaloob ito sa mga may magandang work performance.
Bagaman at magkaibang negosyo ang Apple at Meta, sa kasalukuyan ay pareho silang lumilikha ng ingay sa virtual and augmented reality space.

Ang Meta na pag-aari ni Mark Zuckerberg ay naiulat na nagde-develop na rin ng sarili nitong smartwatch.
Popular naman sa ngayon ang Apple Watch, ang smartwatch ng Apple dahil sa features nito gaya ng fitness tracking, health-oriented capabilities, and wireless telecommunication, bukod pa sa naka-integrate ito sa iOS (operating system ng Apple) at iba pang Apple products and services.
Nakapag-hire na ang Meta ng halos 100 engineers mula sa Apple nitong nakalipas na buwan.
IBANG APPLE EMPLOYEES SUMAMA ANG LOOB
May mga na-recruit na rin ang Apple na key employees mula sa social-media giant, gaya ng dati nitong augmented reality (AR) public relations head na si Andrea Schubert.
Ang Meta ang market leader sa VR headsets dahil produkto nitong Oculus.
Nakatakda namang maglunsad ang Apple ng sarili nitong version sa 2022.
Samantala, hindi lahat ng Apple engineers ay nakatanggap ng bonus.
Ayon sa source ng Bloomberg, kakatwa at sorpresa ang nasabing bonus na ibinigay sa halos 10 percent hanggang 20 percent ng engineers ng Apple.
Ang ibang hindi nakatanggap ay sumama ang loob, ayon pa rin sa ulat.
Bihira umano sa Apple ang ganitong pinili lang ang binigyan ng bonus dahil karaniwan nang nakatatanggap ang mga empleyado nito ng base salary, stock units, at cash bonus.
Ang kumpanya na nakabase ang headquarters sa Cupertino, California, ay may 80,000 empleyado.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.