Umapela ang Department of Transportation (DOTr) sa mga operator at driver ng mga public utility vehicle (PUV) na seryosohin ang pagdi-disinfect sa kanilang mga sasakyan bilang bahagi ng health protocols kontra COVID-19.
Ito ang panawagan ng DOTr kasunod ng pagba-viral sa social media ng 20-second video ng dalawang tauhan ng Metro Rail Transit (MRT) na bara-barang nagdi-disinfect sa loob ng bagon pagkatapos magsibaba ang mga pasahero rito.
Makikita sa video ang apurahang pag-i-spray ng disinfectant ng lalaking tauhan ng MRT habang mabilis na binabaybay ang loob ng bagon.
Kasunod nito ang isa pang lalaking tauhan na may dalang pamunas sa magkabilang kamay.
Habang naglalakad, mabilisang pinagdadampi lang—at hindi pinunasan laban sa posibleng COVID-19 virus—ng pangalawang lalaki ang dalang pamunas sa mga nadaanang handrail.
Ang video ay kuha ng MRT passenger na si Kim Justine Obrado.
In-upload ni Obrado ang video sa kanyang Facebook page nitong Sabado, March 13.
Sinabi ni Obrado sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kinuhanan niya ang video bandang 7:30 ng gabi nitong Biyernes sa North Avenue Station ng MRT.
At press time, ang video ni Obrado ay mayroon nang mahigit 27,000 reactions, 34,000 shares, at 5,400 comments.
KEEPING COMMUTERS SAFE VS COVID-19
Sa official statement ng DOTr ngayong Lunes, March 15, pinaalalahanan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang mga transport operator sa kahalagahan ng disinfection sa kanilang sasakyan upang maprotektahan ang mga pasahero laban sa COVID-19.
Sabi ni Tugade: “The proper disinfection of public transport vehicles is a key factor in keeping our commuters safe from COVID-19.
“We should not be hasty in the cleaning and disinfection of our vehicles.
“The riding public trusts us that the jeepneys, the buses and the other public transport vehicles that we operate are safe, and virus-free,” dagdag niya.
Kasabay nito, umapela si Tugade sa mga pasahero na makipagtulungan sa pagpigil ng hawahan ng virus sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtalima sa minimum health protocols:
- Tamang pagsusuot ng face mask at face shield
- Pagpapanatili ng physical distancing
- Hindi pagsasalita, pagkain, at pakikipag-usap habang nasa biyahe
REPORT BREACH OF HEALTH PROTOCOLS
Hinikayat din ng DOTr Secretary ang commuters na iulat ang anumang paglabag sa health protocols na ito mula sa panig ng transport operators at ng kapwa pasahero.
“Let us do our share by reporting immediately to the proper authorities any breach of health protocols that are committed inside public transport vehicles by your fellow passengers,” ani Tugade.
“We are all in this fight together.”
Maaaring makipag-ugnayan sa hotline at social media pages ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB), Inter-Agency Council for Traffic (IACT), rail transport operators, at air at maritime sector authorities.
Sa panig ng MRT management, inanunsiyo nito noong Linggo, March 14, na nalapatan na raw ng “disciplinary action” ang dalawang tauhan ng disinfection team na nag-viral sa bara-barang paglilinis sa loob ng bagon ng MRT train.
DOH LOGS 5,404 NEW INFECTIONS TODAY
Sa gitna ng paglobo ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga araw, mahalagang sigurado ang mga pasahero na ligtas sa virus ang mga PUVs.
Sa latest data mula sa Department of Health (DOH), nadagdagan pa ng 5,404 ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.
Ito ang pinakamaraming bagong kaso na naitala sa isang araw, eksaktong isang taon ang nakalipas matapos isailalim sa community quarantine ang bansa.
Dahil dito, 626,893 na ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, 53,479 ang kasalukuyang ginagamot, habang 12,837 na ang namatay.

