Naglabas ang National Vaccination Operations Center ng advisory tungkol sa pagpapabakuna sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Inilabas ang Advisory No. 70 ngayong araw, Agosto 5, 2021, dahil sa ipapatupad na ECQ sa ilang lugar sa bansa simula Agosto 6 hanggang Agosto 20, 2021.
Nakasaad sa advisory na istriktong ipatutupad ang scheduling sa mga vaccination centers, at lahat ng magpapabakuna ay dapat na nakapagparehistro.
Maaaring payagan ng local government units (LGUs) na mag-walk-in ang mga senior citizen ngunit dapat na maipatupad pa rin ang minimum public health standards.
Pinapayuhan ang mga magpapabakuna na sundin sa lahat ng pagkakataon ang minimum health public standards—wearing of face mask and face shield, proper distancing, at handwashing.
Pansamantala namang ihihinto ang pagbabakuna sa mga medical center at mga ospital habang nasa ECQ.
Tuloy pa rin ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon habang nasa ECQ, ngunit dapat kunin ng mga magpapabakuna ang pinakamaikling ruta papunta sa vaccination site at pabalik ng kanilang bahay.
Pinapayuhan naman ang sinumang nakararanas ng sintomas ng COVID-19 o nagkaroon ng close contact sa isang COVID-19 positive sa loob ng 14 na araw na ipagpaliban muna ang pagpapabakuna.
Kinakailangan ring agad silang makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Team.